Krusipiksiyon

(Idinirekta mula sa Ipinako sa krus)

Ang krusipiksiyon ay isang paraan ng parusang kamatayan kung saan itinatali o ipinapako ang nahatulan sa isang malaking kahoy na krus, poste o tulos at iniiwan upang bitayin hanggang sa mamatay [1] Ginamit ito bilang parusa ng mga Persa, Kartagines, at Romano,[1] bukod sa iba pa. Ginamit ang krusipiksiyon sa ilang bansa hanggang sa kamakailan noong ika-21 dantaon.[2]

Isang ika-15 danataon na paglalarawan ni Jesus na ipinako sa krus sa pagitan ng dalawang magnanakaw

Ang pagpapako kay Jesus sa krus ay sentro sa Kristiyanismo [3] at ang krus (kung minsan ay inilalarawan kasama si Jesus na nakapako dito) ay ang pangunahing simbolong panrelihiyon ng Kristiyanismo. Ang kanyang kamatayan ay ang pinakakilalang halimbawa ng pagpapako sa krus sa kasaysayan, na naging dahilan naman ng maraming kalinangan sa modernong mundo na malapit na iugnay kay Jesus at sa espirituwalidad ng Kristiyano ang paraan ng pagbitay na ito. Ang iba pang mga pigura sa Kristiyanismo (tulad ng apostol na si San Pedro) ay pinaniniwalaan sa tradisyon na sumailalim din sa pagpapako sa krus.

Sa makabagong panahon, may limitadong bilang ng mga Kristiyano ang kusang sumasailalim sa hindi nakamamatay na pagpapako sa krus bilang isang gawaing debosyonal. Isa sa lugar sa Pilipinas kung saan kilala ang gawaing debosyonal ng pagpapako sa krus tuwing Biyernes Santo ay sa Barangay Cutud, San Fernando, Pampanga[4] na dinadayo ng mga turista.[5] Isa sa mga pinakilalang residente ng lugar na ito, si Ruben Enaje, ang may debosyon ng pagpapako sa krus na kanyang ginagawa tuwing Biyernes Santo simula pa noong 1986.[6] Tinututulan ng Simbahang Romano Katoliko ang ganito uri ng debosyon.[7]

Terminolohiya

baguhin

Ang sinaunang Griyego ay may dalawang pandiwa para sa pagpapako sa krus: anastauroo (ἀνασταυρόω), mula sa stauros (na sa modernong Griyego ay nangangahulugang "krus" lamang subalit ginamit noong unang panahon para sa anumang uri ng kahoy na poste, matulis o mapurol, hubad o may mga kalakip) at apotumpanizo (ἀποτυμπανίζω) "ipako sa isang tabla", kasama ang anaskolopizo (ἀνασκολοπίζω "tuhugin"). Sa mga naunang tekstong Griyego bago ang Romano, ang anastauro ay karaniwang nangangahulugang "tuhugin".

Ang Griyego na ginamit sa Kristiyanong Bagong Tipan ay gumagamit ng apat na pandiwa, batay ang tatlo sa kanila sa stauros (σταυρός), karaniwang isinasalin na "krus". Ang pinakakaraniwang katawagan ay stauroo (σταυρόω), "ipapako sa krus", na lumilitaw nang 46 na beses; sustauroo ( συσταυρόω), "ipako sa krus kasama ng" o "sa tabi" ay nangyayari ng limang beses, habang anastauroo (ἀνασταυρόω), "ang muling ipako sa krus" ay makikita nang isang beses lamang sa Sulat sa Mga Hebreo 6:6. Lumilitaw ang prospegnumi (προσπήγνυμι), "ayusin o itali sa; ipako; ipako sa krus" ay lumilitaw nang isang beses lamang, sa Mga Gawa ng mga Apostol 2:23 .

Ang salitang Tagalog na "krus" ay hango sa salitang Kastila na cruz. Habang ang katumbas na salitang Ingles ay cross. Lahat na salitang ito ay hango sa salitang Latin na crux,[8] na klasikong tumutukoy sa isang puno o anumang pagtatayo ng kahoy na ginagamit sa pagsasabit ng mga kriminal bilang isang paraan ng pagpatay. Nang maglaon, ang termino ay tumutukoy sa isang krus. Nagmula naman ang kaugnay na terminong "krusipiho", crucifijo at crucifix sa Latin crucifixus o cruci fixus, nakalipas na pandiwaring balintiyak (past participle passive) ng crucifigere o cruci figere, ibig sabihin ay "ipako sa krus" o "itali sa isang krus".[9][10][11][12]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 Hunter, David G., pat. (2018). "Cross/Crucifixion". Brill Encyclopedia of Early Christianity Online (sa wikang Ingles). Leiden at Boston: Brill Publishers. doi:10.1163/2589-7993_EECO_SIM_00000808. ISSN 2589-7993.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Roger Bourke, Prisoners of the Japanese: Literary imagination and the prisoner-of-war experience (St Lucia: University of Queensland Press, 2006), Chapter 2 "A Town Like Alice and the prisoner of war as Christ-figure", pp. 30–65. (sa Ingles)
  3. Hunter, David G., pat. (2018). "Cross/Crucifixion". Brill Encyclopedia of Early Christianity Online (sa wikang Ingles). Leiden at Boston: Brill Publishers. doi:10.1163/2589-7993_EECO_SIM_00000808. ISSN 2589-7993.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Penitensiya, pagpapako sa krus ibabalik sa Pampanga sa Mahal na Araw". ABS-CBN News. 2023-03-12. Nakuha noong 2024-10-22.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Eight Filipinos nailed to crosses as Easter crucifixion re-enactments resume". The Guardian (sa wikang Ingles). 2023-04-07. ISSN 0261-3077. Nakuha noong 2024-10-22.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Ruben Enaje, magpapapako sa krus sa ika-35 pagkakataon sa San Pedro Cutud". GMA News. Nakuha noong 2024-10-22.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Kabilang ang 1 babae: 23 Pinoy nagpapako sa krus sa Pampanga". GMA News. 2010-04-02. Nakuha noong 2024-10-22.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Online Etymology Dictionary, "cross"" (sa wikang Ingles). Etymonline.com. Nakuha noong 2009-12-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Collins English Dictionary, "crucify"" (sa wikang Ingles). Collins. 31 Disyembre 2011. Nakuha noong 12 Disyembre 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Compact Oxford English Dictionary, "crucify"" (sa wikang Ingles). Oxford University Press. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 21, 2013. Nakuha noong 12 Disyembre 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "Webster New World College Dictionary, "crucify"". yourdictionary.com/ (sa wikang Ingles). Nakuha noong 12 Disyembre 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. "Online Etymology Dictionary, "crucify"" (sa wikang Ingles). Etymonline.com. Nakuha noong 2009-12-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)