Hosius ng Corduba
Si Hosius ng Corduba (c. 257 – 359) na kilala rin bilang Osius o Ossius ay isang obispo ng Córdoba sa Espanya at isa sa mga tagapagtaguyod ng pananaw na Niceno sa Unang Konseho ng Nicaea laban sa Arianismo. Pagkatapos ni Lactantus, si Hosius ang naging pinakamalapit na tagapayong Kristiyano at kompidante ni Emperador Constantino I sa mga bagay na pangsimbahan at gumabay kay Constantino sa mga pananalumpati nito sa publiko gaya ng Orasyon ni Constantino sa mga nagtipong Obispo. Noong 313 CE, siya ay lumitaw sa korte ni Constantino at binanggit sa konstitusyon ng emperador para sa mga Caecilianus ng Carthage noong taong iyon. Noong 323 CE, siya ang posibleng sumulat ng liham ni Constantino I kay Papa Alejandro ng Alehandriya at kay Arius na naguutos sa kanilang itigil ang kaguluhan sa simbahan. Sa kabiguan sa mga negosiasyon sa Ehipto, walang dudang ang aktibong pag-ayon ni Hosius ang nagdulot sa pagtitipon ng Unang Konseho ng Nicaea noong 325 CE. Si Hosius ay lumahok sa Unang Konseho ng Nicaea at posibleng ang nangasiwa rito. Itinuro ni Atanasio kay Hosius ang pagkatha ng Kredong Niceno. Pinaniniwalaan ng mga skolar na makapangyarihan niyang naimpluwensiyahan ang emperador Constantino I laban sa partido ni Arius. Sa pag-udyok ni Hosius na iminungkahi ni Emperador Constantino sa Unang Konseho ng Nicaea na ipasok sa kredong Niceno ang katagang homoousios na tinutulan ng mga Ariano na nagmungkahi ng katagang homoiousios. Ang mga pro-Nicenong obispo na anti-Ariano ang nagwagi sa mga botohan ng Konseho. Gayunpaman, si Constantino I ay kalaunang naakay sa Arianismo at binautismuhan ng Arianong si Eusebio ng Nicomedia bago ang kanyang kamatayan. Pagkatapos ng kamatayan ni Constantino, napilit ng mga Ariano ang anak ni Constantino I na si Emperador Constantius II na isang Ariano na ipatawag si Hosius sa Milan kung saan tumanggi itong kundenahin ang pro-Nicenong si Atanasio o makipagkomunyon sa mga Ariano. Napahanga niya ang emperador na pinahintulutan siyang umuwi sa kanyang tahanan. Ang karagdagan pang mga pagpipilit ng mga Ariano ang nagtulak kay Constantius II na sumulat ng liham kay Hosius na nagtatanong kung siya lamang ang mananatiling matigas ang ulo. Bilang tugon, sumulat si Hosius ng liham kay Constantius II na nagpoprotesta ng mga panghihimasok ng Emperador sa mga bagay na pang simbahan na humantong sa pagpapatapon kay Hosius sa Sirmium noong 355 CE. Sa kanyang pagkakatapon ay sumulat siya ng isang liham na inilarawan ng historyan na Pranses na si Sebastian Tillemont na nagpapakita ng grabidad, dignidad, kahinahunan, karunungan. Sa patuloy na pagpipilit ng mga Ariano kay Hosius na malapit na sa kanyang edad na 100, siya ay sapat na mahina upang lagdaan ang pormulang kinuha ng ikatlong konseho ng Sirmium noong 357 na kinasasangkutan ng komunyon sa mga Ariano ngunit hindi ang pagkukundena sa anti-Arianong si Atanasio. Si Hosius ay pinahintulutan na bumalik sa kanyang diocese na Hispaniko kung saan siya namatay noong 359 CE.