Kasaysayang pulitikal

baguhin

Mga unang pagkainis laban sa Shogunato

baguhin

Sa loob ng dalawang siglo bago ang taong 1854, lubos na limitado ang pakikipaghalubilo ng Hapon sa mga bansang dayuhan, na may ilang hindi nasasama rito tulad ng Korea sa pamamagitan ng Tsushima, Tsina sa pamamagitan ng mga pulo ng Ryukyu, at mga Olandes sa pamamagitan ng daungang pangkalakalan sa Dejima. Noong 1854, binuksan ni Commodore Perry sa daigdigang kalakalan kasama ng banta ng puwersa, na siyang nagsimula ng isang panahon ng mabilis na pag-unlad sa kalakalang dayuhan at Westernization. Malaking kadahilanan ang kahiya-hiyang mga napagkasunduan sa mga Tratadong Di-patas, na siyang tawag sa mga kasunduang katulad ng ipinadala ni Perry, sa oposisyong panloob laban sa Shogunato, na naging sanhi ng isang kilusang radikal, ang sonnō jōi (literal na "purihin ang Emperador, palayasin ang mga barbaro").

Sumang-ayon ang Emperador Kōmei sa ideya ng kilusan at, sa pagsuway sa ilang siglo ng tradisyon, nagsimulang maging aktibo sa pamumuno ng estado: magpakita man ang pagkakataon, kinondena niya ang mga tratado at sinubukang makialam sa pagkakasunod-sunod ng mga shogun. Naging bunga nito ang "Kautusang nagpaaalis sa mga barbaro" noong Marso 1863. Wala man naging nais ang Shogunato na ipatupad ito, lumikha ito ng gulo laban sa Shogunato mismo at sa mga banyaga sa Hapon: pinakakilala rito ang nangyari sa mangangalakal na Ingles na si Charles Lennox Richardson, na sa kanyang pagkamatay ay napilitang magbayad ang pamahalaang Tokugawa ng isandaang libong libras Briton. Kasama rin sa ibang mga pagsalakay ang pagbomba sa mga dayuhang barko sa Shimonoseki.

Noong 1864, matagumpay na kinontra ng mga banyaga ang mga pangyayaring ito sa pamamagitan ng armas. Ilang mga halimbawa ng mga ito ay ang pagbomba sa Kagoshima ng mga Briton, at ang pagbomba sa Shimonoseki ng ilan pang mga nasyon. Kasabay nito, tinangkang angkinin ng puwersa ng Chōshū, kasama ng ilang ronin, ang Kyoto na kinalalagyan ng korte ng Emperador sa Pag-aalsang Hamaguri. Subalit, tinalo sila ng puwersa ng Shogunato sa ilalim ng pamumuno ni Tokugawa Yoshinobu, na magiging kahuli-hulihang shogun ng bansa. Kasunod na iniutos ng Shogunato ang isang ekspedisyon upang parusahan ang Chōshū, ang Unang Ekspedisyon sa Chōshū, at nakuha ang pagsuko nito nang walang nangyari na labanan. Matapos ito, naglaho ang naunang pagtutol sa Shogunato mula sa mga pinuno ng Chōshū at sa korte imperyal. Subalit sa paglipas ng isang taon matapos nito, hindi nagawa ng mga Tokugawa ang maibalik nang buo ang kanilang pamumuno sa bansa sapagkat maraming mga daimyo ang nagsimulang ipagwalang-bahala ang mga kautusan o katanungan galing sa Edo.