Gagamba

(Idinirekta mula sa Anlalawa)

Ang gagamba (Orden: Araneae; Aleman: Webspinne, Kastila: araña, Ingles: spider), kilala din sa tawag na anlalawa, alalawa, lalawa, lawa o lawalawa ay isang karniborong arachnid.[1] Nakahuhuli ng pagkain - karaniwang mga kulisap - ang mga gagamba sa pamamagitan ng kanilang mga hinabing sapot, na tinatawag ding bahay-anlalawa.[1] Binubuo ang pulutong ito ng 111 mag-anak at 40,000 uri.

Gagamba
Aculepeira ceropegia
Klasipikasyong pang-agham e
Dominyo: Eukaryota
Kaharian: Animalia
Kalapian: Arthropoda
Subpilo: Chelicerata
Hati: Arachnida
Orden: Araneae
Clerck, 1757
Suborders

Mesothelae
Mygalomorphae
Araneomorphae
 

Isang uri ng gagamba na kilala sa tawag na tarantula.

Mga arthropod na nakakahinga sa hangin ang mga gagamba na mayroong walong mga binti at chelicerae na may mga pangil na tumuturok ng kamandag. Ang mga ito ang pinakamalaking uri ng mga arachnid na ika-pito sa kabuuang uri ng iba't ibang mga organismo. Makikita sa buong mundo at sa bawat kontinente ang mga gagamba maliban sa Antarctica, at nakatira ang mga ito sa halos lahat ng uri ng tirahan maliban sa himpapawid at karagatan. Simula noong 2008, hindi bababa sa 43,678 na uri ng mga gagamba, at 109 na klase ng mga gagamba ang naitala sa pamamagitan ng mga eksperto sa taksonomiya; gayunpaman, may mga naging pag-tatalo sa siyensiya sa kung paano maiuuri ang lahat ng klase ng mga gagamba, bilang ebedensya sa mahigit 20 na iba’t ibang pag-uuri na naipanukala simula pa noong 1900.

Base sa anatomiya, kakaiba ang mga gagamba kumpara sa ibang mga arthropod sa kadahilanang ang karaniwang bahagi ng katawan nito ay nagsama sa dalawang "tagmata”, ang cephalothorax at ang tiyan, at sinamahan ng isang maliit, hugis cylinder na pedicel. Hindi kagaya sa ibang insekto, walang sungot ang mga gagamba. Sa lahat maliban sa pinakaunang grupo, ang Mesothelae, ang mga gagamba ang may pinaka-sentralisadong sistemang nerbiyos sa lahat ng mga arthropod, sapagkat ang kanilang ganglia ay nasama sa isang masa sa cephalothorax. Hindi tulad ng karamihan sa mga arthropod, walang mga kalamnan ng extensor ang mga gagamba sa kanilang paa sa halip ay pinapalawig ang mga ito sa pamamagitan ng hydrolic na presyon.

Mayroong appendages (o ekstensiyon) ang kanilang mga tiyan na tinawag na mga spinneret kung saan naglalabas ito ng sutla hanggang sa anim na uri ng glandula ng sutla sa loob ng kanilang tiyan. May malaking pagkakaiba ang mga sapot ng gagamba sa sukat, hugis at dami ng malalagkit na sapot na nagamit. Lumalabas ngayon na maaaring ang mga spiral orb web ang pinakaunang uri, at mas marami ang mga gagambang nakakagawa ng mga buhol-buhol na sapot at sari-sari kumpara sa mga gagambang orb-web spiders. Natuklasaan noong panahong Devonian ang mga mala-gagambang arachnid na nakakagawa ng mga sutla na spigots, mga 386 na milyong taon na ang nakakaraan, ngunit tila kulang sa mga spinnerets ang mga hayop na ito. Natagpuan sa Carboniferous na mga bato ang totoong mga gagamba noong 318 hanggang 299 na milyong taon na ang nakakaraan, at halos kapareho ang mga ito ng pinakaunang nabubuhay pa rin na uri ng gagamba, ang Mesothelae. Unang natuklasan noong panahong Triassic ang mga naunang grupo ng mga modernong gagamba, ang Mygalomorphae at Araneomorphae, bago pa lumipas ang 200 milyong taon na nakaraan na.

