Pang-uri
Ang pang-uri o sugnó ay isang bahagi ng pananalita na binabago ang isang pangngalan, karaniwang sinasalarawan nito o ginagawang mas partikular ito. Gayon man, hindi kinikilalang uri ng salita sa pangkalahatan ang pang-uri; sa ibang salita, may mga ilang wika ang hindi gumagamit ng mga pang-uri. [kailangan ng sanggunian] Ang pang-uri ay nagbibigay ng turing sa isang pangngalan o panghalip.Ang mga pinakakinikilalang mga pang-uri ay iyong mga salita katulad ng malaki, matanda at nakakapagod na sinasalarawan ang mga tao, mga lugar, o mga bagay.
Kayarian ng Pang-uri
May apat na anyo/kayarian ang mga pang-uri. Ito ay ang mga sumusunod:
Payak
Ito ay binubuo ng mga salitang-ugat lamang.
Halimbawa: hinog, sabog, ganda
Maylapi
Ito ay mga pang-uri na binubuo ng salitang-ugat at panlapi.
Halimbawa: tinanong, kumakain, pagmahal
Inuulit
Ito ay binubuo sa pamamagitan ng pag-ulit ng buong salita o bahagi ng salita.
Halimbawa: pulang-pula, puting-puti, araw-araw, gabi-gabi (Hindi inuulit ang mga salitang: halo-halo, paru-paro)
Tambalan
Ito ay binubuo ng dalawang salitang pinagtatambal.
Halimbawa: ningas-kugon, ngiting-aso, balat-sibuyas, kapit-tuko, bahag buntot
Uri ng Pang-uri
May tatlong uri ang mga pang-uri. Ito ay ang mga sumusunod:
Panlarawan
Ito ay nagsasaad ng laki, kulay, anyo, amoy, tunog, yari, lasa at hugis ng mga pangngalan o panghalip. Halimbawa: munti, biluhaba, matamis, malubha
Pantangi
Sinasabi nito ang tiyak na pangngalan. Ito ay binubuo ng isang pangngalang pambalana at isang pangngalang pantangi. Ang pangngalang pantangi (na nagsisimula sa malaking titik) ay naglalarawan o tumutukoy sa uri ng pangngalang pambalana. Halimbawa: wikang Ingles, kulturang Espanyol, pagkaing Iloko
Pamilang
Ito ay nagsasabi ng bilang, dami, o posisyon sa pagkakasunodsunod ng pangngalan o panghalip. May ilang uri ito.
Patakaran
Ito ay nagsasaad ng aktuwal na bilang ng tao o bagay. Ito ay mga basal na bilang o numeral. Halimbawa: isa, apat, limang libo
Panunuran
Ito ay nagsasaad ng posisyon ng pangngalan sa pagkasunod-sunod ng mga tao o bagay. Isinasabi ng mga ito kung pang-ilan ang tao o bagay.
Halimbawa: ikatlo, una, pangalawa
Pamahagi
Ito ay nagsasaad ng bahagi ng kabuuan ng pangngalan. Ang unlaping tig- ay nagsasaad ng pantay na pamamahagi (equal distribution). Ginagamit ito kapag ang bilang ng bagay na ibinigay o natanggap ay parepareho.
Maaari rin na may anyong bahagimbilang o hating-bilang (fraction sa Ingles) ang pamahaging pamilang. Ginagamit din ang salitang bahagdan, persentahe, o porsiyento pagkatapos ng bilang para sa bahagi ng isang daan.
Halimbawa: kalahati, limang-kawalo, sangkapat
Pahalaga
Ito ay nagsasaad ng halaga (katumbas na pera) ng bagay o anumang binili o bibilhin.
Halimbawa: piso, limampung sentimo, sandaang piso
Palansak
Ito ay nagsasaad ng pagpapang-pangkat ng mga tao o bagay. Itinutukoy nito ang bilang na bumubuo ng isang pangkat ng tao o bagay na pinagsama-sama.
Halimbawa: dalawahan, sampu-sampu, animan
Patakda
Ito ay nagsasaad ng tiyak na bilang ng pangngalan. Ang bilang na ito ay hindi na madadagdagan o mababawasan pa.
