Catrobat
Ang Catrobat, kilala rin sa pangalang Catty, Catroid, o Catroid Project, ay isang biswal na wikang pampograma, proyekto, at pangkat ng mga kagamitang pangmalikhain para sa mga phone, tablet, at web browser. Ito ay isang libre at malayang software (FOSS) na ginawa ng International Catrobat Association. Ito ay nakabase sa wikang pampograma na Scratch na binuo ng Lifelong Kindergarten Group ng MIT Media Lab.[1]
Ang mga programang Catrobat ay pinapaandar at nililikha gamit ang Pocket Code, isang libreng aplikasyon na makikita sa Google Play para sa mga mobile device na gumagamit ng Android. Sa kasalukuyan, isinasagawa rin ito para sa mga mobile device na gumagamit ng IOS at mga kompyuter na gumagamit ng HTML5. Maaaring ipaandar ang mga programang Catrobat sa iba't ibang device anuman ang platapormang ginamit sa paglikha nito.[2]
Sa Disyembre 2018, ang Catrobat ay mayroon nang higit 911,000 linya sa programa nito na katumbas ng halos 248 na taon ayon sa modelong COCOMO. Ang programa nito ay makikita sa GitHub, kung saan karamihan nito ay isinulat sa Java at C para sa Android at Swift para sa iOS.[3]
Pilosopiya
baguhinNaniniwala ang Catrobat na ang kawalan ng kahusayan sa komputasyonal na pag-iisip sa mga tinedyer at nakatatanda ay ang isa sa mga pangunahing dahilan ng mga pandaigdigang problema tulad ng kawalan ng pagkakaintindi sa mga pundasyon ng teknolohiya, kawalan ng orihinalidad sa mga ideya, at kakulangan sa mga taong maaaring magprogram.
Ayon sa pilosopiya nito, ang ibang mga isinagawang solusyon tulad ng proyektong One Laptop Per Child ay hindi naging matagumpay dahil sa mataas na kapital na kinakailangan. Ang ibang mga solusyon rin tulad ng Scratch, bagama't epektibo, ay hindi magagamit ng mga taong walang sapat na kagamitan para rito.[4]
Kaya naman, misyon ng Catrobat na ipataguyod ang kasanayang kompyutasonal na pag-iisip sa pamamagitan ng isang masaya at kaakit-akit na paraan na magagamit ng higit na nakararami. Bagama't isinagawa ito para sa lahat ng edad, isa sa mga layunin nito ay ang makaakit sa mga tinedyer at sa mga nakatatanda saanman sa daigdig upang matutong magprogram. Kaya naman, pinapadali nito ang proses ng pagprogram sa pamamagitan ng paggamit ng mga drag 'n' drop na ladrilyo sa paglilikha ng sariling program.
Layunin rin ng Catrobat na ipataguyog ang malayang software kung kaya't lahat ng mga programang Catrobat ay nakasailalim sa GNU Affero General Public License. Sa paraang ito, kahit sino ay maaaring gamitin at i-remix ang mga programang ito upang matuto mula sa mga programa ng iba.[2]
Kasaysayan
baguhinMga Proyekto
baguhinAng proyektong Catrobat ay sinimulan ng International Catrobat Association noong Pebrero 2010 sa pangalang Catroid Project. Ang unang bersyon nito ay inilabas noong Hunyo 2010. Ang mga beta na bersyon naman ng Pocket Code at Pocket Paint ay inilathala sa Google Play noong Hulyo ng taong 2013.
Noong 2014, binago ang pangalan nito mula Catroid Project at ay kilala na sa kasalukuyang pangalan nito na Catrobat. Marso ng 2014 noong inilathala ang unang mga pampublikong bersyon ng Pocket Code at Pocket Paint sa Google Play.
Sa sunod na taon, Enero 2015, sinimulan ang proyektong No One Left Behind na nasponsor ng 3.2 milyon na Euro ng European Commission. Noong Hunyo 2015, inilabas ang compiler para sa mga programang Catrobat sa mga Android apk. Natapos rin ang implementasyon ng Lego Mindstorms NXT motors and sensors sa pamamagitan ng Bluetooth sa loob ng Hulyo 2015. Natapos namang ang implementasyon ng bidirectional kontrol ng analog at digital pins ng Arduino boards sa pamamagitan ng Bluetooth noong Nobyembre 2015. Nobyembre 2015 rin lumabas ang websayt na edu.catrob.at na mayroong mga materyales para sa mga tagapagturo na nais magamit ang Pocket Code sa kanilang kurikulum.
Kasama ang proyektong Scratch project, ang British Library, at ang University of Oxford, isinagawa ang pandaigdigang Alice in Wonderland Game Jam noong Computer Science Week sa code.org noong December 2015. Taong 2016 naman, natapos ang implementasyon ng Parrot AR Drone 2.0 sa pamamagitan ng WiFi at Box2D based physics engine sa Pocket Code. Agosto 2016 natapos ang implementasyon ng Raspberry Pi, Near Field Communication (NFC), at Arduino sa Pocket Code. Natapos ang Galaxy Game Jam noong Enero ng 2017.
