Alemang Aklatang Sentral para sa Bulag
Ang Alemang Aklatang Sentral para sa Bulag (Aleman: Deutsche Zentralbücherei für Blinde) o DZB kung pinaikli, ay isang pampublikong aklatan para sa mga may biswal na kapansanan na matatagpuan sa lungsod ng Leipzig, Sahonya, Alemanya. Kabilang ang koleksyon nito ng 72,300 pamagat sa mga pinakamalaki sa mga bansang nagsasalita ng Aleman.[1] Binubuo ang institusyon ng isang silid-aklat na nagpapahiram, isang bahay-lathalaan, at lunduyang saliksik para sa komunikasyon na walang hadlang. Mayroon din itong mga pasilidad sa paglikha para sa mga librong braille, audiobook, at musikang braille. Naglalathala ang DZB ng halos 250 bagong pamagat taun-taon.[2] Itinatag noong 1894, ang DZB ay ang pinakalumang silid-aklatan para sa bulag sa Alemanya.[3]
Bansa | Alemanya |
---|---|
Itinatag | 1894 |
Lokasyon | Gustav-Adolf-Straße 7 04105 Leipzig |
Koleksyon | |
Laki | 72,300[1] |
Akses at paggamit | |
Sirkulasyon | 192,600[1] |
Iba pang impormasyon | |
Direktor | Dr. Thomas Kahlisch |
Mga kawani | 77 |
Websayt | http://www.dzb.de/ |
Kasaysayan
baguhinIsang pribadong asosasyon, itinatag ang Samahan para sa Pagkuha ng Malaking-limbag na Aklat at Mga Oportunidad na Magkatrabaho para sa Bulag (Aleman: Verein zur Beschaffung von Hochdruckschriften und Arbeitsgelegenheit für Blinde zu Leipzig) sa Leipzig noong 1894 upang magbigay ng panitikan at trabaho sa mga bulag.[4] Sinimulan ito sa isang bahay ng isang tagapagbenta ng libro at lumago sa unang silid-aklatan para sa mga bulag na tao sa Imperyong Aleman. Kalaunan, itinatag ng samahan ang sarili nitong bahay-lathalaan at palimbagan. Isang pundasyon ng pagkakawanggawa, itinatag ang Verein zur Förderung der Deutschen Zentralbücherei für Blinde noong 1916 upang suportahan at itaguyod ang silid-aklatan. Sa panahong ito, mayroong higit sa 5,000 buok-braille at 1,200 ang karaniwang gumagamit nito.[5]
Paglipas ng Unang Digmaang Pandaigdig, tumaas nang matindi ang bilang ng gumagamit at noong 1926 mayroong 3,500 gumagamit ang DZB. Pinilit ng Matinding Depresyon ang silid-aklatan sa matinding paghihigpit na nagbunga ng mga pagbawas sa talagugulin at pagtitiwalag. Noong 1935, lumipat ang DZB sa komersyal na bahay-lathalaan, Druckhaus Klepzig, sa Täubchenweg sa Leipzig. Kalaunan, nawasak ang gusaling ito sa isang pagbobomba ng mga Kaalyado noong Disyembre 1943 at nawala ang mahigit sa 30,000 ng mga libro ng silid-aklatan. Inilipat ang kaunting natira sa koleksyon sa isang alternatibong pook sa Döbeln noong 1944.[5]
Agad-agad pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilipat ang DZB sa bagong tirahan sa Weißenfelser Straße na may koleksyon ng 1,802 aklat. Sa pamamagitan ng desisyon ng pamahalaang panlalawigan noong Nobyembre 7, 1946, idineklara ang silid-aklatan bilang pampublikong institusyon. Noong sumapit ang 1949, umabot sa 10,000 buok ang koleksyon ng silid-aklatan. Noong 1952, napasailalim ang DZB sa tangkilik ng Silangang Alemang Ministeryo ng Edukasyon at noong 1955, napapailalim ito sa Ministeryo ng Kultura. Noong 1954, nilipat ang aklatan sa gusali na ginagamit pa rin hanggang ngayon sa Gustav-Adolf-Straße (Kalye Gustavus Adolphus).[5]
Kasunod ng muling pagsasama ng Alemanya, ang DZB ay naging ahensya ng Pambansang Ministeryo ng Agham at Sining ng bagong Malayang Estado ng Sahonya.[4]
Koleksyon
baguhinNoong sumapit ang Disyembre 2011, may hawak ang silid-aklatan sa mga 72,300 pamagat. Ang isang seksyon ng pananaliksik ay may mga aklat, pahayagan, at monograp sa kapansanan sa paningin. Bilang karagdagan, palaging naglalathala ang DZB ng 18 iba't ibang mga pahayagan sa Braille at sa mga bersyong audio. Kabilang sa koleksyon ng DZB ang:[1]
- 72,300 kabuuang aytem
- 21,900 librong Braille
- 19,000 DAISY na audiobook
- 6,100 librong musikang Braille
- 5,000 pang-agham na libro at monograp tungkol sa kapansanan sa paningin
Bawat taon naglilikha ang DZB ng halos 250 bagong pamagat. Mayroon itong isang kawani ng 77 empleyado, 15 sa kanila ay mga taong may kapansanan. Ayon sa DZB, "higit sa 5,000 miyembro ang gumagamit ng iba't ibang serbisyo ng silid-aklatan."[2]
Pasilidad sa musikang Braille
baguhinAng proyektong "DaCapo" na pinondohan ng Alemang Sang-isahang Ministeryo ng Kalusugan, ay nagsimula sa DZB noong 2003 upang makayari ng espesyal na partitura para sa bulag. Ang layunin ay hindi lamang para dumami ang mga partitura para sa mga may biswal na kapansanan, ngunit upang pabutihin rin ang mga pagkakataon sa karera para sa mga musikerong bulag. Nagbubuo rin ang lunduyang saliksik ng DZB ng mga proseso para sa paggawa ng partiturang Braille na may tulong ng kompyuter at pati na rin mga serbisyo sa transmisyon.[3]
Tumatanggap ang serbisyong paglalambing ng MakeBraille ng mga talaksang digital ng talihalat na pangtugtugin sa Internet sa mga pormat ng CapXML at MusicXML upang makagawa ng partitura sa pormat na Braille. Pampribado, at di-pang-komersyal lamang ang maaaring paggamit ng mga ito.
Tingnan din
baguhinMga sanggunian
baguhin- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 DZB in Zahlen und Fakten, December 2011. DZB online Naka-arkibo 2016-11-13 sa Wayback Machine. (sa Aleman), retrieved 08-Aug-2012
- ↑ 2.0 2.1 The DZB: About Us Naka-arkibo 2016-11-17 sa Wayback Machine.. Leipzig: DZB, 2011. Retrieved 08-Aug-2012
- ↑ 3.0 3.1 Dagmar Giersberg: Online "All Ears and within Reach – The German Central Library for the Blind in Leipzig." Bonn: Goethe Institute, November 2006. Retrieved 08-Aug-2012
- ↑ 4.0 4.1 "A Piece of History" Naka-arkibo 2016-03-04 sa Wayback Machine., Leipzig: DZB, 2011. (sa Ingles) Retrieved 08-Aug-2012
- ↑ 5.0 5.1 5.2 "Geschichte der DZB" Naka-arkibo 2016-11-13 sa Wayback Machine., Leipzig: DZB, 2011. (sa Aleman) Retrieved 08-Aug-2012
Mga kawing panlabas
baguhin- Opisyal na Website ng DZB[patay na link] (sa Ingles)
- Unang Pahina ng Alemang Instituto para sa Bulag (sa Aleman)