Inhinyeriyang biyomedikal
Ang inhinyeriyang biyomedikal o inhinyeriyang pangbiyolohiya at pangmedisina ay ang paglalapat ng mga prinsipyo at diwa ng pagdidisenyong nasa larangan ng inhinyeriya sa mga larangan ng medisina at biyolohiya. Ang larangang ito ay naglalayon isara ang puwang sa pagitan ng inhinyeriya at panggagamot: pinagsasama nito ang mga kasanayang pampagdidisenyo at paglutas ng suliranin ng inhinyeriya sa pamamagitan ng mga agham na pangmedisina at pambiyolohiya upang mapasulong ang masulong na paglulunas na may kaugnayan sa pangangalaga ng kalusugan, kabilang na ang diyagnosis, pagmomonitor, pag-aasikaso at terapiya.[1]
Kamakailan lamang ang paglitaw ng inhinyeriyang biyomedikal bilang isang disiplinang nagsasarili, kung ihahambing sa marami pang ibang mga larangan ng inhinyeriya. Ang ganitong ebolusyon ay karaniwan sa isang bagong larangan na lumilipat magmula sa pagiging isang espesyalisasyong interdisiplinaryo na nasa piling ng mga larangang matibay na ang pagkakatatag, papunta sa isinasang-alang-alang na bilang isa nang larangang ganap. Karamihan sa mga gawaing nasa loob ng inhinyeriyang biyomedikal ay binubuo ng pananaliksik at pagpapaunlad, na sumasaklaw sa isang malawak na kahanayan ng kabahaging mga larangan. Ang kilalang mga paglalapat ng inhinyeriyang biyomedikal ay kinabibilangan ng pagpapaunlad ng mga prostesis na biyokompatible (angkop sa biyolohiya), sari-saring mga aparatong pangmedisina na pangdiyagnosis at pangterapiya na sumasaklaw magmula sa kasangkapang pangklinika hanggang sa mga mikroimplanta, pangkaraniwang kagamitang panggawa ng imahe na katulad ng mga MRI at mga EEG, reheneratibong paglikha ng tisyu, mga gamot na parmasyutikal at mga biyolohikal na terapyutiko.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Biomedical engineer Naka-arkibo 2010-05-23 sa Wayback Machine. prospects