Andrea Veneracion
Si Andrea Ofilada Veneracion (11 Hulyo 1928 – 9 Hulyo 2013) ay isang Pilipinong konduktor ng koro at Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika. Siya ang tagapagtatag ng Philippine Madrigal Singers. Siya rin ay isang hurado sa mga internasyunal na patimpalak para sa mga koro.
Andrea Veneracion | |
---|---|
Pangalan noong ipinanganak | Andrea Ofilada Veneracion |
Kilala rin bilang | Ma'am OA |
Kapanganakan | 11 Hulyo 1928 Manila, Philippine Islands |
Kamatayan | 9 Hulyo 2013 Quezon City, Philippines | (edad 84)
Genre | Choral music, classical music, folk music, pop music |
Trabaho | Konduktor, kompositor, arranger, mangaawit |
Instrumento | Vocals |
Taong aktibo | 1963–2004 |
Talambuhay
baguhinIsinilang siya sa Maynila noong 11 Hulyo 1928. Natapos niya ang kanyang unang dalawang kurso sa musika sa UP Diliman at nagtungo sa Indiana University sa Amerika upang mag-aral ng Masters in Vocal Pedagogy (Masters sa pagtuturo ng boses), kung saan una niyang natuklasan ang sining ng pag-awit ng mga madrigal.
Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, itinatag niya ang pangkat ng mga mang-aawit na binubuo ng mga guro at mga mag-aaral sa UP Diliman. Ito ay unang nakilala noong 1963 bilang UP Madrigal Singer (sa kalaunan, bilang Philippine Madrigal Singers). Noon pa man, itinaguyod niya para sa grupo ang mga tradisyon kung saan nakilala ang pag-awit ng mga madrigal: di tulad ng ibang mga koro, ang mga Madrigals ay umaawit ng nakaupo (sa halip na nakatayo) sa isang kalahating-bilog na ayos; at sa halip na gumamit ng kamay, "kumukumpas" ang tagakumpas sa pamamagitan ng mga munting pagbabago sa ayos ng mukha.
Sa kanyan pamamahala, ang mga Philippine Madrigal Singers ay nagwagi ng ilang mga malalaking premyo sa mga patimpalak para sa koro sa ibang bansa, kabilang na ang European Grand Prix for Choral Singing noong 1997; sa kalaunan, mapapanalunang muli ng grupo ang Grand Prix sampung taon ang lumipas, noong 2007, sa pamumuno ng kanyang kahaliling si Mark Anthony Carpio, ang unang pagkakataon sa koponan na nangyari ito.[1]
Ang ilan sa kanyang mga mang-aawit sa Madrigals ay nagkaroon din ng sari-sariling mga pangalan bilang mga kompositor, mga tagakumpas ng koro at orkestra at mga taga-areglo ng musika; ilan sa kanila ay sina Ryan Cayabyab, Edgardo Nepomuceno, Eudenice Palaruan, Joel Navarro, Jonathan Velasco at Arnold Zamora.
Siya rin ang pinakaunang tagakumpas ng Asian Institute for Liturgy and Music (AILM) Chorale.[2]
Para sa kanyang mga ambag sa pagpapalago ng pag-awit sa koro sa Pilipinas, iginawad sa kanya ang bansag na Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika noong 1999, ang pinakamataas na gawad pangsining ng pamahalaan ng Pilipinas para sa isang tao. Bukod dito, sa ilalim ng kanyang panunungkulan, ang Philippine Madrigal Singers ay pinangalanang tampok na grupong pangkoro (resident choral group) ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.
Nagretiro siya noong 2001 bilang tagakumpas ng mga Madrigals. Personal niyang pinili si Mark Anthony Carpio, noo'y kanyang katulong na tagakumpas, bilang kanyang kahalili.
Nagkaroon siya ng stroke noong Disyembre ng 2005, at bunga nito'y hindi siya nakapagsasalita. Nagdaos ng isang konsyerto para sa kanyang karangalan ang mga Madrigals, at ang lahat ng kinita nito ay ibinahagi sa pamilya Veneracion bilang tulong.[3][4]
Mga gantimpala
baguhin- 1999 - Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika for Music - sa kasalukuyan, ang namumukod-tanging Alagad ng Sining na tagakumpas ng koro.
- 2001 - Gawad para sa Natatanging Paglilingkod ng Isang Alumni (Distinguished Alumni Service Award) - iginawad ng Indiana University.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ [1] Naka-arkibo 2007-10-11 sa Wayback Machine."Madrigal Singers win European Grand Prix for the second time". The Philippine Daily Inquirer, August 27, 2007.
- ↑ Filipinas and Dutch discuss together the role of political participation in integration Bayanihan March 2006
- ↑ The Sweet Sound of Victory Naka-arkibo 2007-10-27 sa Wayback Machine. - The Manila Times, June 25, 2006.
- ↑ For the Love of a Founder Naka-arkibo 2007-09-27 sa Wayback Machine. - Yehey! Lifestye article
Mga kawing panlabas
baguhin- [2] - The Philippine Madrigal Singers official website
- International Choral Kathaumixw Naka-arkibo 2006-07-18 sa Wayback Machine. - profile