Inhenyeriyang henetiko

(Idinirekta mula sa Inhinyerang henetiko)

Ang inhenyeriyang henetiko o genetic engineering na tinatawag ring genetic modification ang direktang manipulasyon ng genome ng isang organismo gamit ang biyoteknolohiya. Ang hindi direktang pagbabago ng gene sa pamamagitan ng artipisyal na seleksiyon ay sinasanay na sa loob ng maraming nakaraang siglo. Ang bagong DNA ay ipinapasok sa genome ng host sa pamamagitan muna ng paghihiwalay at pagkokopya ng materyal na henetiko gamit ang mga pamamaraang cloning na molekular upang lumikha ng isang sekwensiya ng DNA o sa pamamagitan ng pagsisynthesize ng DNA. Ito ay ipinapasok naman sa organismong host.

Ang mga gene ay maaaring alisin o i-knock out gamit ang isang nuclease. Ang pagpupuntirya ng gene ay isang ibang pamamaraan na gumagamit ng homolohosong rekombinasyon upang baguhin ang endohonosong gene at maaaring gamitin upang burahin ang isang gene, alisin ang mga exon, magdagdag ng isang gene o magpakilala ng mga puntong mutasyon. Ang isang organismong nalilikha sa pamamagitan ng inhenyeriyang henetiko ay itinuturing na organismong henetikong binago o genetically modified organism (GMO).

Ang unang mga GMO ay mga bakterya noong 1973. Ang isang dagang GMO ay nalikha noong 1974. Ang bakteryang lumilikha ng insulin ay pinagkakitaan noong 1982 at ang pagkaing henetiong binago ay ipinagbibili simula 1994. Ang glofish na unang GMA dinisenyo bilang alagang hayop ay unang ipinagbili sa Estados Unidos noong 2003. Ang mga pamamaraan ng inhenyeriyang henetiko ay nilalapat sa maraming mga larangan kabilang sa pagsasaliksik, agrikultura, industriyal na biyoteknolohiya at medisina.