Walther Bothe
Si Walther Wilhelm Georg Bothe (8 Enero 1891 – 8 Pebrero 1957) ay isang pisikong nukleyar mula sa Alemanya, na nakibahagi kay Max Born sa Gantimpalang Nobel sa Pisika noong 1954.
Walther Bothe | |
---|---|
Kapanganakan | 8 Enero 1891
|
Kamatayan | 8 Pebrero 1957
|
Mamamayan | Alemanya |
Nagtapos | Humboldt-Universität Berlin Unibersidad ng Giessen |
Trabaho | pisiko, imbentor, propesor ng unibersidad, kimiko, matematiko |
Noong 1913, sumali siya sa kalilikha pa lamang na Laboratoryo para sa Radyoaktibidad na nasa Reich Physical and Technical Institute (PTR), kung saan nanatili siya hanggang sa pagsapit ng 1930, na ang panghuling ilang mga taon ay ginugol niya sa pagiging direktor ng laboratoryo. Nagsilbi siya sa military noong Unang Digmaang Pandaigdig magmula 1914, at naging bilanggong sundalo siya ng mga Ruso, at nakabalik lamang sa Alemanya noong 1920. Nang makabalik na siya sa laboratoryo, nilikha, pinaunlad at inilapat niya ang mga metodo ng koinsidensiya (pagkakataon) upang pag-aralan ang mga reaksiyong nukleyar, ang epektong Compton, ang mga sinag kosmiko, at ang pagiging dalawa (duality) ng alon-partikulo ng radyasyon, na magiging dahilan ng pagkakamit niya ng Gantimpalang Nobel sa Pisika noong 1954.
Noong 1930, siya ay naging isang ganap na propesor at direktor ng kagawaran ng pisika sa Pamantasan ng Giessen. Noong 1932, naging direktor siya ng Institutong Pisikal at Radyolohikal sa Pamantasan ng Heidelberg. Tinanggal siya mula sa tungkuling ito ng mga elemento ng kilusang deutsche Physik. Upang mahadlangan ang kaniyang paglisan mula sa Alemanya, itinalaga siya bilang direktor ng Instituto ng Pisika ng Institutong Kaiser Wilhelm para sa Pananaliksik na Pangmedisina (Kaiser Wilhelm Institute for Medical Research, KWImF) sa Heidelberg. Doon ay itinayo niya ang unang umaandar na siklotron sa Alemanya. Bilang dagdag pa, naging prinsipal siya ng Uranium Club, isang Alemang proyekto na pang-enerhiyang nukleyar, na nagsimula noong 1939 sa ilalim ng pangangasiwa ng Tanggapan ng mga Sandata ng Hukbong Panlupa.
Noong 1946, bilang dagdag sa kaniyang pagkadirektor sa Instituto ng Pisika sa KWImf, muli siyang naibalik bilang isang propesor sa Pamantasan ng Heidelberg. Mula 1956 hanggang 1957, naging kasapi siya sa Pangkat na Panggawain para sa Pisikang Nukleyar sa Alemanya.
Noong sumunod na taon pagkaraan ng pagkamatay ni Bothe, ang kaniiyang Instituto ng Pisika na nasa KWImF ay iniangat ng antas upang maging isang bagong panimulaan o instituto na nasa ilalim ng pamamahala ng Samahang Max Planck (Max Planck Society) na sa pagdaka ay naging ang Institutong Max Planck para sa Pisikang Nukleyar. Sa lumaon, ang pangunahing gusali nito ay pinangalanan bilang laboratoryong Bothe.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Pisika at Alemanya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.