Abyasyon
Ang abyasyon (sa wikang Ingles: aviation) ay ang praktikal na aspekto o sining ng eronautika, bilang disenyo, pag-unlad, produksyon, operasyon at paggamit ng mga sasakyang panghimpapawid, lalo na iyong mga mas mabigat pa sa hangin. Sa Ingles, ito ay tinatawag na aviation, na nilikha ng Pranses na manunulat at dating opisyal ng hukbong-dagat na si Gabriel La Landelle noong 1873, mula sa pandiwang avier (sabay na paglipad), na nanggaling naman sa Latinong salita na avis (ibon) at sa hulaping "-ation" ("-syon").
Ang mga piloto ang pangunahing halimbawa ng propesyong may kinalaman sa industriya ng abyasyon. Ang piloto ang siyang nagdadala sa mga pasahero o kargamento sa isang tiyak na ruta at oras. Siya rin ang namamahala sa isang multi-crew airline aircraft at may pananagutan sa kaligtasan ng lahat ng pasahero at crew ng isang sasakyang panghimpapawid.
Napapaloob sa mga pangunahing gawain ng piloto ang paghahanda ng isang flight plan. Bago lumipad, sinisiyasat niya ang eroplano, flight controls, mga instrumento at makina nito. Sumasangguni din siya sa mga flight dispatchers at weather forecasters. Sa tulong ng radio equipment, nakikipag-ugnayan sila sa control tower para sa take off, clearance, at arrival instructions. Sinisiguro din niya na maayos na naipapaalam sa mga pasahero ang mga emergency procedures, detalye tungkol sa panahon, at iba pang mahalagang impormasyon.
May mga sinaunang alamat ang paglipad ng tao gaya ng kwento ni Icarus sa mito ng Griyego at ni Jamshid sa mito ng Persiya, at sa paglipas ng panahon, may mga lumabas na medyo mas kapani-paniwala na mga pahayag ng mga paglipad ng tao sa maikling distansya, gaya na lamang ng lumilipad na automat ni Archytas ng Tarentum (428-347 BC), ng paglipad na may pakpak nina Abbas Ibn Firnas (810-887) at Eilmer ng Malmesbury (ika-labing-isang siglo), at ng "hot-air Passarola" ni Bartholomeu Lourenco de Gusmão (1685-1724).
Ang modernong panahon ng abyasyon ay nagsimula sa unang walang taling paglipad na mas magaan pa sa hangin noong Nobyembre 21, 1783, gamit ang isang hot-air balloon (lobong may mainit na hangin sa loob) na dinisenyo ng magkapatid na Montgolfier. Ang pagiging praktikal ng mga lobo ay limitado dahil ang mga ito ay maaari lamang humikap pababa. Agad na nakilanlan na iyong naigigiya na lobo pala ang kailangan. Ang unang barkong panghimpapawid na gawa ng tao ay ipinalipad ni Jean-Pierre Blanchard noong 1784 at ito ay tumawid sa Bambang ng Inglatera noong 1785.