Pamatay-patinig
Ang pamatay-patinig (Ingles: vowel-killer) ay isang panlahat na termino para sa diyakritiko sa maraming iskrip na Abugida, kabilang ang baybayin, upang sugpuin ang likas na patinig sa isang karakter—kaya magiging mag-isa na lamang ang katinig.[1] Ang pamatay-patinig ay karaniwan ding tinatawag na virama (mula sa Sanskrit na ibig sabihi'y "pagtigil, pagwawakas, pagtatapos"), bagaman may sarili rin itong pangalan sa bawat wika, kagaya ng halant, hasant, pulli, viramamu, atbp. Ang bawat iskrip sa Unicode na gumagamit ng pamatay-patinig ay may sariling kodigong punto o code point para sa karakter na iyon.[2]

Paggamit sa Baybayin
baguhinSa nakakaraming iskrip na Brahmiko, ang virama ay isang diyakritiko na ginagamit upang kanselahin ang likas na patinig ng isang katinig, at kumatawan sa isang katinig na walang patinig.
Sa tiyak na repormang Baybayin o sulat-Tagalog, tinatawag din ang pamatay-patinig bilang "pangaltas" (mula sa pang + kaltas). Ang pamatay-patinig ay isang simbolo sa Baybayin na ginagamit upang alisin ang patinig sa isang titik.
Sa Baybayin, ang bawat titik ay kumakatawan sa isang pantig na may kasamang patinig na "a." Upang alisin ang patinig na ito, nilalagay ang pamatay-patinig sa ibaba ng titik. Halimbawa, ang titik ᜃ /ka/ ay magiging ᜃ᜴ /k/ kapag nilagyan ng pamatay-patinig.[3]
Mga pamatay-patinig sa Baybayin
baguhinTinatawag na "pamudpod" ( ᜴) ang katutubong virama sa Baybayin dahil nagmula ito sa mga sinaunang sistema ng pagsusulat sa Pilipinas bago dumating ang mga kolonisador. Maraming mas pinipiling gamitin ang pamudpod sa Baybayin dahil sa katutubong pinagmulan nito at kawalan ng kolonyal na kahulugan. Makikita rin ito sa 900 KP na Laguna Copperplate Inscription, ang pinakamatandang dokumento ng Pilipinas. Si Antoon Postma, isang antropologong Dutch, ay hiniram ang konseptong ito at ipinakilala ito sa mga Mangyan upang buhayin ang Sulat Hanuno’o, na siyang tinanggap ng mga Mangyan.[4]
Ang krus-kudlit ( + ) ay isang uri ng pamatay-patinig na ginamit sa Baybayin noong ika-17 siglo. Ang krus-kudlit ay unang ipinakilala ni Francisco Lopez, isang pari na Kastila, noong 1620 sa kanyang aklat na "Doctrina Christiana. Dahil sa kolonyal na simbolismo ng krus-kudlit, mas pinipili ng ilang mga tagagamit ng Baybayin ang paggamit ng pamudpod dahil wala itong kolonyal na kahulugan.
Maihahalintulad sa krus-kudlit ang virama na ekis o siniwali ( x ) na isinilarawan ni De los Santos noong 2006. Ang ekis ay minsang itinuturing na may katutubong pinagmulan kumpara sa krus-kudlit na ipinakilala ng mga Kastila.[4]
Ang pangaltas ( _ )ay isang uri ng pamatay-patinig na ipinakilala ni John NL Leyson noong 2020 sa kanyang proyekto na Baybayin GLOKAL. Ang pangaltas ay may anyo ng isang guhit na pahaba na inilalagay sa ibaba ng titik upang alisin ang likas na patinig. Ang pangaltas ay isang bagong konsepto na naglalayong gawing mas madaling gamitin ang Baybayin sa digital na mundo. Ito rin ay dinisenyo upang matugunan ang isyu sa akronim at pagdadaglat.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ "Definition of VIRAMA". www.merriam-webster.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-10-21.
- ↑ "Typographic character units in complex scripts". World Wide Web Consortium (W3C).
- ↑ "Mga Uri ng Pangaltas". www.facebook.com. Nakuha noong 2024-10-21.
- ↑ 4.0 4.1 https://www.unicode.org/L2/L2020/20257-pamudpod.pdf