Ang gmina (Pagbigkas sa Polako [ˈgmina], maramihan gminy [ˈgminɨ]) ay ang pangunahing uri ng dibisyong pang-teritoryo ng Polonya sa pinakamababang antas. Nagmula ang pangalang ito sa Aleman na Gemeinde (pamayanan), at isinasalin ito sa mga dayuhang wika bilang komuna o bayan. Noong 2010, mayroong mahigit-kumulang 2,479 gmina sa buong bansa.[1]

Isang mapang naglalarawan sa paghahati-hati ng Polonya sa mga gmina.

Taong 1972 pang unang itinatag ang gmina bilang batayang dibisyong pampangasiwaan sa Polonya, kung saan pinalitan nito ang mas maliit na gromada (kumpol). May tatlong uri ng gmina:

  • Gmina miejska (gminang urbano), kung saan isang bayan lamang ang bumubuo dito
  • Gmina miejsko-wiejska (gminang urbano-rural), na binubuo ng isang bayang nagsisilbi bilang poblasyon at ng palibot na nayon
  • Gmina wiejska (gminang rural), na binubuo lamang ng mga nayon at ang palibot na lupain nito (minsan ay binubuo lamang ng isang nayon)

May ilang gmina kung saan ang kabisera nito ay nasa teritoryo ng gmina, pero hindi sakop ng gmina mismo (maaaring ihalintulad sa 'di-pagsakop ng mga lalawigan sa mga mataas na urbanisadong lungsod sa Pilipinas). Halimbawa, ang bayan ng Augustów ay namamahala sa rural na Gmina Augustów, pero hindi ito bahagi ng Gmina Augustów mismo dahil isang gminang urbano rin mismo ang bayan ng Augustów.

Maaari ring hatiin ang mga gmina pa sa mas maliliit na dibisyon: sa mga rural na lugar, tinatawag itong sołectwo (sityo), habang sa mga bayan at lungsod naman, tinatawag itong dzielnica (kalapit-bahayan o distrito) o osiedle (purok).

Talababa

baguhin
  1. Central Statistical Office of Poland, January 1, 2006. (sa Polako)

Mga kawing palabas

baguhin


   Ang lathalaing ito na tungkol sa Wika at Politika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.