Florence Nightingale

Si Florence Nightingale, OM (12 Mayo 1820 – 13 Agosto 1910) ay isang Inglesang nakilala bilang Ang Babaeng may Lampara (The Lady with the Lamp) at ang tagapagtatag ng makabagong narsing.[1][2] Isa rin siyang dalubhasa sa estadistika.

Si Florence Nightingale.

Talambuhay

baguhin

Maagang bahagi

baguhin

Ipinanganak si Nightingale sa Florencia, Italya. Nagbuhat siya sa isang mayaman at artistokratikong mag-anak.[1] Pinangalanan siya mula lungsod ng kanyang kapangakan. Bago sapitin ang gulang na labingdalawa, nadama na niyang mali ang pamumuhay na may karangyaan at luho. Noong 1837, isinulat niya sa kanyang talaarawan na tinatawag siya ng Diyos para maglingkod sa kapwa. Pagkalipas ng pito pang mga taon, natiyak na niyang nararapat siyang maging tagapag-alaga ng mga may sakit.[2]

Pag-ibig

baguhin
 
Isang ginuhit na larawan ng anyo ni Florence Nightingale noong nasa kanyang kabataan pa. Mula sa aklat na Great Britain and Her Queen o "Ang Dakilang Britanya at ang Kanyang Reyna" ni Anne E. Keeling, pangalawang edisyon, 1897.[3]

Dahil isang maganda at matalinong babae si Nightingale, niligawan siya ni Richard Monckton Milnes (kilala rin bilang Panginoong Houghton). Maraming ulit na hinikayat ni Milnes si Nightingale na magpakasal na sa kanya. Ngunit bagaman umiibig din si Nightingale kay Milnes, tinanggihan niyang magpakasal dito dahil sa kanyang bokasyon, na isang buhay na walang asawa.[2]

Simula sa larangan

baguhin

Nagpasiyang maging nars si Nightingale noong 1845, isang panahon kung kailan itinuturing ang pagnanarsing bilang isang hindi marangal na hanap-buhay o karera sa "lupain ng mga Protestante" (Inglatera), sapagkat dating kinukuha ang mga tauhang pangnarsing mula sa mga tinatawag na "bahay ng mga mahihirap" at mula rin sa mga bilangguan.[1][4] Karamihan din sa mga nars noong mga panahong iyon ang nilalarawan bilang namumuhay ng imoral at mga lasenggera.[2] Isa rin itong panahon na iilang sa mga kababaihan ang may trabaho. Nabigla ang kanyang mag-anak dahil sa kanyang desisyong ito.[4]

Noong 1851, nagpunta siya sa Kaiserwerth, Alemanya upang makatamo ng karanasan sa pagnanars sa ilalim ng mga madre. Bukod sa Alemanya, nakilahok din si Nightingale sa mga gawain ng mga madreng nars Pransiya. Noong 1853, lumipat siya sa London, Inglatera upang mamahala ng isang ospital[4] na nasa Kalye Harely, isang maliit na pagamutang sinundan ng kilala ngayon sa tawag na Ospital ni Florence Nightingale para sa Mararangal na mga Kababaihan (Florence Nightingale Hospital for Gentlewoman).[2]

Digmaang Krimeano

baguhin

Nagsimula ang Digmaang Krimeano (Digmaang Krimeo) noong 1854.[2] Noong 15 Oktubre 1854, sinulatan si Nightingale ni Sidney Herbert, ang Kalihim ng Digmaan ng Britanya, upang hilingin ang paglilingkod ni Nightingale bilang nars para sa Digmaang Krimeano (Digmaan sa Rusong Krimea). Noong araw ding iyon, sumulat na rin si Nightingale kay Herbert upang ialok ang kanyang serbisyo, kaya't nagsasabayan lamang ang kanilang mga sulat sa daanan ng mga ipinadadalang mga liham sa koreo.[1]

Naglayag si Nightingale, kasama ang 38 mga nars, patungo sa Krimea noong 21 Oktubre 1854.[2] Noong taon din ng 1854, inalagaan ni Nightingale ang mga sundalong sugatan sa Scutari sa Turkiya. Natuklasan niya ang hindi kaaya-ayang mga kalagayan sa mga ospital doon, kung kaya't muli niyang isinaayos ang mga pamamaraan ng pag-aalaga para sa mga may karamdaman.[4] Bago dumating sa Krimea si Nigthingale, pito lamang na mga kamisadentro o ng mga sundalo ang nalalabhan ng mga namamahala, subalit nakapagpamudmod si Nightingale ng 10,000 malilinis na mga kamiseta ng siya na ang kumilos. Binigyang tugon niya ang mga pangangailangang pang-panggagamot, nagbukas ng mga kusina at labahan, at naglunsad ng mga klase at mga kubong-basahan. Dahil rin sa kaniya, nagkaroon ng liwanag sa bahay-tsarnel (charnel-house) o ang gusali o silid na lagayan ng mga bangkay, at napalitan ang polusyon ng sanitasyon.[1]

