Talumpati
Ang talumpati ay isang buod ng kaisipan o opinyon ng isang tao na pinababatid sa pamamagitan ng pagsasalita sa entablado para sa mga pangkat ng mga tao. Layunin nitong humikayat, tumugon, mangatwiran, magbigay ng kaalaman o impormasyon at maglahad ng isang paniniwala. Isang uri ito ng komunikasyong pampubliko na nagpapaliwanag sa isang paksa na binibigkas sa harap ng mga tagapakinig.
Sining ito ng pagpapahayag ng isang kaisipan tungkol sa isang paksa sa paraang pasalita sa harap ng tagapakinig. Ang panandaliang talumpati (extemporaneous speech) ay ang agarang pagsagot sa paksang ibinibigay sa mananalumpati at malaya siyang magbibigay ng sariling pananaw. Maaaring may paghahanda o walang paghahanda ang talumpati. Tinatawag na impromptu sa wikang Ingles ang talumpating walang paghahanda kung saan binibigay lamang sa oras ng pagtatalumpati. Sinusubok ang kaalaman ng mananalumpati sa paksa.
Maaaring binabasa, sinasaulo o binabalangkas ang talumpati. Sa binabasang talumpati, inihanda at iniayos ang sinusulat muna ang talumpati upang basahin nang malakas sa harap ng mga tagapakinig. Samantalang ang sinaulong talumpati, inihanda at sinaulo para bigkasin sa harap ng mga tagapakinig. Habang naghahanda ng balangkas ng kanyang sasabihin ang binalangkas na talumpati kung saan nakahanda ang panimula at wakas lamang.
Layunin at bahagi ng Talumpati
baguhinAng talumpati ay maaaring maghatid ng tuwa o sigla, nagdaragdag ng kaalaman o impormasyon, magpahayag ng katuwiran, magbigay paliwanag o mang-akit o mang-hikayat sa isang kilusan o paniniwala. Maaari din namang magbigay papuri ang isang talumpati. Maaaring pagpasyahan ang layunin ng anumang uri ng talumpati ayon sa pagkakataon, aksiyon ng pagdiriwang o okasyon.
Nahahati sa tatlong bahagi ang talumpati:
- Pamagat - inilalahad ang layunin ng talumpati, kaagapay na ang istratehiya upang kunin ang atensiyon ng madla.
- Katawan - nakasaad dito ang paksang tatalakayin ng mananalumpati.
- Katapusan - ang pagwawakas ang pinakasukdol ng buod ng isang talumpati. Dito nakalahad ang pinakamalakas na katibayan, paniniwala at katuwiran upang makahikayat ng pagkilos sa mga tao ayon sa layunin ng talumpati.
Paghahanda sa talumpati
baguhinSa pagpili ng paksa, maaaring suriin kung saklaw ng paksang napili ang kaalaman, karanasan at interes at mapukaw sa sarili o sa makikinig ng talumpati. Kapag nakapili na ng paksa, maaaring magtitipon ng mga materyales na gagamitin sa pagsulat ng mga impormasyon na siya namang gagamitin sa isusulat na talumpati. Maaaring pagkunan ng mga impormasyon ay ang dating kaalaman at mga karanasan na may kinalaman sa paksa, mga babasahing kaugnay ng paksa, mga awtoridad sa paksang napili. Pagkatapos makatipon ng mga materyales na gagamitin sa talumpati, maaari ka nang magbalangkas ng mga ideya at hatiin sa tatlong bahagi: panimula, katawan at pangwakas. Maaari pang mapabuti ang talumpati sa paglinang ng kaisipan na kung saan nakapaloob ang mahalagang impormasyon na sumusuporta sa mga pangunahing kaisipan na inilahad sa balangkas.
Para maging epektibo ang talumpati, pinapayuhan ang mananalumpati na magkaroon ng magandang personalidad, maging malinaw ang pananalita, may malawak na kaalaman sa paksang tinatalakay, may mahusay na paggamit ng kumpas, at may kasanayan sa pagtatalumpati. Dapat din tandaan ng mananalumpati ang tindig, galaw, pagbigkas, pagbibigay din at kaugnayan (rapport) sa madla.
Mga sanggunian
baguhin- Emily V. Marasigan, Alma M. Dayag (2004), Pluma IV (Wika at Panitikan Para sa Mataas na Paaralan), Phoenix Publishing Co, Inc., pp. 213, 124–125, ISBN 971-06-2596-9
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)
Mga ugnay panlabas
baguhin- Ano Ang Talumpati at mga Halimbawa nito? Naka-arkibo 2008-09-18 sa Wayback Machine. ni Jehzeel Laurente
- Mga Halimbawa ng Talumpati Naka-arkibo 2008-09-09 sa Wayback Machine. ni Juan Karlo Licudine