Antropolohiyang urbano

Ang antropolohiyang urbano (Ingles: urban anthropology) ay isang kabahaging pangkat ng pag-aaral sa larangan ng antropolohiya na nakatuon sa mga paksa ng urbanisasyon, pagdarahop, at neoliberalismo. May pagkabago at umuunlad pa lamang ang larangan ito, na napagsama-sama noong mga dekada ng 1960 at ng 1970. Tinatawag ding antropolohiyang panlungsod, ang antropolohiyang urbano ay isang larangan na napapaloob sa disiplinang tinatawag na antropolohiyang panlipunan. Ang pangunahing kaisipan sa likod nito ay ang pagtingin sa penomena ng lungsod bilang parehong katha ng kalikasan at bunga ng lipunan. Sa madaling salita, ang lungsod ay ipinapalagay bilang parehong ang pisikal na espasyong tinatawag na lungsod at ang ugnayan sa pagitan ng mga taong matatagpuan dito.

Ang antropolohiya o agham-tao, bilang isang disiplina, ay tradisyunal na ipinapalagay bilang ang pag-aaral sa mga rural at hindi kanluraning mga lipunan. Ang pangunahing pamamaraan nito ay ang paggawa ng mga etnograpiya sa pamamagitan ng kalahok na pagmamasid sa mga lipunang paksa ng pag-aaral ng mga antropologo. Sa larangan ng antropolohiyang panlungsod, ang pamamaraang ito ng paggawa ng mga etnograpiya ay mas pinalawak upang magamit din sa konteksto ng lungsod. Sa madaling salita, ang antropolohiyang panlungsod ay ang paggawa ng mga etnograpiya tungkol sa mga lungsod. Sa ganitong paraan, ang antropolohiya ay hindi na lamang limitado ngayon sa pag-aaral ng mga rural, tradisyunal at hindi kanluraning mga lipunan. Kasama na rin sa disiplinang ito ang pag-aaral ng mga urbano, industriyal at kanluraning mga lipunan.

Ang antropolohiyang panlungsod ay maaaring ituring bilang parehong ang "pag-aaral ng lungsod" at ang "pag-aaral sa lungsod". Ito ay isang "pag-aaral ng lungsod" sa kadahilanang ang paksa ng pag-aaral na ito ay ang mismong konsepto ng lungsod. Sa pagtingin na ito, ang konsepto ng lungsod ay sinusuri upang malaman kung anu-ano at kung papaano hinuhubog ng iba't ibang uri ng mga pampolitika, pang-ekonomiya at kultural na mga salik ang iba't ibang umiiral na mga kaanyuan at pamamaraan ng mga lungsod. Sa kabilang banda, ito rin ay maituturing na isang "pag-aaral sa lungsod" dahil naman sa, katulad ng nabanggit na sa itaas, ang lungsod ay ipinapalagay bilang isang konteksto kung saan maaaring mag-aral at gumawa ng mga etnograpiya ang mga antropologo. Bukod pa rito, pinag-aaralan din sa antropolohiyang panlungsod ang mga konsepto ng urbanisasyon at urbanismo, gayundin ang mga "urbanite" o taong nakatira sa mga lungsod.

Mga sanggunian

baguhin


   Ang lathalaing ito na tungkol sa Antropolohiya at Heograpiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.