Halimbawa: iisa, dadalawa, lilima
Antas ng Hambingan ng Pang-uri
May tatlong antas ng hambingan ng pang-uri.
Lantay
Ito ay naglalarawan lamang ng isa o payak na pangngalan o panghalip.
Halimbawa: maliit, kupas, mataba
Pahambing
Ito ay ginagamit sa pagtutulad ng dalawang pangngalan o panghalip.
Magkatulad
Ito ang paghahambing kung patas sa katangian ang pinagtutulad. Ginagamitan ito ng mga unlapi tulad ng ga-, sing-/kasing-, magsing-/magkasing-.
Di-magkatulad
Ito ang paghahambing kung nagbibigay ito ng diwa ng pagkakait, pagtanggi o pagsalungat.
- Palamang - may higit na positibong katangian ang inihahambing sa bagay na pinaghahambing. Gumagamit ng higit, lalo, mas, di-hamak at iba pa.
- Pasahol - may hugit na negatibong katangian ang pinaghahambingan. Gumagamit ng di-gaano, di-gasino, di-masyado at iba pa.
Pasukdol
Ito ang pinakadulong digri ng kaantasan. Ito ay maaaring positibo o negatibo. Ang paglalarawan ay masidhi kung kaya maaaring gumagamit ng mga katagang sobra, ubod, tunay, talaga, saksakan, hari ng ___, at kung minsa'y pag-uulit ng pang-uri.
Lantay | Pahambing | Pasukdol | ||
---|---|---|---|---|
Magkatulad | Di-magkatulad | |||
Palamang | Pasahol | |||
pangit | kasing-pangit | higit na pangit | di-gaanong pangit | pinakapangit |
maganda | singganda | mas maganda | di-masyadong maganda | ubod ng ganda |
mabango | magkasing-bango | lalong mabango | di-gasinong mabango | tunay na mabango |
Antas ng Paglalarawan ng Pang-uri
Tatlo ang antas ng paglalarawan ng pang-uri. Ang mga antas na ito ay walang paghahambing.
Lantay
Ito kapag payak o karaniwang anyo ng pang-uri ang ginagamit sa paglalarawan.
Halimbawa: matalino, palatawa
Katamtaman
Ito kapag sinasamahan ng mga salitang medyo, nang kaunti, nang bahagya o pag-uulit ng salitang-ugat o unang dalawang pantig ng salitang-ugat.
Halimbawa: medyo mataba, malakas nang bahagya, malakas-lakas, matabang nang kaunti
Masidhi
Ito kapag gumagalit ng napaka, ubod ng, saksakan ng, talagang, sobrang, masyadong at pag-uulit nang buo ng pang-uri. Ang paglalarawan sa antas na ito ng katangiang taglay ng pangngalan o panghalip ay matindi o sobra.
Halimbawa: napakalakas, ubod ng bait, talagang mabango, makinis na makinis
Kailanan ng Pang-uri
May tuntuning sinusunod sa pag-buo ng kailanan ng pang-uring ginagamitan ng panlaping ma-.
Isahan
Kung naglalarawan sa isang pangngalan/panghalip, ginagamit ang ma- at salitang-ugat.
Halimbawa: masaya, maungkot
Maramihan
Kung naglalarawan sa dalawa o mahigit pang pangngalan/panghalip, ginagamit ang ma- at inuulit angunang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Halimbawa: maliliit, magaganda
Hindi na kailangan gamitin ang salitang mga kung magkasunod ang pangngalan at pang-uring ginagamitan ng pag-uulit ng unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Halimbawa: "Ang magagandang damit ay kasya kina Erica at Bel."
Mga sanggunian
Mga Pinagkukunan
- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 8 by Remedios Infantado ISBN 978-971-23-7030-4 p.169
- Pinagyamang Pluma 9, by Ailene G. Baisa-Julian, Mary Grace G. del Rosario, Nestor S. Lontoc ISBN 978-971-06-3652-5, pp. 383
- mga-uri-ng-pang-uri.pdf. samutsamot.files.wordpress.com. Retrieved 19 June 2019.
- Bagong Likha: Wika at Pagbasa 4, by Ester V. Raflores ISBN 978-971-655-331-4, pp. 326-327, 341-342
- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 7 by Ramilito Correa ISBN 978-971-23-7028-1 p. 19