Ang agraryanismo o agrarismo (Kastila: agrarismo) ay mayroong dalawang pangkaraniwang mga kahulugan. Ang unang kahulugan ay tumutukoy sa isang pilosopiyang panlipunan o kaya sa isang pilosopiyang pampolitika na nagpapahalaga sa isang lipunang rural bilang mas nakaaangat kaysa sa lipunang urbano; na ang nakapagsasariling magbubukid ay mas nakaaangat kaysa sa inuupahang manggagawa, at tumatanaw sa pagsasaka bilang isang paraan ng pamumuhay na makahuhubog sa ideyal na mga pagpapahalagang panlipunan.[1] Binibigyang diin nito ang pagiging nakaaangat ng isang payal na pamumuhay na rural kaysa sa kasalimuotan ng buhay sa lungsod, kung saan mayroong mga bangko at mga pabrika. Ang Amerikanong si Thomas Jefferson ay isang halimbawa ng isang agraryano na nagtatag ng Demokrasyang Jeffersoniano sa paligid ng diwa na ang mga magbubukid ay ang pinakamahahalagang mga mamamayan at ang pinakatunay na mga republikano.[2]

Ang mga pinag-ugatang pampilosopiya ng agrarismo ay kinabibilangan ng mga pilosopong Europeo at Intsik. Ang Intsik na Paaralan ng Agrarismo ay isang pilosopiya na nagtataguyod ng utopianong komunalismo at egaletaryanismo na pangtagabukid.[3] Nakaimpluwensiya ito sa mga intelektuwal ng Europa na katulad ni François Quesnay, isang masugid na Kumpusyanista at tagapagtangkilik ng mga patakarang agraryo ng Tsina, kaya't nailunsad niya ang pilosopiyang agraryano na Pisyokrasya.[4] Ang mga Pisyokrata, kasama na ng mga ideya ni John Locke at ng Panahong Romantiko, ang bumuo sa batayan ng makabagong agrarismong Europeo at Amerikano.

Pangalawa, ang katagang "agrarismo" ay nangangahulugang mga mungkahing pampolitika para sa pamamahagi ng lupain, partikular na ang pagpapamudmod ng lupain magmula sa mga mayayaman papunta sa mga mahihirap o walang-lupa. Ang terminolohiyang ito ay karaniwan sa maraming mga bansa, at nagmula sa "Lex Sempronia Agraria" o "mga batas na agraryano" ng Sinaunang Roma noong 133 BC, na inilapat ni Tiberius Gracchus, na kumamkam ng lupaing publiko (ager publicus) na ginamit ng mga mayayaman at ipinamahagi sa mga mahihirap.[5] Ang kahulugang ito ng agrarismo ay karaniwang tinatawag bilang "repormang agraryano".

Sa mga lipunan naimpluwensiyahan ng Confucianismo, ang magsasakay ay itinuturing na isang mahalagang produktibong kasapi ng lipunan, habang mababa namang ang tingin sa mga mangangalakal na nagkakamit ng salapi.

Noong ika-18 at ika-19 na daantaon sa Inglatera, ang salitang "agrarismo" ay tumutukoy sa anumang kilusan na pangrepormang panlupa na naglalayong maipamahaging muli nang patas ang mga lupaing nalinang na. Sa kasalukuyan, ang salita ay nailasan na nang malakihan ng ganitong kahuluguang pampolitika. Sa halip, ang agrarismo ay tumuturo na sa isang kalipunan ng mga ideyang pampolitika, pampilosopiya, at pampanitikan na kapag pinagsama-sama ay tila naglalarawan ng buhay sa kabukiran na may pagkaideyal.[kailangan ng sanggunian]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Thompson, Paul. 2010. “Interview Eighteen” in Sustainability Ethics: 5 Questions Ed. Ryne Raffaelle, Wade Robinson, at Evan Selinger. Estados Unidos: Automatic Press
  2. Thomas P. Govan, "Agrarian and Agrarianism: A Study in the Use and Abuse of Words," Journal of Southern History, Vol. 30#1 (Feb., 1964), pp. 35-47 in JSTOR
  3. Deutsch, Eliot; Ronald Bontekoei (1999). A companion to world philosophies. Wiley Blackwell. p. 183.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. L.A. Maverick, "Chinese Influences upon the Physiocrats," Economic History, 3:54-67 (February 1938),
  5. H. H. Scullard, From the Gracchi to Nero: A History of Rome from 133 B.C. to A.D. 68 (1963) ch 2