Antioco IV Epipanes
Si Antioco IV Epiphanes (sa Griego ay Ἀντίοχος Ἐπιφανής at ang ibig sabihin ay 'Nahayag na Diyos' at nabuhay noong c. 215 BCE – 164 BCE) ang pinuno ng imperyong Seleucid(Syria) mula 175 BCE hanggang sa kanyang kamatayan noong 164 BCE. Dahil sa ang Israel ay nasa ilalim ng pananakop ng imperyong Seleucid, si Antioco ang pinuno ng bansang Israel sa mga panahong ito. Siya ay anak ni Haring Antioco III na Dakila at ang kapatid ni Seleucus IV Philopator. Ang kanyang orihinal na pangalan ay Mithridates ngunit ito'y kanyang pinalitan ng pangalan na Antioco matapos umupo sa trono.
Ang ilan sa mga pangyayari sa pamumuno ni Antioco ay ang kanyang muntik na pagsakop sa Ehipto na bansang kaaway ng Syria, at ang pagsugpo sa rebelyon ng mga Hudyo sa Israel at ang kanyang pagkakatalo sa mga Macabeo sa pamumuno ni Judas Macabeo.
Tinawag niya ang kanyang sarili na "theos epiphanes" (ang nahayag na dios) at "tagapagdala ng pagtatagumpay". Ngunit dahil sa kanyang kakaibang ugali at pag-aasal, ang kanyang mga kasamahan ay tinawag siyang "Epimanes" (ang isang baliw).
Pamumuno sa Israel
baguhinMula ikatlo hanggang ika-unang siglo BCE, ang lupain ng Israel ay pinagtatalunan ng dalawang dinastiya na Imperyong Seleucid at Imperyong Ptolemaiko na parehong nagmula sa Imperyong Griyego. Nang matalo ang Ptolemaiko ng Seleucid, ang Israel ay napasailalim ng imperyong Seleucid. Sa mga hari ng Seleucid na namuno sa Israel, si Antioco IV Epiphanes ang nagkamit ng masamang katanyagan dahil sa kanyang paglalapastangan at pagpapatigil ng paghahandog sa Ikalawang Templo sa Herusalem gayundin sa pagbabawal ng Hudaismo at pag-uusig at pagpatay sa mga Hudyo. Dahil dito si Antioco ay tinawag ng mga Hudyo na "isang masama" o הרשע harasha.[1] Si Antioco ay natalo nang mag-alsa ang pamilya Macabeo laban kay Antioco at pwersang Selucid. Ang muling paghahandog sa templo pagkatapos matalo ng Macabeo ang pwersang Seleucid ay ginugunita ng mga Hudyo sa kasalukuyang panahon sa isang pistang tinatawag na hanukkah.