Ipinakilala noong 2008 ang isang uri ng gagamba na kumakain ng mga halaman lamang ngunit mandaragit lahat ng iba pang mga kilalang uri ng gagamba, karamihan ay insekto ang kinakain at iba pang mga gagamba, pero mayroong ding mga uri ng gagamba na kumakain ng ibon at butiki. Gumagamit ng malawak na hanay ng mga diskarte ang mga gagamba upang makuha nito ang biktima: hinuhuli sa malalagkit nitong sapot, paghuli rito gamit ang malagkit na bolas, paggaya sa mga biktima upang hindi ito makilala, o paghabol dito. Karaniwang nalalaman nilang may biktima na siya dahil sa mahinang pagyanig, ngunit may matalas na paningin ang mga aktibong mandaragit, at nagpapakita ng palatandaan ng katalinuhan ang mga mandaragit na genus Portia sa kanilang napiling taktika at kakayahan upang bumuo ng mga bago. Masyadong masikip ang laman-loob ng mga gagamba para makadaan ang mga buo pang pagkain, kaya ginagawa nilang parang tubig ang kanilang mga pagkain sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga enzymes na pangtunaw at pagdurog dito gamit ang ibaba ng kanilang pedipalps, bilang wala silang totoong panga.

Pinapakilala ng mga lalaking gagamba ang kanilang sarili sa pamamagitan ng iba't ibang uri ng mga kumplikadong ritwal ng panliligaw upang maiwasan ang pagkain sa kanila ng mga babaeng gagamba. Nakakaligtas pagkaraan ng ilang pagtatalik ang mga kalalakihan pero mabibilang lang dahil sila ay may maikling buhay lamang. Naghahabi sutla bilang lalagyanan ng kanilang itlog ang mga babaeng gagamba, kung saan naglalaman ng daan-daang itlog ang bawat isa. Inaalagaan ng madaming uri ng mga babaeng gagamba ang kanilang mga anak, halimbawa ay ang pagkarga sa kanila kahit saan at pagbibigay sa kanila ng mga pagkain. Mahilig makipagkapwa ang minorya ng mga uri ng gagamba, bumubuo sila ng mga pang-komunidad na mga sapot na maaaring tirhan ng hanggang sa 50,000 na mga indibidwal. May mga panlipunang pag-uugali tulad ng sa balong mga gagamba, sa mabisang pandaragit at pagbabahagi ng pagkain. Bagaman nabubuhay ang karamihan sa mga gagamba nang hindi hihigit sa dalawang taon, nabubuhay naman ang mga tarantula at mga gagambang mygalomorph hanggang sa 25 taon mula sa pagkabihag.

Habang ang kamandag ng ibang uri ng gagamba ay delikado sa mga tao, gumagawa ng pag-aaral ang mga siyentista ngayon kung paano gagamitin ang kamandag ng gagamba sa medisina at bilang pestisidiyong walang polusyon. May kombinasyon ang sutlo na nilalabas ng mga gagamba ng gaan, tibay at pagkalastiko na mas nakakaangat kumpara sa ibang gawa ng tao na mga materyales, at ang sedang gene ng gagamba ay naipasok na sa mga mamalya at mga halaman upang makita kung ano ang mga maaaring magamit bilang pagawaan ng seda. Bilang resulta ng kanilang malawak na hanay ng mga pag-uugali, naging karaniwang simbolo ang mga gagamba sa sining at mitolohiya na nagsisimbolo sa iba ibang kombinasyon ng pasensya, kalupitan at malikhaing kapangyarihan. Arachnophobia ang tawag sa abnormal na takot sa mga gagamba.

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 English, Leo James. Diksyunaryong Tagalog-Ingles, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971-91055-0-X

  Ang lathalaing ito na tungkol sa Biyolohiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.