Sa Disyembre 2018, ang Pocket Code ay gumagamit na rin ng mga ladrilyo na sumusuporta sa Cast, Lego Mindstorms EV3, at Jumping Sumo. Sinimulan na rin ang mga proyektong Project Code 'n' Stitch at RemoteMentor noong Septyembre 2018 at January 2018.[5][6]
Sa bawat Pebrero ng mga taong 2011-2017 ay pinili ang Catroid bilang isa sa mga organisasyong nagsisilbing mentor sa Google Summer of Code. Noong Nobyembre ng 2014, ang Pocket Code ang isa sa mga itinaguyod ng Google noong unang lumabas ang Google Play for Education. Pinili muli ang Pocket Code sa back-to-school promotion ng Google noong Septyembre 2014, kung saan itinaguyod ito sa pangunahing pahina ng Google search engine para sa 24 na oras. Noong Oktubre ng 2014, pinili ang Pocket Code sa codeweek.eu noong European Code Week. Pinili muli ito sa code.org sa ilalim ng "Tutorial apps for phones and tablets" noong Disyembre ng 2014.
Noong Pebrero 2015, napili muli ang Catrobat sa Open Source blog ng Google. Ilang buwang makalipas, Abril 2015, ito ay nakatanggap ng gantimpala na CS4HS grant mula sa Google. Sa Youtube channel ng Google na pinamagatang "Tech Tips from Teachers," pinili muli ang aplikasyon na Pocket Code. Sa Oktubre ng taong iyon ay inisponsor ito ng Google sa codeweek.eu noong European Code Week.
Noong Oktubre ng 2017 at 2018, pinili ang Catrobat bilang isang organisasyong magsisilbing mentor sa Google Code-In.[5][6]
Mga Parangal
baguhinNoong Marso 2013, nanalo ang Catroid ng Austrian National Innovation Award sa kategoryang multimedia at e-business. Noong Oktubre 2015 naman, nakatanggap ang Pocket Code ng European Lovie Award at People's Lovie Award sa kategoryang Mobile & Application. Sa parehas na buwan ay nanalo muli ang Pocket Code at ang proyektong No One Left Behind ng ICT 2015 'Young Minds' Award - Grand Prix Best Connect Exhibitor Award.
Nobyembre 2016 noong nanalo ang Pocket Code ng Internet for Refugees Award. Nanalo ito noong December 2016 ng Regional Award Europe sa Reimagine Education Awards na naganap sa Wharton School of the University of Pennsylvania, Philadelphia, USA. Marso 2017 noong nanalo ang Pocket Code ng Best Educational App Platinum Award sa Best Mobile App Awards. Nobyembre 2017 noong napanalunan nito ang Closing the Gender Gap Award para sa proyekto nito na pinamagatang Remote Mentoring. Nobyembre 2018, nanalo muli ang Pocket Code ng Gender & Diversity Award mula sa TU Graz.[5][6]
Gamit Pang-edukasyon
baguhinNoong Nobyembre 2015, unang lumabas ang websayt na edu.catrob.at na mayroong mga materyales para sa mga tagapagturo na nais magamit ang Pocket Code sa kanilang kurikulum. Mula noon, patuloy na naglabas ng mga materyales pang-edukasyon upang tulungan ang mga tagapagturo na nais gamitin ang Pocket Code sa kanilang kurikulum. Ito ay ang mga sumusunod:
- Tutorial Naka-arkibo 2020-09-19 sa Wayback Machine. (Tutorials)
- Aktibidad Naka-arkibo 2017-12-26 sa Wayback Machine. (Step-by-step Activities)
- Pangunahing Programa[patay na link] (Starter Programs)
- Catrobat Blog[patay na link]
- Video pang-edukasyon (Educational Youtube videos)
- Websayt pang-edukasyon Naka-arkibo 2020-08-14 sa Wayback Machine. (Educational Website)
- Create School - pangedukasyon na bersyon ng Pocket Code para sa mga tagapagturo at mag-aaral
Platapormang Online
baguhinBukod sa mga aplikasyon na maaaring makita sa Play Store, ang platapormang online (online sharing platform) ng Pocket Code ay makikita sa share.catrob.at[patay na link]. Sa platapormang ito, maaaring maibahagi ng mga gumagamit ng Pocket Code ang kanilang mga programa sa buong mundo. Maaari rin nilang subukan ang mga programa ng iba sa loob ng Pocket Code, subukan ito bilang sariling aplikasyon, makita ang remix graph, mag-iwan ng comment, atbp.
