Tteokguk

sinabawang kakanin na kinakain tuwing Bagong Taon ng mga Koreano

Ang tteokguk[2] (Koreano떡국) ay isang tradisyonal na putaheng Koreano na kinakain tuwing pagdiriwang ng Bagong Taon ng mga Koreano. Binubuo itong ulam ng sabaw o sopas (guk) na may mga hiniwang kakanin (tteok). May tradisyon sa Timog Korea na kinakain ang tteokguk sa pinaka-unang araw ng Bagong Taon dahil pinaniniwalaang nagbibigay ito ng kapalaran o suwerte sa buong taon at makakakuha din ng isang karagdagang sal (isang taon ng buhay). Kadalasang sinasahugan ito ng mga ginayat na itlog, hinulom na karne, gim (),[3] at langis ng linga (참기름).

Tteokguk
UriSabaw
LugarKorea
Pangunahing SangkapKakanin
Enerhiya ng pagkain
(per 1 paghain)
120 kcal (502 kJ)[1]
Karagdaganmay kaugnayan sa Bagong Taon ng mga Koreano
Pangalang Koreano
Hangul떡국
Binagong RomanisasyonKamalian sa panitik: Ang tinukoy mong tungkulin ay hindi umiiral.
McCune–ReischauerKamalian sa panitik: Ang tinukoy mong tungkulin ay hindi umiiral.
IPAt͈ʌk̚.k͈uk̚

Kasaysayan

baguhin

Hindi alam ang pinagmulan ng pagkakain ng tteokguk tuwing Bagong Taon. Subalit ibinanggit ang tteokguk sa ika-19 na siglong aklat ng mga kaugalian, Dongguksesigi (동국세시기; 東國歲時記), na siyang nagsasahog ng baka o paysan para sa sabaw, at nirerekaduhan ng paminta.[4] Binanbanggit din ng aklat ang gawi ng pagkakain ng isang mangkok ng tteokguk sa umaga ng Araw ng Bagong Taon upang tumanda ng isang taon, at kaugalian ng pagsasabi ng "Ilang mangkok ng tteokguk ang nakain mo na?" upang itanong ang edad ng isang tao.[5]

Sa aklat na Ang Kaugalian ng Joseon na isinulat noong 1946 ng mananalaysay na si Choe Nam-seon, ipinapalagay na ang kaugalian ng pagkakain ng tteokguk tuwing Bagong Taon ay nagmula sa mga sinaunang panahon. Kinakain sa partikular na araw na iyon ang puting tteok na nagpapahiwatig ng kadalisayan at kalinisan, at naging isang ritwal ito sa pagsisimula ng Bagong Taon para sa magandang kapalaran.[5]

Tuwing seollal

baguhin

Sa Korea, tuwing seollal, isang ritong pangninuno ang paghahain ng pamilya ng tteokguk sa kani-kanilang mga ninuno habang nagsisikain.[6] Kahit pana-panahong putahe ang tteokguk sa tradisyon, kinakain na ito ngayon sa buong taon.

Mga sangkap at uri

baguhin

Nabubuo ang kaldo sa pagpapakulo ng pangunahing protina (baka, manok, baboy, paysan, pagkaing-dagat) sa sabaw na tinimplahan ng ganjang. Noong nakaraan, karne ng paysan o manok ang ginagamit sa sabaw ng tteokguk, ngunit sa kasalukuyan, pangunahing ginagamit ang karne ng baka.[7] Pagkatapos, sinasalaan ang sabaw upang marepina ito, at ang mga garaetteok na mahahaba at hugis-silindro ay inaalipis nang diyagonal at pinapakuluan sa malinaw na sabaw. Nilalahukan ito bago ihain; nag-iiba-iba ang lahok ayon sa rehiyon at personal na nais, ngunit kabilang sa mga karaniwang lahok ang mga pritong pula at puti ng itlog na ginayat, gim, at tanduyong.[4]

Kabilang sa mga baryedad ng tteokguk ang saeng tteokguk (생떡국) o nal tteokguk (날떡국), isang espesyalidad ng lalawigan ng Chungcheong, kung saan ang pinaghalong di-malagkit na bigas at malagkit na bigas ay binibilog o ginagawang hugis-garaetteok, tapos hinihiwa papasok sa kumukulong sabaw;[8] joraengi tteokguk (조랭이 떡국) mula sa rehiyong Kaesong na may tteok na binaluktot para maging maliliit na hugis-kukun;[9] at gon tteokguk (곤떡국) mula sa pulo ng Jeju, na gumagamit ng hiniwang jeolpyeon tteok kaysa gumamit ng karaniwang garaetteok.[10] Sa Jeolla-do, mayroon silang jangtteokguk na may manok at toyo.[11]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. "tteokguk" 떡국. Korean Food Foundation (sa wikang Koreano). Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Oktubre 2017. Nakuha noong 16 May 2017.
  2. (sa Koreano) "주요 한식명(200개) 로마자 표기 및 번역(영, 중, 일) 표준안" [Pamantayang Romanisasyon at Pagsasalinwika (Ingles, Tsino, at Hapones) ng (200) Pangunahing Putaheng Koreano] (PDF). National Institute of Korean Language. 2014-07-30. Nakuha noong 2017-02-16.
  3. (sa Koreano) Tteokguk[patay na link] at Doosan Encyclopedia
  4. 4.0 4.1 (sa Koreano) Tteokguk Naka-arkibo 2011-06-10 sa Wayback Machine. at Nate Encyclopedia
  5. 5.0 5.1 (sa Koreano) Tteokguk culture Naka-arkibo 2011-06-10 sa Wayback Machine. at Nate Encyclopedia
  6. "Staple Food" [Mga Pangunahing Pagkain]. hansik.org (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-10-04. Nakuha noong 2014-03-21.
  7. "떡국". terms.naver.com (sa wikang Koreano). Nakuha noong 2021-04-04.
  8. (sa Koreano) Saeng tteokguk Naka-arkibo 2011-06-10 sa Wayback Machine. at Nate Encyclopedia
  9. (sa Koreano) Joraengi tteokguk Naka-arkibo 2011-06-10 sa Wayback Machine. at Nate Encyclopedia
  10. (sa Koreano) Gon tteokguk[patay na link] at Doosan Encyclopedia
  11. 정혜윤 (2021-02-12). "지역마다 다른 설 떡국...특징과 의미는?". YTN (sa wikang Koreano). Nakuha noong 2024-09-09.