Kataas-taasang Komisyonado sa Pilipinas
Ang Kataas-taasang Komisyonado sa Pilipinas (Ingles: High Commissioner to the Philippines) ay ang titulo ng personal na kinatawan ng Pangulo ng Estados Unidos sa dating Komonwelt ng Pilipinas mula 1935 hanggang 1946. Inilikha ang posisyon sa bisa ng Batas Tydings-McDuffie na ipinasa noong 1934 bilang transisyon ng Pilipinas mula sa pamumuno ng mga Amerikano tungo sa buong kalayaan ng kapuluan na itinakda para sa 4 Hulyo 1946. Ipinalit nito ang dating posisyon ng Gobernador-Heneral ng Pilipinas, na may kapangyarihang tagapagpaganap; ang kapangyarihang ito ay ibinigay sa inihalal na Pangulo ng Pilipinas alinsunod sa Saligang Batas ng 1935. Karaniwa'y seremonyal lamang ang posisyon ng Kataas-taasang Komisyonado.
Tatlong tao lamang ang naghawak ng posisyon bilang Kataas-taasang Komisyonado sa buong kurso ng Komonwelt ng Pilipinas.
- 1935-1937: Frank Murphy
- 1937-1939, 1945-1946: Paul V. McNutt
- 1939-1942: Francis B. Sayre
Dating nanungkulan si Murphy bilang Gobernador-Heneral, habang pinutol naman ang taning ni Sayre noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang pagsakop ng mga Hapones sa Pilipinas, at pagkatapos ipinagwalang-bisa ito. Noong naging malaya na ang Pilipinas noong 1946, nanungkulan naman si McNutt bilang kauna-unahang embahador ng Estados Unidos sa malayang Pilipinas.
Ang dating tanggapan ng Kataas-taasang Komisyonado sa Pilipinas ay naglilingkod ngayon bilang embahada ng Estados Unidos sa bansa.
Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.