Ehersisyong pampainit

(Idinirekta mula sa Warm-up)

Ang mga ehersisyong pampainit (Ingles: warm-up exercises) ay ang mga galaw na isinasagawa bago ang pagganap ng mga ehersisyong pangkatawan upang buhayin ang nahihimbing na lakas ng mga kalamnan ng katawan.[1] Kabilang sa mga ito ang mga masisigla o dinamikong pag-iinat, pag-uunat, pagbabatak (pagbabaltak), paghahatak (paghahaltak), paghila, o pagbabanat ng mga masel, na kinabibilangan ng mga kilos na mabagal ngunit tinatabanan o kontrolado sa kabuuan ng paggawa ng bawat buong saklaw na galaw. Ang mga ehersisyong pampainit ng katawan ay nakapagpapainam ng antas ng pagganap ng mga ehersisyong pangkundisyon ng atleta o manlalaro (kabilang ang pangkaisipan at pangkatawang mga gampanin), pati na ang pagpapadali ng proseso ng pagbawi o pagpapanumbalik ng lakas ng katawan matapos na makadama ng kapaguran at pamamaga ng mga kalamnan ang atleta dahil sa nagawang mga pangkatawang pagsasanay. Mainam ang mga ehersisyong pampainit, kabilang ang mga dinamikong pag-uunat, sapagkat nakapagbabawas ito ng paninigas ng mga masel, kung kaya't nakababawas din ng maaaring maranasang kapinsalaan sa masel.[2]

Isang pangkat ng mga sundalong mandaragat ng Estados Unidos na nagsasagawa ng mga ehersisyong pampainit.

Ang mga ehersisyong pampainit (na may pagkakahawig sa kalisteniks[1]), kasama ng ehersisyong pampalamig pagkatapos ng pagsasagawa ng mga ehersisyong pangkatawan, ay mahalagang bahagi ng inilaang panahon para sa pagsasanay, at pati na rin sa paligsahang pangpalakasan.[2] Ang mga ehersisyong pampainit, na maaaring mangailangan lamang ng 5 hanggang 10 mga minuto ng pagsasagawa, ay nakapagpapatalas ng komunikasyon o talastasan sa pagitan ng isipan at mga masel ng atleta kapag ginagawa na ang mga ehersisyong pangkatawan. Nakapagpapainam din ang mga ehersisyong pampainit ng pleksibilidad (kalambutan), mobilidad (maginhawang paggalaw), at postura (tindig at pagpoposisyon) ng katawan. Ang mga ehersisyong pampainit ay maaaring gawin hindi lamang sa himnasyo, bagkus ay maaari ring isagawa sa tahanan bago ang oras o araw ng pagganap ng mga ehersisyong pangkatawan sa himnasyo o bago ang isang laro o tunggaling pampalakasan. Matuturing ang mga ehersisyong pampainit bilang regular na mga galaw na pampapanatili ng wastong pagkilos ng mga masel ng katawan, na nakakatulong din sa pagsasagawa ng anumang iba pang gawain ng tao sa araw-araw niyang pamumuhay, [1] katulad ng sa hanapbuhay o mga gawaing pantahanan.

Pakinabang

baguhin

Ang mga ehersisyong pampainit ay isinasagawa upang mapainam ang pagganap ng mga ehersisyong pangkatawan, mapataas ang tulin ng kontraksiyon (pagliit o pagiksi) at pagpapaluwag ng uminit na mga masel, mabawasan ang paninigas ng mga masel, mapalawak ng ekonomiya ng kilos dahil sa bumabang antas ng malagkit na paglaban o pagsalungat sa loob ng nainitang mga masel, mapainam ang paggamit ng oksiheno ng maiinit na mga masel (ang hemoglobin ay mas handang magpakawala ng oksihen kapag mas mataas ang temperatura ng masel), mapainam ang pagganap ng mga nerbiyo at mapainam ang metabolismo ng mga masel (partikular na kapag may matataas na mga temperatura), mapataas ang daloy ng dugo sa masisiglang mga tisyu (dahil sa bumubuka ang mga daanan ng dugo), mapahintulutan ang pintig ng puso na maabot ang isang katanggap-tanggap at angkop na antas upang masimulan ang pagsasakatuparan ng mga ehersisyong pangkatawan, at makatuon ang isipan ng tao sa pagsasanay o kaya sa paligsahang pampalakasan.[2]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 Campbell, Adam. The Men'sHealth Big Book of Exercises, Warmup Exercises, Kabanata 12, Rodale, New York, 2009, pahina 352-353.
  2. 2.0 2.1 2.2 "Warm Up", Warm Up and Cool Down, brianmac.co.uk