Sa 18 Enero (ngayong Miyerkules), magkakaroon ng panandaliang pagpapatay (pagpapatay na nangangahulugang "off") sa Wikipediang Ingles at ilang mga proyekto (kasama ang Wikipediang Aleman, Wikimedia Commons at Wikipediang Italyano) bilang tugon sa hamon ng Pundasyong Wikimedia (Wikimedia Foundation) na labanan ng Stop Online Piracy Act (SOPA) na iminumungkahi sa Estados Unidos. Dahil nasa Estados Unidos ang mga serbidor ng mga proyektong Wikimedia, kasama na dito ang Wikipediang Tagalog, maaapekto rin tayo ng batas na ito.

Dahil dito, at dahil na rin sa mga naganap na usapan sa ilang mga proyekto, nais kong mag-organisa ng isang pangkagipitang talakayan (emergency discussion), na magiging batayan sa kung sang-ayon o hindi sang-ayon ang pamayanan ng Wikipediang Tagalog sa panandaliang pagpapatay ng Wikipediang ito ngayong Miyerkules. Dahil papalapit na ang Miyerkules, magtatapos ang talakayang ito sa Komentaryo (RFC) ng 9:00 n.g (alas nuwebe ng gabi) ngayong Martes, upang makamit natin ang isang malawakang konsenso tungkol sa isyung ito.

Maaaring basahin ang tungkol sa SOPA dito (sa Ingles, ngunit makatutulong ang salin sa Tagalog), at maaaring tingnan ang kilos ng Wikipediang Ingles dito. Maraming salamat, mga kapuwa kong Wikipedista, at Sulong Wikimedia! --Sky Harbor (usapan) 00:44, 17 Enero 2012 (UTC)[sumagot]