Basilika ni San Juan de Letran

(Idinirekta mula sa Basilika ni San Juan sa Letran)

Ang Katedral ng Kabanal-banalang Manunubos at nina San Juan Bautista at San Juan Evangelista sa Letran (Italyano: Arcibasilica del Santissimo Salvatore e dei Santi Giovanni Battista ed Evangelista in Laterano, Tagalog: Ang Arkibasilika ng ng Kabanal-banalang Manunubos at nina San Juan Bautista at San Juan Evangelista sa Letran na mas kilala bilang ang Basilikang Letran, ay ang simbahang katedral ng Diyosesis ng Roma at ang opisyal na pansimbahang sentro ng Obispo ng Roma, o ang Papa.

Ang Basilika ni San Juan de Letran ay ang pwesto ng Obispo ng Roma o ang Santo Papa.

Ito ang pinakamatanda at pangunahin sa apat na Pangunahing Basilika ng Roma. Angkin nito ang pamagat na Ekumenikong Inang Simbahan sa Simbahang Romano Katoliko. Isang tatak sa patyada, Christo Salvatori, ang nagpapakita ng pagtatalaga ng simbahan kay Jesu-Cristo, ang Manliligtas ng Sangkatauhan, tulad ng sa mga katedral ng lahat ng mga patriyarka. Bilang katedral ng Obispo ng Roma, pinangungunahan nito ang lahat ng ibang mga simbahan sa Simbahang Romano Katoliko, kung kaya't ito ay may titulo na archbasilica.

Ito ay nasa labas ng Lungsod ng Vaticano, ngunit nasa loob pa rin ng lungsod ng Roma. Gayunpaman, ito ay may estadong ekstrateritoryal, bilang isa sa mga pagmamay-ari ng Santa Sede. Ito rin ang kaso sa ibang mga gusali, sunod sa resolusyon ng Tratado ng Letran (Lateran Treaty).

Etimolohiya

baguhin

Ang pangalan ng archbasilica sa wikang Latin ay, Archibasilica Sanctissimi Salvatoris et Sanctorum Iohannes Baptista et Evangelista in Laterano, na ang ibig sabihin sa Ingles ay, Archbasilica of the Most Holy Saviour and Ss. John the Baptist and the Evangelist at the Lateran. Ang ibig sabihin nito sa Italyano ay, Arcibasilica del Santissimo Salvatore e Santi Giovanni Battista ed Evangelista in Laterano.

Palasyong Letran

baguhin
 
Ang Plaza ng San Juan de Letran, kung saan makikita ang Palasyo ng Letran (sa kaliwa) at ang kanang entrada ng Archbasilica ni San Juan de Letran (sa kanan).

Nakatayo ang archbasilica sa mga labi ng Castra Nova Equitum Singularium, ang bagong kuta para sa Imperyal na mga Kabalyerong Tanod. Ito ay itinayo ni Septimio Severo noong PK 193. Matapos ang tagumpay ni Constantino I kay Maxentio sa Labanan sa Tulay ng Milvian, iginiba ang kuta, at binuwag ang mga tanod. Ang mga matibay na guho ng kuta ay direktang nasa ilalim ng nabe ng simbahan.

Ang nalalabi sa lugar ay okupado ng palasyo ng mga Laterani. Sila ay naglingkod bilang mga tagapamahala sa ilalim ng maraming mga Emperador. Napasakamay ito ni Constantino I nang pinakasalan niya si Fausta, asawa ni Maxentio. Kilala nang panahong iyan bilang "Domus Faustae" or "Bahay ni Fausta", nang lumaon, ibinigay ni Constantino ito sa Obispo ng Roma. Ito ay sumailalim sa pagbabago at pinalawak, kung saan naging tirahan ito ng Papa San Silvestre I. Dahil dito, ito'y naging katedral ng Roma, ang talaga't tunay na lukukan ng mga Papa bilang Obispo ng Roma.

Panahong Medyebal

baguhin

Ang opisyal na pagtatalaga sa Basilika at sa katabing Palasyo ay pinangunahan ni Papa San Silvestre I noong PK 324, idinedeklara ang dalawa bilang Domus Dei o "Tahanan ng Diyos". Bilang Katedral ng Obispo ng Roma, ang luklukan ng Papa ay nilagay sa loob ng Katedral. Bilang pagwawari sa pag-angkin ng Basilika sa pangunguna sa mga simbahan sa mundo bilang ang "Inang Simbahan", ang titulong, Sacrosancta Lateranensis ecclesia omnium urbis et orbis ecclesiarum mater et caput, na ang ibig sabihin ay, "Kabanal-banalan na Simbahang Letran, Ina at Puno ng lahat ng mga simbahan sa lungsod na ito at sa buong mundo," ay inukit sa harapang pader sa pagitan ng mga pangunahing pintuan nito.

Ang Basilika at ang Palasyong Letran ay dalawang ulit na itinalaga. Itinalaga ni Papa Sergio III ang mga ito sa patron na si San Juan Bautista noong ika-10 siglo, bilang karangalan sa bagong kinonsagrang Pabinyagan ng Basilika. Itinalaga naman ni Papa Lucio II ang naturang simbahan sa patron din na si San Juan Ebangelista noong ika-12 siglo. Gayunpaman, itinuturing pa rin sila bilang mga katuwang na Tagapagtangkilik (co-patrons) ng Katedral, at nanatiling titular ang simbahan, alay kay Hesukristong Tagapaglitas, tulad ng itinuturo sa nakaukit sa pasukan ng Basilika, at sa tradisyon sa mga patriarkang katedral.