Ang isang imbensiyon o imbento (Ingles: invention) ay isang natatangi o bagong makina, aparato, komposisyon, o proseso. Ito ay maaaring isang bagong pagpapainam o pagpapabuti sa isang makina o produkto, o isang bagong proseso para sa paglikha ng isang bagay o isang resulta. Ang isang imbensiyon na nagkakamit ng isang talagang natatanging tungkulin o resulta ay maaaring maging isang malaki o lubos na pambihirang tagumpay. Ang ganiyang mga akda ay bagong bagay at maimbentong hakbang at hindi lantad sa ibang mga tao na mayroong kasanayan sa iisang larangan. Sa payak na pananalita, ang mga imbensiyon ay mga bagong aparato na nakakagawa ng ilang uri ng mga tungkulin. Ang karamihan sa mga imbensiyon ay mga bagay o aparatong elektrikal (may kuryente) o mekanikal.

Si Nikola Tesla, ang imbentor ng komunikasyon na ginagamitan ng radyo.

Ang salitang imbensiyon ay maaaring maging katumbas o may kaugnayan sa mga salitang likha, katha, at bungang-isip. Sa diwa ng pagiging isang bagong bagay na nagawa at nalikha ng isang tao, ang kompyuter at kotse ay mga halimbawa ng mga imbensiyon noong una itong mabuo. Kaya't mayroong pariralang "noong ito ay maibento". Ang mga baong bagay na nagawa, nabuo, o nalikha ay tinatawag na mga imbensiyon. Ang bagong mga ideya ay tinatawag din bilang mga imbensiyon. Ang mga manunulat ay maaaring makaimbento ng mga bagong tauhan, at pagdaka ay umiimbento sila ng isang kuwento patungkol sa mga tauhang ito. Ang mga imbensiyon ay ginagawa ng mga imbentor, ang mga tao na gumagawa ng bagong mga imbensiyon. Ang isang tao na nakaimbento ng bagong mga ideya o mga metodo (kaparaanan) hinggil sa kung paano gawin ang mga bagay-bagay o mga gawain ay maaari ring tawagin bilang isang imbentor.

Ang ilang mga imbensiyon ay maaaring maipatente. Ang isang patente ay makabatas na nagbibigay ng proteksiyon sa mga karapatang na pampag-aaring intelektuwal o pang-isipan ng imbentor at legal na kumikilala na ang isang inangking imbensiyon ay talagang isang imbensiyon. Ang mga patakaran at mga kailangan para sa pagpapatente ng isang imbensiyon ay nag-iiba-iba sa bawat isang bansa, at ang proseso ng pagkuha ng isang patente ay madalas na magastos.

Ang isa pang kahulugan ng imbensiyon ay ang may kaugnayan sa imbensiyong kultural, na isang inobatibong pangkat ng talagang magagamit na kaugaliang panlipunan o kaasalang pangpakikisalamuha na inako ng mga tao at ipinasa sa iba pang mga tao.[1] Ang imbensiyon ay isa ring mahalagang bahagi ng pagkamalikhaing pangsining at sa disenyo. Ang mga imbensiyon ay madalas na lumalampas sa mga hangganan ng kaalaman, karanasan, at kakayahan ng tao.

Pag-iimbento

baguhin

Sa paglipas ng mga panahon, ang mga tao ay nakaimbento ng mga bagay na nakapagpapadali at nakapagpapaginhawa ng buhay para sa sarili nila. Dahil dito, naisulat ang parirang nasa wikang Ingles na "necessity is the mother of invention", na may katumbas na diwang "ang pangangailangan ay ang ina [o pinagmumulan] ng imbensiyon". Ang siping ito ay nangangahulugan na ang isang kakulangan ng isang bagay ay dapat na makapagbigay ng inspirasyon o makapagtulak sa isang tao upang makalikha ng isang bagay upang mapunan o malagyan ng laman ang puwang na iyon na walang laman. Subalit, hindi lahat ng mga tao ang naniniwala na ito ay totoo; iniisip ng mga taong ito na hindi naniniwala sa kasabihang ito na ang kalabisan ng isang bagay ay maaaring humantong sa isang imbensiyon. Ang karamihan sa mga imbensiyon ay sadyang mga baryasyon lamang ng isang bagay na umiiral na, o may pagkakaiba lamang ng kaunti mula sa orihinal. Marami sa mga imbentor ang gumagawa ng maliliit na mga pagbabago sa lumang mga imbensiyon. Halimbawa na, sa paglipas ng kasaysayan at panahon, maraming mga tao ang nakaimbento ng bagong mga paraan upang makalikha ng mga orasan. Ang sinaunang mga orasan ay dating mga orasang nakabatay sa sinag ng araw (mga sundial). Sa paglaon, ang mga orasan ay ginamitan ng tubig. Sa paglipas pa ng panahon, ginamitan na ang mga orasan ng mga bumabagsak na mga pabigat na mayroong mga mekanismo ng pagpuslit (mga escapement), na mga aparatong katulad ng mga pendulum upang mapahinto ang mabilis na pagbagsak ng pabigat. Ang modernong mga orasan ay madalas na may uring elektroniko.

Tanyag na mga imbentor

baguhin
 
Si Thomas Alba Edison na katabi ang kaniyang naimbentong ponograpo.

Kabilang ang mga sumusunod sa mga bantog na imbentor:

Mga sanggunian

baguhin
  • Ang ilan sa mga bahagi ng artikulong ito ay hinango mula sa mga artikulong "Invention" ng Ingles na Wikipedia at ng "Invention" at "Inventor" ng Simple Wikipedia (wikipediang ginagamitan ng payak na wikang Ingles).
  1. Artificial Mythologies: A Guide to Cultural Invention Naka-arkibo 2007-02-08 sa Wayback Machine. ni Craig J. Saper (1997); Review of Artificial Mythologies. A Guide to cultural Invention, Kirsten Ostherr (1998)

Mga kawing na panlabas

baguhin