Si Ezekiel ay isang propetang nabanggit sa Lumang Tipan ng Bibliya. Siya ang sumulat ng akdang nakapangalan sa kaniya, ang Aklat ni Ezekiel.

Ang dibuho ng propetang si Ezekiel sa Kapilyang Sistine.
Si Ezekiel habang nakakakita ng isang pangitain: ang "pangitaing may karwahe" o "gulong sa loob ng isang gulong,"[1] na batay sa unang kabanata ng Aklat ni Ezekiel. Iginuhit ito ni Matthaeus (o Matthäus) Merian (1593-1650).

Paglalarawan

baguhin

Katulad ni Jeremias, nabuhay ang propetang si Ezekiel noong panahon ng pagkakatapon sa Babilonia ng mga taga-Jerusalem, noong mga 586 BK.[2][3] Ito ang pinakamagulong kapanahunan sa kasaysayan ng mga Israelita. Anak siya ni Buzi, isang maharlika at pari. Noong 587 BK[4] (maaaring 597 BK[3]), napabilang si Ezekiel sa mga bihag na dinala sa Caldea, kasama ng haring si Jeconias.[2] Naganap ang pagpapatapong ito kay Ezekiel mga labing-isang taon bago bumagsak ang Jerusalem.[4]

Nilalarawan siya bilang isang taong may matibay na pananampalataya sa Diyos, at isang nilalang na may malawak na imahinasyon.[2] Mabalasik at hindi nababali ang kaniyang damdamin, kagustuhan, at katangian. May mga pagkakataong kabilang sa kaniyang asal bilang mahigpit na propeta ang mga ganitong kalagayan: ang pagtulog lamang sa iisang gilid, ang hindi pagtangis sa dagliang pagkamatay ng sariling asawa, at ang pagkain ng isang balumbon ng sulatin. Sinasagisag ng pagkain ni Ezekiel ng sulatin ang pagiging handa niya sa pagtanggap at pamamahayag ng "banal na salita" sa mga mamamayan.[4] Ngunit bukod sa pagiging propeta, isa rin siyang makata, moralista, pari[4], at teologo.[3]

Karamihan sa mga isipin ni Ezekiel ang sumapit sa kaniyang diwa sa pamamagitan ng mga pangitain.[2] Noong 593 BK, habang namumuhay sa Tel-Abib, tinawag siya ng Diyos upang maging isang propeta, sa pamamagitan nga ng isang pangitain na nangyari sa tabing-ilog ng Ilog ng Quebar.[3] Isa pang halimbawa ng kaniyang mga pangitain ang may kaugnayan sa muling pagbabalik at pagkakaroon ng kasiglahan ng bayang Israel, na natanaw niya sa isang pangitaing may lambak ng mga tuyong mga buto at kalansay.[3]

Sa paglalahad ng kaniyang mga mensahe, hula, at pangaral para sa kaniyang mga kababayan, gumamit siya ng mga sagisag at talinghaga.[2][3] Isa siyang saserdote at propetang may natatanging pagmamalasakit sa templo at sa pagpapanatili ng kabanalan.[2]

Namatay si Ezekiel sa Caldea sa pagitan ng 571 BK at 561 BK.[3] Naglingkod siya bilang isang tagapagturo sa bayang Israel nang may 25 mga taon.[4]

Sanggunian

baguhin
  1. "Ezekiel 1:15". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 "Ezekiel". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 Abriol, Jose C. (2000). "Ezequiel". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 Reader's Digest (1995). "Ezekiel". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)