Si Ahmad ibn Mājid (Arabe: أحمد بن ماجد‎), na ang buong pangalan ay Ahmad ibn Majid ibn Muhammad al-Saʿdi al-Jaddi al-Najdi (Arabe: احمد بن ماجـد محمد السعدي الجدي ﺍﻟﻨﺠﺪﻱ, Aḥmad ibn Mājid ibn Muḥammad al-Saʿdī al-Jaddī al-Najdī) ay isang Arabong nabigador at kartograpo na ipinanganak noong 1421 sa Julphar, na nakikilala na sa ngayon bilang Ras Al Khaimah. Ang lungsod na ito ay isa sa pitong kaemiran ng Nagkakaisang Kaemirang Arabo, subalit noong panahong iyon ay inuuri bilang dalampasigan ng Oman. Lumaki siya sa loob ng isang mag-anak na tanyag sa paglalayag sa dagat; sa gulang na 17, nagawa niyang maglayag ng mga barko. Tanyag na tanyag siya, kung kaya't nakilala siya bilang unang mandaragat na Arabo. Ang tumpak na petsa ay hindi nalalaman, ngunit maaaring namatay si Ibn Majid noong 1500. Naging bantog siya sa Kanluran bilang ang nabigador na tumulong kay Vasco da Gama upang mahanap ang landas mula sa Aprika hanggang sa India, subalit, hindi sumasang-ayon sa pag-aangking ito ang pangunahing paham sa paksang ito na si G.R. Tibbetts. Si Ibn Majid ang may-akda ng halos 40 mga akda ng panulaan at prosa.


TalambuhayIslamKasaysayan Ang lathalaing ito na tungkol sa Talambuhay, Islam at Kasaysayan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.