Flash Elorde
Si Gabriel Elorde na lalong kilala bilang "Flash" Elorde ay ipinanganak noong Marso 25, 1935 sa Bogo, Cebu. Siya ay nagmula sa isang mahirap na pamilya.
Si Elorde ay nakaabot lamang ng ikatlong baitang ng elementarya. Siya ay nagtrabaho bilang tagapulot ng bola sa bolingan (ingles: bowling) at bukod dito, sa kanyang murang edad ay naranasan niyang magtrabaho sa konstruksiyon.
Ang kanyang pagiging boksingero ay nagsimula nang siya ay turuan ng kanyang kaibigang si Lucio Laborle na isa ring dating boksingero. Dahil sa masigasig na matuto at matupad ang mga pangarap, mabilis na natutuhan ni Flash ang mga natatanging paraan sa larangan ng boksing. Ang kanyang pagsisikap ay nagbunga nang makamit niya ang unang karangalan noong 1951. Dito ay tinalo niya si "Kid" Gonzaga sa ikaapat na duwelo sa pamamagitan ng desisyong "Technical Knock-Out". Noong Marso 16, 1960, tinalo naman niya si Harold Gomes sa ikapitong duwelo at dito niya nakamit ang korona sa pagiging "Junior Lightweight." Magmula noon ay sunudsunod na ang kanyang pagwawagi bilang isang propesyonal na boksingero sa iba't ibang kategorya.
Halos ang buong buhay ni Flash ay ginugol niya sa pagiging isang boksingero. Nagsimula ito nang siya ay 17 taong gulang pa lamang. Dala lamang ng pagtanda kung kaya't siya ay nagretiro. Subali't sa kanyang pagreretiro ay nakatala na ang kanyang mga karangalang naiambag sa bansang Pilipinas sa larangan ng boksing.
Si "Flash" ay binawian ng buhay noong Enero 2, 1985 sa sakit sa baga.
Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.