Si Abdul Aziz Al Saud, Hari ng Saudi Arabia (15 Enero 1876[1] – 9 Nobyembre 1953) (Arabe: عبد العزيز آل سعود‎) ay ang unang monarka ng Pangatlong Estadong Saudi na nakikilala bilang Saudi Arabia. Mula sa kanyang buong pangalang Abdul Aziz bin Abdur Rahman Al Saud[2] o 'Abd al-'Aziz ibn 'Abd al-Rahman ibn Faisal al Sa'ud[3], pangkaraniwang siyang tinutukoy bilang ibn Saud[4] o Ibn Saud.[3]

Si Ibn Saud ng Saudi Arabia.

Ipinanganak si Ibn Saud sa Riyadh sa Bahay ng Su'ūd (karaniwang may transliterasyong Saud), na sumunod sa kilusang Wahhabi ng Islam magmula noong ika-18 daang taon at makapangkasaysayang nakapagpanatili ng pangingibabaw sa panloob na mga lupaing matataas ng Arabya na kilala bilang ang Nejd (tingnan ang Unand Estadong Saudi at Pangalawang Estadong Saudi). Simula sa muling pagsakop ng tahanang lungsod na Riyadh ng kanyang pamilya noong 1902, pinag-isa ni Ibn Saud ang kanyang pagtaban o kontrol sa Nejd noong 1922, sinakop niya ang Hejaz noong 1925. Naitatag ang nasyon at pinag-isa bilang Saudi Arabia noong 1932. Sa kalaunang panahon ng kanyang paghahari at pamumuno, natuklasan ang petrolyo sa Saudi Arabia noong 1938, at nakita ng kanyang pamahalaan ang simula ng malakihang pakinabang ng likas na yamang ito pagkalipas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ama si Ibn Saud ng maraming mga supling o anak, kabilang na ang lahat ng mga hari ng Saudi Arabia na namuno pagkaraan niya.

Kasaysayan ng mag-anak na Saud

baguhin

Noong kaagahan ng dekada ng 1800, namumuno ang pamilya ng Saud sa isang malaking bahagi ng Arabya. Pagdating ng 1891, napalayas at nanatili sa Kuwait ang mag-anak. Ilang bahagi ng Arabya ang naging pag-aari ng Imperyong Otomano (mga Turko). Naging maliliit na mga kaharian ang natitirang iba pa.[3]

Kasaysayan ng Saudi Arabia

baguhin

Noong 1902, sinimulan ni Ibn Saud ang pagbawi ng mga lupaing dating pag-aari ng kanyang mag-anak. Kinuha niya ang Riyadh sa pamamagitan ng dalawang daang mga kalalakihang mandirigma, kasama ang teritoryong nasa paligid ng Riyadh. Noong 1913, inagaw niya mula sa mga Turko ang dalampasigan ng Gulpong Persa na nasa pagitan ng Qatar at Kuwait. Noong 1922, naging Sulta ng Nejd si Ibn Saud dahil sa kanyang pamumuno sa Nejd, binabaybay ding Nedj[3], ang tawag sa kabuoan ng gitnang Arabya. Noong 1926, nasakop ni Ibn Saud ang Hejaz, ang tawag sa dalampasigan ng Dagat na Pula. Noong 1932, ipinahayag niya na pinag-iisa niya ang kanyang mga lupain bilang isang kaharian na nasa ilalim ng pangalang Saudi Arabia, na naging isang mayamang bansa pagdaka dahil sa pagmimina ng langis o petrolyo.[3]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Pinagmumulan ng pagtatalo ang kaarawan ni Abdul Aziz. Pangkalahatang tinatanggap ito bilang 1876, bagaman may ilang mga pinanggagalingan nagbibigay ng 1880. Isang pangunahing dahilang isinasaad sa aklat na "The Kingdom" (Ang Kaharian) ni Robert Lacey, na nagbibigay ng malinaw na pagsasaad ng mga dahilan kung bakit mas rasonable ang 1876, ang pagkakaroon ng isang manunulat ng kasaysayan mula sa Saudi na nakatagpo ng mga pagtatalang nagpapakitang bumabati si Abdul Aziz noong 1891 ng isang mahalagang delegasyong pangtribo. Ikinatuwiran ng historyador na may isang siyam o sampung taong gulang na bata (bilang ibinigay ng kaarawan na 1880) na maaaring napakabata pa upang mapahintulutang bumati sa ganitong delegasyon, habang ang isang nasa kabataan nang may edad na 14 o 15 (bilang ibinigay ng petsang 1876) ay maaaring pahintulutan na. Subalit ang pangunahing dahilan ay nang kapanayamin ni Lacey ang isa sa mga anak na lalaki ni Ibn Saud bago pa man niya isulat ang kanyang aklat, binalik-tanawan ng lalaking anak na madalas na humahalakhak ang kanyang ama sa mga talang nagpapakita na ang kanyang kaarawan ay 1880. "Linunok ko ang apat na taon ng aking buhay" ang tugon ni Ibn Saud sa ganitong mga talaan.
  2. Current Biography 1943, pp330-34
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Who unified Saudi Arabia?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 40.
  4. ibn Saud na may ibig sabihing lalaking anak ni Saud at parang isa itong pamagat na tinanganan ng dating mga pinuno ng Kabahayan ng Saud, katulad ng pamagat ng isang hepe ng angkang Eskoses na "ang MacGregor" o "ang MacDougall". Kapag ginamit na walang puna o kumento, tumutukoy lamang ito kay Abdul Aziz. (Tingnan ang Robert Lacey, The Kingdom (NY, Harcourt Brace Jovanovich, 1981), p. 15). Ang Al Saud, na may kahalintulad na kahulugan (mag-anak ni Saud) ay maaaring gamitin sa hulihan ng buong pangalan, habang paminsan-minsang dapat gamitin ang Ibn Saud na nag-iisa lang.