Ang Itim na Alamat (Kastila: La Leyenda Negra) ay isang uri ng pagtingin sa kasaysayan na lumitaw sa ika-16 na daantaon at nagpapalaganap ng isang masamang larawan ng Espanya. Nagmula ang pagtingin na ito sa iba’t-ibang mga bansang Europeo na naging kalaban ng Espanya sa panahong yaon. Ayon dito, itinuturing ang mga Kastila bilang malupit, mapanghamak, tamad, at makaluma sa mga paniniwala. Inilikha ni Julián Juderías ang katawagang Itim na Alamat noong 1914.

Halimbawa ng pagtingin ng kasaysayan ayon sa Itim na Alamat. Nagpapakita ang larawan na ito (1598) ng isang Kastilang nagpapakain ng mga batang Amerikanong Indiyano sa mga aso.

Kasaysayan

baguhin

Nagsimula ang pagpapalaganap ng Itim na Alamat nang sumulong ang Imperyong Kastila bilang isa sa mga pinakamakapangyarihang bansa. Sa ika-16 na daantaon, nag-umpisa ang panahon ng kolonyalismo at ang pagsakop ng Espanya sa iba’t-ibang mga bahagi ng daigdig, lalo na sa lupalop ng Amerika. Ito ay naging isa sa mga pangunahing paksa ng Itim na Alamat.

Bukod dito, lalo pang lumakas ang katanyagan ng Itim na Alamat sa Digmaan ng Walumpung Taon (1568-1648), na kung saan lumaban ang Espanya sa mga nangaghimagsik na lalawigan ng mga Mabababang Bayan. Ito ay naging karagdagan sa masamang larawan ng Espanya sa hilagang Europa.

Sa Pilipinas

baguhin

Sa ngayon, makikita rin ang pagkakaroon ng Itim na Alamat sa Pilipinas at sa isipan ng mga Pilipino. Karaniwang masama rin dito ang larawan ng Imperiyong Kastila, una sa lahat dahil sa pagsakop sa mga lupain ng Pilipinas. Bagama’t ang Pilipinas ay kapwang nasakop ng Espanya at ng Estados Unidos, madalas itinuturing ang mga Kastila lamang bilang mga maniniil, at ang mga Amerikano naman bilang mga tagapagpalaya.

Pagsusuri

baguhin
 
Ang Leyes Nuevas (Mga Bagong Batas) ay inilikha ng Espanya upang pangalagaan ang mga karapatan ng mga tauhan sa kanyang mga isinakop na lupain.

Hindi pa nawala ang katanyagan at ang paniniwala sa Itim na Alamat hanggang ngayon, ngunit dumami naman ang mga pamimintas dito. Higit sa lahat, pinupuna ang hindi patas na pagkakaugnay ng kolonyalismo sa Espanya lamang, kahit man isa lang ito sa maraming mga bansa ng Europa na nagsisakop sa iba't-ibang mga lupain ng daigdig. Nangakasama naman din sa kolonyalismo pati ang mga bansa na kung saan ay lubhang masama ang pagtingin sa kolonyalismo ng Espanya, tulad ng Gran Britanya o Olanda.

Bukod pa rito, ang Espanya ay ang siyang naging unang bansa sa Europa na gumawa ng batas upang pangalagaan ang mga karapatan ng mga tauhan sa mga isinakop na lupain.