Suntok

(Idinirekta mula sa Boksingero)

A buntal (Ingles: punch[1]) ay ang hampas o patama ng kamao. Tinatawag din ang ganitong paghataw, pagbira, pagbanat, o pag-upak na ginagamitan ng kamao (anyo ng kamay habang nakatikom ang mga daliri at palad) bilang sapok, suntok, bigwas,[2][1], o sapungol (mula sa sapungulin).[3] Ayon sa tinatamaang bahagi ng katawan kapag nanununtok ng katunggali, tinatawag na sungalngal ang pagsuntok sa ilong at sunganga ang pagsuntok sa panga.[3] Ginagamit ang pagbuntal sa ilang mga sining ng pakikipaglaban at mga isports na pangkombat, mahigit na sa larangan ng boksing o suntukan, kung saan ito lamang ang uri ng teknikong pinahihintulutan.

Ang pagtuturo at pagsasanay ng tamang paraan ng pagbuntal o pagsuntok.
Ang suntok na parang tigre ay isang uri ng buntal sa larangan ng sining ng pakikipaglaban, katulad ng sa kung fu.

Sa ibang kaugnay na kahulugan, tumutukoy din ang buntal sa pagpapatama sa pamamagitan ng patpat, sinturon, o katulad na bagay.[2]

Bilang ehersisyo

baguhin

Nagagamit ang pagbuntal, sa anyong tinatawag na shadowboxing sa Ingles o pag-eehersisyong pasuntuk-suntok sa hangin. Nakakatulong ang kumbinasyon ng mga ito sa ehersisyong aerobiko o pagsasanay o praktis na pangkardyo o pampuso (cardio workout sa Ingles), kaya't nakapagpapabalingkinitan ng katawan.

Mga uri ng pagbuntal

baguhin

Naririto ang ilang mga kabatiran ukol sa mga uri ng buntal at kung paano ang pagsuntok ng may pinakamalakas na puwersa. Nagmula ito kay Ross Enamait, isang tagapagsanay ng boksingero at dati ring boksingero mula sa Vernon, Connecticut, Estados Unidos.[4]

May apat na pangkaraniwang uri ng buntal o suntok, na kasunod ang katawagan sa Ingles: ang dunggol (jab), pabagtas (patawid o pabalagtas) (cross), suntok-kalawit (hook), at pasakyod o pasikwat (uppercut).[4][5]

Dunggol

baguhin

Ibinibira ang suntok na padunggol o suntok-dunggol sa pamamagitan ng pangunahing kamay. Sinisimulan ito ng nakabaluktot ng bahagya ang mga tuhod, nakasuray ang mga paa, nakababa ang baba, at nakataas ang mga kamay na nasa may tagiliran ng mukha. Sinisimulan din ito mula sa payak na posisyong pampakikipaglaban bago magbitiw ng anumang suntok. Itinutulak ang panlikod na paa at mabilis na ipinipitik ang suntok na padunggol. Bahagyang umuusad ang pangunahing paa papunta sa harapan bago tumama ang suntok sa pinatatamaang bagay. Upang magkaroon ng pinakamalakas na puwersa, ipinipilipit ang bisig sa kilos na parang tribuson (pantanggal ng tapon ng botelya) o kahugis ng tulis ng kabibe ng suso o kuhol bago tumama.[4] Tinatawag din ang buntal na ito bilang "dunggol na pasundot ng kamao", "sundot ng mabilis na pitik ng kamao", at "padutdot o mabilis na patusok o deretsong suntok".[3]

Pabagtas

baguhin
 
Ang suntok na pabagtas o cross punch.

Sinisimulan ang suntok na pabagtas o suntok-bagtas mula sa mukha, na sinusundan ng isang kathang-isip na tuwid na guhit na tuwirang papunta sa pinupuntirya ng buntal. Nagmumula ang paghataw at pag-inog o pag-ikot buhat sa panlikod na paa, na pinaiikot ng malakas ang mga balakang habang nagbabago ang timbang ng katawan papunta sa pangharap na paa. Iniuunat ang kanang kamay (kung kanang kamay ang gamit sa pagsuntok) papunta sa puntirya, na ipinipitik pababa ang galang-galangan. Sa pagtama, nakababa ang palad habang nakataas naman ang mga sugpungan ng mga buto ng daliri at kamay o buko ng mga buto ng daliri at kamay. Tinatawag din ang suntok na ito bilang "tuwid na kanang kamay" o ''straight right hand (kung kanang kamay ang gamit ng manununtok).[4]

Suntok-kalawit

baguhin
 
Ang suntok-kalawit o hook.

Ang suntok-kalawit ay isang maiksing buntal kung saan nakabaluktot ang bisig o braso.[5] Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paglilipat ng bigat ng katawan papunta sa panlikod na binti habang umiikot ng may lakas o puwersa sa gilit na ito, at umiikot na papasok sa bola ng paang nasa harapan. Kasabay nito, binibigwas o ipinipitik ang pangunahing bisig papunta sa puntirya na ayon sa hugis ng titik na L. Kailangan nakabaluktot ang siko na nasa bandang 90 mga degri. Inililiko ang mga balakang papunta sa suntok. Maaaring ianggulo ang kamay sa dalawang paraan: patindig at pahiga. Sa patindig o patayong anggulo, nakaharap ang palad kapag tumama na suntok. Sa pahiga o patiyang anggulo, nakaharap sa lapag o lupa ang palad.[4]

Pasakyod

baguhin
 
Ang suntok na pasakyod o uppercut.

Ang buntal na pasakyod o suntok-sakyod (suntok-sikwat) ay isang suntok na pataas mula sa ibaba. Tinatawag din itong suntok na pasakyod o suntok na pasikwat.[5] Isinasagawa ito sa pamamagitan ng banayad na paglilipat ng bigat papunta sa balakang, sa may gilid ng binting panlikod. Isinasawsaw ang balikat na nasa gilid na ito habang yumuyukod ng kaunti. Pagkaraan nito, malakas na umiikot ang manununtok papunta sa gilid ng nangungunang binti, habang nakataas ang mukha ng palad at nakabaluktot ng nasa 90 mga degri ang bisig, at itinutulak ang bola ng paang nasa likod, na minamaneho ang suntok paitaas. Pinupuntirya ng sumusuntok ang baba ng kunyaring katunggali). Sa pagtama, nararapat na nakaharap ang palad sa dibdib.[4]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 Punch, sapok, suntok Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., bansa.org
  2. 2.0 2.1 English, Leo James (1977). "Buntal". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 243.
  3. 3.0 3.1 3.2 Gaboy, Luciano L. Punch - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 Enamait, Ross. How to Punch (Paano bumuntal), Correct technique for hard jabs, crosses, hooks, and uppercuts (Tamang paraan ng malakas na pagsuntok na padunggol, pabagtas, pakalawit, at pasakyod, mensfitness.com
  5. 5.0 5.1 5.2 Gaboy, Luciano L. jab, cross, hook, uppercut - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
baguhin