Ang panggagamot o medisina (mula sa Kastila medicina) ay sangay ng agham pangkalusugan na tungkol sa panunumbalik at pagpapatuloy ng kalusugan at kagalingan. Sa isang malawak na kahulugan, ito ang agham sa pagiwas at paggamot sa mga sakit. Gayon man, kadalasang tumutukoy ito sa mga gawain ng mga manggagamot at siruhano.

Ang tungkod ni Asclepius, ang sagisag ng kalusugan at panggagamot.[1]

Kapwa isang bahagi ng kaalaman (masasabing ito'y isang agham), at isang paglalapat ng kaalaman (propesyong panggagamot) ang medisina. Iniugnay sa mga iba't ibang natatanging sangay ng agham ng panggagamot ang mga katumbas na mga natatanging propesyong panggagamot na patungkol sa isang partikular na bahagi ng katawan o sakit. Tumutukoy ang agham ng panggagamot sa bahagi ng kaalaman na tungkol sa mga sistema ng katawan at sakit, samantala tumutukoy ang propesyon ng paggagamot sa kayariang lipunan ng mga grupo ng mga tao na pormal na nagsanay upang ilapat ang kaalamang iyon para gamutin ang mga sakit.

Mayroong mga tradisyunal at paaralan ng panggagamot na kadalasang di tinuturing na bahagi ng Kanlurang medisina sa isang mahigpit na kamalayan. Ang paaralan ng Ayurveda (ng India) at tradisyunal na panggagamot ng mga Intsik ang pinaka-masulong na sistema ng panggagamot sa labas ng Kanluran o Hipokratikong tradisyon.

Kasaysayan ng panggagamot

baguhin

Simulain

baguhin

Magbuhat pa sa mga panahong prehistoriko ang mga simulain ng medisina. Sa loob ng libong mga taon, nakabatay lamang sa superstisyon o pamahiin ang panggagamot. Bagaman walang gaanong nalalaman hinggil sa prehistorikong pagbibigay ng lunas sa mga karamdaman, napag-aralan ng mga tao ang hinggil sa katawan ng tao mula sa pagpapagaling nila ng mga sugat at bali ng mga buto.[1]

Trepanasyon

baguhin
 
Ang trepanasyon, isang paglalarawan ni Hans von Gersdorff sa Feldbuch der Wundartzney (1517).

Kabilang sa sinauna at prehistorikong mga paraan ng paggagamot ang paggawa ng bilog na butas ng buto mula sa bungo ng may sakit. Ginagawa ito ng isang maninistis upang "palabasin" mula sa butas ang masasamang espiritung hinihinalang nasa loob ng ulo ng pasyente.[1]

Sa Ehipto

baguhin

Kabilang sa pinakamagagaling na unang mga manggagamot ang sinaunang mga Ehipsiyo. Noong mga 1500 BK, nakapagpaunlad na sila ng isang malawak na bokabularyo ng mga natatanging salitang pangmedisina. Nagsigawa rin sila ng mga pagsubok o eksperimento sa siruhiya at parmasya.[1]

Panahon ni Hippocrates

baguhin

Noong mga 400 BK, itinatag ng sinaunang Griyegong si Hippocrates  – ang Ama ng Panggagamot  – ang unang paaralan ng panggagamot sa pulo ng Cos sa Gresya. Tinuturuan at naniniwala ang mga doktor ng Hipokratikong paaralan ng medisina na dulot ng sira o hindi gumagana ng tamang mga bahagi ng katawan ang mga karamdaman ng tao. Taliwas ito sa mas naunang paniniwalang sanhi ang sakit ng mga dimonyong sumasanib sa katawan ng tao. Bagaman may ganito silang paniniwala, wala pang sapat na kaalaman si Hippocrates at ang kanyang mga tagasunod ukol sa kayarian ng katawang pantao. Naniniwala silang sanhi ang sakit ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa timbang ng mga pluwido sa katawan. Tinagurian nilang mga humor ang mga pluwidong ito, at may apat na uri: ang dugo, ang likido ng apdo, ang plema, at ang itim na likido ng apdo.[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Who Were the First Doctors?, Medicine; Hippocrates, Who is Known as the Father of Medicine?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 98.