Ayon sa Terms of Use ng Catrobat Naka-arkibo 2018-12-10 sa Wayback Machine., ang lahat ng mga programang ibinahagi sa platapormang online ay nakapaloob sa GNU Affero General Public License. Ang lahat ng nakapaloob rito ay nasa lisensyang CC BY-SA 4.0.[7]
Pinagkaiba mula sa Pocket Code
baguhinBagama't madalas na nakikitang magkasama ang mga pangalang ito, hindi iisa ang tinutukoy ng Pocket Code at Catrobat. Ang Pocket Code ay tumutukoy sa pampublikong pangalan ng aplikasyon at IDE na nagpapaandar sa wikang pamprograma na Catrobat. Ang Pocket Code ay isa lamang sa mga aplikasyon at sistemang nakapaloob sa proyektong Catrobat.
Ayon kay Wolfgang Slany, isa sa mga tagapagtaguyod ng Pocket Code, nararapat lamang na ipaghiwalay ang dalawang pangalan na ito sapagkat bukod sa Pocket Code, maraming IDE ay isinasagawa na rin para sa wikang Catrobat.
Sapagkat ang Catrobat ay maaari rin tumukoy sa Catrobat Project, nakapaloob rin rito ang Pocket Paint, Create School, Scratch to Catrobat Converter, atbp. Kaya naman, hinihikayat ang mga manggamit na gamitin ang pangalang "Catrobat programs" para sa mga programang ginawa ng mga manggagamit sa halip na "Catrobat projects" upang makita ang pagkakaiba nito mula sa mga proyekto tulad ng Pocket Paint.
Bukod dito, ang Pocket Code ay tumutukoy sa lahat ng bersyon ng aplikasyong ito para sa Android, iOS, Windows Phone, at HTML5. Ang lahat ng bersyon na ito, anuman ang plataporma, ay nakasailalim sa proyektong Catrobat.[8]
Mga Ladrilyos ng Pocket Code
baguhinAng Pocket Code ay gumagamit ng iba't ibang mga ladrilyos sa pagprograma ayon sa kategorya. Ang mga ito ay ang:
- Event - tumatakbo ng mga iskrip kapag may nagaganap na pangyayari
- Control - ginagamit upang kontrolin ang takbo ng iskrip
- Motion - dinidikta ang galaw ng bagay
- Sound - nagdadagdag ng mga tunog sa programa
- Looks - dinidikta ang itsura ng bagay
- Pen - ginagamit upang magdrowing sa programa
- Data - ginagamit sa kompyutasyon at paggamt ng mga variable
Mga Extension ng Pocket Code
baguhinAng Pocket Code ay sumusuporta rin ng pagprograma ng ilang mga robot at device na bukod pa sa ginagamit na mobile device. Ang mga ito ay ang:
- LEGO Mindstorms NXT - isang robotics kit mula sa LEGO na maaaring maprograma na inilabas noong 2006
- LEGO Mindstorms EV3 - isang robotics kit mula sa LEGO na maaaring maprograma na inilabas noong 2013
- Phiro - isang robot at platapormang pamprograma mula sa Robotix
- Arduino - isang malayang hardware at software na maaaring magprograma gamit ang iba't ibang plataporma
- Raspberry Pi - mga maliliit na single-board na kompyuter na maaaring maprograma
- Cast - pangkat ng mga ladrilyos upang magamit ang programa sa ibang mga device (hal. telebisyon)
- Near Field Communication - pangkat ng mga ladrilyos upang magamit ang programa sa ibang mga device
- AR Drone - isang drone mula sa kumpanyang Parrot na hindi na ipinagpatuloy
- Jumping Sumo - isang robot mula sa kumpanyang Parrot na maaaring maprograma
Mga Aplikasyon sa Proyektong Catrobat
baguhinBukod sa Pocket Code, ilang aplikasyon rin sa Google Play ay nakasailalim sa pangalan ng Catrobat. Ang mga ito ay:
- Pocket Code - isang aplikasyon kung saan maaaring gumawa ng mga programang Catrobat gamit ang mobile device
- Pocket Paint - aplikasyong pangmalikhain kung saan maaaring gumawa ng sariling mga disenyo, karakter, atbp. (maaari rin itong gamitin sa loob ng Pocket Code)
- Phiro Play - aplikasyon kung saan maaaring kontrolin ang isang Phiro na robot sa pamamagitan ng Bluetooth
- Phiro Code - aplikasyon kung saan maaaring magprograma ng Phiro na robot gamit ang mobile device
- Create School - pangedukasyon na bersyon ng Pocket Code para sa mga tagapagturo at mag-aaral
Sanggunian
baguhin- ↑ https://groups.google.com/forum/#!topic/catrobat/FJOWTw2JCAY
- ↑ 2.0 2.1 http://developer.catrobat.org/
- ↑ https://www.openhub.net/p/catrobat
- ↑ http://100andchange.foundationcenter.org/profiles/6605/[patay na link]
- ↑ 5.0 5.1 5.2 https://www.catrobat.org/#news
- ↑ 6.0 6.1 6.2 https://groups.google.com/forum/?nomobile=true#!topic/catrobat/Jo-PCF7kx3E
- ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-12-10. Nakuha noong 2018-12-12.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ https://groups.google.com/forum/#!topic/catrobat/FJOWTw2JCAY