Bansang kulang sa pag-unlad

Ang bansang kulang sa pag-unlad o bansang may kakulangan ang kaunlaran (Ingles: underdeveloped country) ay mga bansang kulang sa pag-unlad kaugnay ng pangkabuhayan o ekonomiya. Kilala ang ganitong sitwasyon sa Ingles bilang underdevelopment o economic underdevelopment. Ang kakulangan sa pag-unlad ng mga bansang ito ay mayroon matatawag na mga sintomas, na kinabibilangan ng kakulangan sa pagkakaroon ng mga pagkakataon na magkaroon ng hanapbuhay, pangangalagang pangkalusugan, maiinom na tubig, edukasyon, at pabahay. Noong 1948, ginamit na ang katagang underdevelopment sa isang pagpupulong ng Organisasyon ng mga Bansang Nagkakaisa sa Pagkain at sa Agrikultura (kilala rin bilang FAO).[1] Kabilang sa mga rehiyon na kulang ang kaunlaran ang Aprika, Timog Aprika, Apganistan, at Amerikang Latino.

Karamihan sa mga bansang nasa Aprikang Sub-Saharano ang nananatiling malawakang kulang sa pag-unlad. Isa itong lansangan sa Dakar, Senegal.

Paliwanag

baguhin

Nagaganap ang kakulangan sa pag-unlad sa isang bansa kapag ang mga napagkukunan nito ay hindi nagagamit sa buong potensiyal nito na panglipunan at pang-ekonomiya, at nagreresulta sa mabagal na kaunlaran sa mga lokalidad at sa mga rehiyon ng bansa kaysa sa nararapat sa isang sitwasyon o kaso. Bilang dagdag pa, nagreresulta ito mula sa masalimuot na ugnayan ng mga bagay-bagay na panloob at panlabas na nagpapahintulot sa hindi gaanong mauunlad na mga bansa ng tigpas-tigpas na progreso ng kaunlaran lamang. Ang mga nasyong kulang sa kaunlaran ay may katangian na kung saan may malawak na pagkakaiba ang antas ng pamumuhay sa pagitan ng mayayaman at ng mahihirap, at mayroon ding isang hindi malusog na balanse sa kalakaran ng pangangalakal.[2]

Hindi pantay ang kaunlarang pang-ekonomiya at panlipunan sa maraming umuunlad na mga probinsya.

Mayroon silang hindi patas na antas ng kalakalan na nagreresulta mula sa kanilang pagsalalay sa mga pangunahing produkto (karaniwang iilan lamang) na maaaring iluwas palabas ng bansa. Ang mga panindang ito ay kadalasang (a) hindi gaano o may limitasyon ang pagiging kailangan sa mga bansang industriyalisado na (katulad ng mga produktong tsaa, kape, asukal, kokwa, saging); (b) ang kanilang pangunahing mga produkto ay maaaring palitan o halinhinan ng mga pamalit na sintetiko (katulad ng saluyot, buak, at iba pa); o (c) nakakaranas ang mga bansang ito ng lumiliit na pangangailangan para sa kanilang mga produkto dahil sa ebolusyon ng bagong mga teknolohiya na nangangailangan ng mas maliliit na bilang o dami ng hilaw na mga materyales (katulad ng sa kaso ng maraming mga metal). Ang mga presyo ay hindi maaaring itaas dahil sa payak na nagpapabilis lamang ito ng paggamit ng mga sintetiko o mga haluang metal, at hindi rin maaaring palawakin ang produksiyon ng produkto dahil mapapababa nito ang mga presyo. Bilang kinahinatnan, ang pangunahing mga kalakal o paninda kung saan sumasalalay ang mga bansang umuunlad ay nasa ilalim ng makabuluhang panandaliang pagbabagu-bago ng presyo, na nagiging sanhi ng kawalan at walang tibay na palitan ng halaga ng pananalapi na pangdayuhan. Kung kaya't ang kaunlaran ay nananatiling mailap.[3]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Ulat ng Pagpupulong ng FAO. Ika-4 na Sesyon. Washington, D.C., Nobyembre 1948.
  2. A. G. Frank, “The Development of Underdevelopment,” Development: Critical Concepts in the Social Sciences (2005).
  3. A. K. Bag chi, The Political Economy of Underdevelopment (Cambridge University Press, 1982).