Ang tina o pantina[1] (Kastila: Tinte, Aleman: Farbstoff, Portuges: Corante, Italyano: Colorante, Ingles: Dye[1]) ay isang sustansiyang ginagamit na pangkulay ng mga bagay o materyales, karaniwang para sa paglalagay o pagbibigay ng kulay sa telang ginagamit sa paggawa ng mga damit o kasuotan.[2] Tinatawag din itong anyil o tayum.[1] Kapag natinahan o nalagyan ng tina ang isang bagay, mabilis na kumakapit sa bagay na ito ang kulay dahil sa mga puwersang kimikal o pisikal. Ngunit hindi tinatawag na pagtitina ang pagkakalagay ng kulay sa isang bagay kung hindi "hinahawakan", pinagtatagal, o pinakakapit ng mga puwersang kimikal o pisikal ang mga kulay sa bagay na ito; sa halip, isa lamang itong "paghawa" o bahid ng mantsa.[2]

Pagkakaroon ng kulay ng tina

baguhin

Nagkakaroon ng kulay ang isang damit na tininahan o nilagyan ng tina dahil sa kakayahan nitong tumanggap o sumipsip ng liwanag, partikular na ng mga liboy-haba (o wavelength sa Ingles, literal na "haba ng alon") ng liwanag. May kulay ang tina sapagkat humihigop ito ng ilang mga liboy-haba at itinutulak, pinatatalbog, o nagpapabalik-sinag ang iba..[3] Mayroong kani-kaniyang partikular na liboy-haba ng liwanag ang bawat isang kulay, ngunit ang puti ay isang pagkakahalu-halo ng mga liwanag ng lahat ng nakikitang mga liboy-haba.[4] Nagiging pula sa paningin ang isang pulang damit dahil sumisipsip ang tinang inilagay dito ng lahat ng mga liboy-haba ng liwanag maliban na lamang sa pula na pinatatalbog nito. Ang tumalbog na kulay ang kulay ng tina na makikita ng mata.[5] Samantala, nagmumukhang puti o "walang kulay" ang tinang hindi humihigop ng anumang nakikitang liboy-haba ng liwanag. Depende sa paraan ng pagkakaayos ng mga atomo sa loob ng mga tipik o molekula ng isang tina ang partikular na mga liboy-habang nasisipsip o nahihigop ng tina; nakasasanhi ang isang pagbabago sa puwesto, posisyon, o kinalalagyan ng atomo ng paghinto sa kakayahang sumispsip ng liboy-haba ng isang molekula ng tina.[2]

Pagkupas ng kulay ng tina

baguhin

Sa paglaon, kumukupas din ang mga tina dahil nawawala ang kanilang kapangyarihang makatanggap o makasipsip ng liwanag. Kapag nabilad sa sinag ng araw ang isang bagay, katulad ng damit, nalalantad o nababantad ito sa liwanag ng araw na mayroong enerhiya o lakas. Ang enerhiyang ito ng liwanag ng araw ang unti-unting nagtatanggal ng mga atomo nito sa kanilang kinalalagyan o puwesto sa loob ng molekula ng tina. Sa pagdaan ng panahon, nangungupas o nagiging kupas na sa paningin ang isang bagay dahil napakarami na ng mga molekulang nawalan ng kulay o natanggalan ng kakayang sumispsip ng liboy-haba ng liwanag.[2]

Sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 Gaboy, Luciano L. Dye, pangtina - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 "Dyes and Dyeing, What makes dyes fade?". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 366-372.
  3. Kiefer, Gerald: Kompakt-Wissen Gymnasium - Chemie: Organische Stoffklassen Natur-, Kunst- und Farbstoffe, Stark Verlag, 2012, ISBN: 978-3894496692, pahina 161-170.
  4. Grimm, Hans-Ulrich: Chemie im Essen: Lebensmittel-Zusatzstoffe, Knaur TB, 2013, ISBN: 978-3426785614, pahina 23-28.
  5. Jianhua, Duan: Tintura y tejido, Cooperacion Editorial, 2012, ISBN: 978-8495920423, pahina 17-23.