Si Alexis T. Belonio (ipinanganak noong 1 Enero 1960) ay isang propesor[1], inhinyero, siyentipiko, at imbentor mula sa Pilipinas. Siya ang unang Pilipinong nakapagwagi ng Gatimpalang Rolex para sa Gawain (Rolex Award for Enterprise, natanggap niya noong 2008), isang pagpaparangal na nagsimula noong 1976, dahil sa kanyang pagkakalikha ng isang hindi mamahaling kalan o kusinilyang ginagamitan ng malinis na panggatong na gaas na nagagawa mula sa ipa ng palay.[1][2] Ibinilang si Belonio ng Rolex, isang kompanyang gumagawa ng mga relo, sa sampung huwarang imbentor noong Nobyembre 2008.[3] Isa siyang kasamang propesor ng inhiyeriyang pang-agrikultura sa Central Philippine University ng Lungsod ng Iloilo. Dahil sa pagkakasama niya sa limang Kasamang Laureanong pinarangalan ng Rolex, nakatanggap siya ng $50,000 at isang kronometrong Rolex. 48 na taong gulang si Belonio noong matanggap niya ang parangal, at nagpahayag na gagamitin niya ang natanggap niyang halaga upang itaguyod at ipamahagi ang teknolohiya sa iba pang mga tao na walang hihilinging kapalit, at sa pamamagitan din ng paglalathala ng mga babasahin ukol sa imbensiyon.[4] Naganap ang pormal na pagkilala at pagpaparangal ng Rolex kay Belonio bilang unang Pilipinong naging Kasamang Laureano sa The Manila Peninsula ng Lungsod ng Makati noong 21 Enero 2009.[2] Gagamitin din Belonio ang natanggap niyang salapi para sa pagtatayo ng isang Lundayan para sa Teknolohiyang Pang-ipa ng Palay (Center for Rice Husk Technology) sa kanyang bayan sa Iloilo.[5]

Alexis Belonio
Kapanganakan1 Enero 1960
Nueva Ecija, Pilipinas
Trabahoimbentor, propesor, inhinyero, at siyentipiko
Kilala saNakatanggap ng Gantimpalang Rolex para sa Gawain

Ang imbensiyon ni Belonio

baguhin

Kasaysayan

baguhin

Nagsimula ang pagkahumaling ni Belonio sa mga ipa ng palay noong 2003, isang panahon ng pagtaas ng halaga ng mga panggatong. Bilang isang dalubhasa, nakapagdisenyo na siya ng mahigit sa tatlumpung mga aparato, katulad ng mga pampatuyo ng mga palayan at mga pambomba ng tubig na magagamit ng mga mahihirap na magsasakang Pilipino. Isinagawa ni Belonio ang pagpapainam ng imbensiyon bagaman hindi na bago ang ideya sapagkat nagkaroon na dati ng Lo Trao, isang kusinilyang Biyetnames na ginagatungan din ng ipa ng palay. Ang pagkakaiba ay nasa pagkawala ng pagiging mausok, pagkaalis ng hindi matatag na apoy, at katangian ng dumi mula sa paggamit ng nasabing kusinilya. Sa imbensiyon ni Belonio, ginamitan ito ng mabuting inhinyeriya at sapat na hangin, na kinasasangkapan ng isang maliit na bentilador na pinaaandar ng kuryente o baterya, na nagdurulot ng mas kapaki-pakinabang na pagkasunog ng mga ipa ng palay.[3]

Ang unang mga kusinilyang gawa ni Belonio ay dating nagkakahalaga ng $100 (katumbas ng mga 5,000[2]) bawat isa subalit, dahil sa patuloy na pagpapaunlad nito at pananaliksik sa Indonesya, napababa ang halaga hanggang $25 (katumbas ng mga ₱1,250[2]) bawat isa.[4] At nasa 20 sentimos lamang bawat araw ang gastos para sa pagpapatakbo ng bentilador ng kalan.[3] Lalo pang napapayak pa ni Belonio ang paggamit, mga materyales, at paggawa ng lutuan. Ginagawa na ito ngayon ng mga kompanyang nasa Pilipinas, Indonesya, at Cambodia na nakikiisa sa mga gawain ni Belonio. Ayon kay Belonio, dahil sa kanyang kalan nakakatipid ang isang mag-anak  – partikular na ang mga magbubukid ng palay  – ng may $150 sa mga bayaring nagugugol sa panggatong bawat taon. Dinagdag pa niyang naglalaman ng enerhiyang katumbas ng 415 mga litro ng petrolyo (378 litro ng kerosina) ang isang tonelada ng ipa ng palay. Nakakabawas din ang kusinilya ni Belonio ng mga hangin at usok na nakakalason at nakasisira sa kapaligiran ng mundo, partikular na sa epektong "lunting-bahay" (greenhouse). Muli pa ring nagagamit ang sunog na mga tira ng ipa sa pagpapainam ng mga lupang sakahan at sa pagbubuo ng mga bloke ng uling.[4] Inabot ng anim na buwan ang pagkakabuo ni Belonio ng kanyang kusinilya.[2]

Katangian

baguhin

Ang kusinilya ni Belonio ay isang maliit na bariles o malaking lata na may bentilador sa pang-ibabang bahagi nito. Nagbibigay ng hangin ang bentilador sa pamamaraan ng pagiging gaas o panglutong hangin ng ipa ng palay. Dinisenyo ang lutuan na madaling gamitin. Nakapagluluto rito ng piniritong isda sa loob lamang ng labinlimang mga minuto. Nakakakonsumo ito ng 2 mga kilogramo ng ipa ng palay bawat oras. Walang usok na inilalabas ang kusinilya ni Belonio at muli pang magagamit ang mga nasunog na ipa, bukod sa pagiging uling, bilang sementong pumipigil sa paglagos ng init ng apoy para sa tradisyonal na kalang ginagatungan naman ng kahoy. Malayang makukuha na walang bayad ang sipi ng plano ng imbensiyong ito mula sa internet.[6]

Sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 Iloilo scientist, professor is first Filipino to win Rolex Award, Filipino Reporter, Lungsod ng Bagong York, Enero 30  – 5 Pebrero 2009, pahina 22.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Sampan, Johanna M. The Filipino Champion, Turning Rice Husks into Treasure Naka-arkibo 2009-01-31 sa Wayback Machine., The Sunday Times Weekend, ManilaTimes.net, 25 Enero 2009
  3. 3.0 3.1 3.2 Telis, Gisela Angela. Rice-powered stove ignites new hope for poor farmers, Innovation, The Christian Science Monitor, CSMonitor.com, 3 Disyembre 2008
  4. 4.0 4.1 4.2 Pinoy inventor wins Rolex Award Naka-arkibo 2009-02-01 sa Wayback Machine., Pinoyrecord.com, 17 Enero 2009
  5. Morales, Neil Jerome C., Filipino inventor to set up rice husk center[patay na link], Agribusiness, Tomo XXII, Blg. 122, BusinessWorld Online, Bworldonline.com, Manila, Pilipinas, 22 Enero 2009
  6. Alexis Belonio - 2008 Associate Laureate Naka-arkibo 2009-04-23 sa Wayback Machine., Rolexawards.com, 2008

Panlabas na mga kawing

baguhin