Sa pagdating ng mga nars ni Nightingale  – tinaguriang Nightingale nurses  – , napasailalim ng pangangasiwa at pag-aaruga ni Nightingale  – ang Babaeng-Hepe (Lady-in-Chief) na namumuno mula sa kanyang Tore ng mga Narses  – ang libu-libong mga may sakit na kawal. Dahil kay Nightingale, bumaba ang antas ng mortalidad sa hukbong Britaniko mula 42% patungong 2%.[1] Personal na sinisiyasat o iniinspiksiyon ni Nightingale ang mga silid ng may sakit bawat araw.[2] Ang mga sundalong inalagaan niya ang tumawag sa kanya bilang "Ang Babaeng may Lampara" bilang pasasalamat.[4]

Pagbabagong pangkawal

baguhin
 
Isang litograpo noong 1856 na naglalarawan sa anyo ng malaking silid na pangpasyenteng pinaghanap-buhayan ni Nightingale sa ospital ng Scutari.

Noong 1856, nagbalik si Nightingale sa Inglatera. Nagsagawa siya ng mga paraan upang mapabuti ang mga pagkain, silid-tulugan, at kalusugan ng mga pribadong kawal ng Britanya. Itinaguyod siya ni Reyna Victoria at tinulungan ni Sidney Herbert. Noong 1858, naglathala siya ng isang aklat hinggil sa mga ospital ng hukbong katihan. Noong 1863, hiniling ng isang komisyon ng pamahalaan ng Inglatera ang kanyang pagsusuri at kritisismo para sa ulat ng sanitasyon sa hukbong nasa Indiya.[2]

Paaralan ng narsing

baguhin

Humantong ang kanyang mga pag-aaral ng mga ospital ng hukbo sa Inglatera sa mga gawaing may kaugnayan sa mga ospital ng taong sibilyano at ng sa narsing at kalusugan ng madla.[2] Noong 1860, itinatag niya at binuksan ang kauna-unahang uri ng paaralang pangnarsing sa mundo, ang Paaralan para sa mga Nars ni Nightingale (Nightingale School for Nurses)[4], kilala rin bilang Paaralang Sanayan ng mga Nars ni Nightingale (Nightingale Training School for Nurses), na nasa Ospital ni Santo Tomas (St. Thomas Hospital) ng Londres na ngayon ay kasama sa mga pakuldad ng King's College London.[2] Dahil kay Nightingale, naging isang karangalang pangdaigdigan ang matawag at maging isang ganap na Nars ni Nightingale o Nightingale Nurse.[1]

Huling bahagi ng buhay

baguhin

Naging isang imbalido si Nightingale ngunit nagpatuloy pa rin siya sa kanyang gawain habang nasa higaan. Ganap na nanghina siya noong 1872. Unti-unti rin siyang nabulag.[2]

Mga parangal

baguhin

Noong 1907, natanggap ni Nightingale ang Orden ng Merito, isang bihirang karangalan para sa isang babae.[2]

Kamatayan

baguhin

Sumakabilang-buhay si Nightingale habang natutulog noong 1910 sa edad na 90, noong nasa loob ng kanyang silid sa 10 South Street, Park Lane.[2][5] Tinanggihan ng kanyang mga kamag-anak ang alok na ilibing siya sa Monasteryo ng Westminster. Sa halip, inihimlay ang kanyang bangkay sa libingan ng mga patay ng Simbahan ng Santa Margarita ng Silangang Wellow ng Wellow, Hampshire. [6]

Mga aklat hinggil kay Nightingale

baguhin

Maraming mga panitikang naisulat hinggil sa talambuhay ni Nightingale. Isa sa itinuturing na pinakamainam ang Eminent Victorians na isinulat ni Lytton Strachey at nalathala noong 1918. Sa aklat na ito, inilarawan ni Strachey na hindi isang "puting anghel" si Nightingale.[1] Isa pa ring halimbawa ang aklat na pinamagatang Florence Nightingale ni Cecil Woodham-Smith.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 Robinson, Victor, pat. (1939). "Florence Nightingale, 1820-1910". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 539.
  2. 2.00 2.01 2.02 2.03 2.04 2.05 2.06 2.07 2.08 2.09 2.10 2.11 2.12 2.13 2.14 "Florence Nightingale, 12 Mayo 1820- 13 Agosto 1910". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 259.
  3. Mula sa Proyektong Gutenberg
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Who was Known as "The Lady with the Lamp"". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 70.
  5. "Miss Nightingale Dies, Aged Ninety". The New York Times. 1910-08-15. Nakuha noong 2007-07-21. Siping nasa Ingles: (...) Florence Nightingale, the famous nurse of the Crimean war, and the only woman who ever received the Order of Merit, died yesterday afternoon at her London home. Although she had been an invalid for a long time, rarely leaving her room, where she passed the time in a half-recumbent position, and was under the constant care of a physician, her death was somewhat unexpected. A week ago she was quite sick, but then improved, and on Friday was cheerful. During that night alarming symptoms developed, and she gradually sank until 2 o'clock Saturday afternoon, when the end came. (...){{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Florence Nightingale: The Grave at East Wellow, CountryJoe.com

Mga kawing na panlabas

baguhin