Jean-Baptiste Lamarck
Si Jean-Baptiste Pierre Antoine de Monet, Chevalier de la Marck (Bazentin, Somme, 1 Agosto 1744 – Paris, 18 Disyembre 1829), na kadalasang nakikilala lamang bilang Lamarck, ay isang Pranses na naturalista. Siya ay naging isang sundalo, biyologo, akademiko, at isang maagang tagataguyod ng ideya na ang ebolusyon ay naganap at sumulong ayon sa likas na mga batas.
Jean-Baptiste Lamarck | |
---|---|
Kapanganakan | 1 Agosto 1744[1]
|
Kamatayan | 18 Disyembre 1829[1]
|
Libingan | Sementeryo Montparnasse |
Mamamayan | Pransiya |
Trabaho | botaniko, soologo, akademiko, naturalista, propesor ng unibersidad, biyologo, kimiko, meteorologo, paleontologo, manunulat |
Pirma | |
Nakipaglaban si Lamarck sa Digmaang Pomeraniano laban sa Prusya, at nagantimpalaan ng isang komisyon para sa katapangan habang nasa pook ng labanan.[2] Sa kanyang himpilan sa Monako, si Lamarck ay nagkaroon ng pagkawili sa likas na kasaysayan at nagpasyang mag-aral ng panggagamot.[3] Nagretiro siya mula sa militar pagkaraang masaktan noong 1766, at nagbalik sa kanyang mga pag-aaral na pangmedisina.[3]
Nagkaroon si Lamarck ng isang partikular na pagkahumaling sa botaniya, at pagdaka, pagkaraang mailathala ang isang akdang may tatlong tomo na pinamagatang Flore françoise ("Mga Bulaklak na Pranses" o "Mga Bulaklak ng Pransiya"), naging kasapi siya ng Akademya ng mga Agham ng Pransiya noong 1779. Naging kasangkot si Lamarck sa Jardin des Plantes ("Halamanan ng mga Halaman") at naitalaga bilang Tagapangulo ng Botaniya (Chair of Botany) noong 1788. Nang matatag ang Muséum national d'Histoire naturelle noong 1793, naitalaga si Lamarck bilang isang propesor ng soolohiya.
Noong 1801, inilathala niya ang Système des animaux sans vertèbres ("Ang Sistema ng mga Hayop na Walang Gulugod"), na isang pangunahing akda hinggil sa pag-uuri ng mga hindi naguguluguran (mga imbertebrado), na isang katagang kanyang nilikha. Sa isang publikasyon noong 1802, siya ay naging isa sa mga unang gumamit ng katagang biyolohiya sa makabagong diwa nito.[4][Note 1] Nagpatuloy si Lamarck sa kanyang gawain bilang isang pangunahing may kapangyarihan o awtoridad hinggil sa soolohiya ng imbertebrado. Naaalala siya, partikular na sa malakolohiya, bilang isang taksonomista na may hindi mamagkano lamang na katayuan.
Sa makabagong kapanahunan, si Lamarck ay pangunahing inaalala para sa isang panukala o teoriya ng pagmamana ng natatamong mga katangian, na tinatawag na malambot na pagmamana, Lamarckismo o teoriya ng paggamit/hindi paggamit.[5] Subalit, ang kanyang ideya ng malambot na pagmamana ay, marahil, isang pagsasalamin ng karununang-bayan noong mga panahong iyon, na tinatanggap ng maraming mga manunulat ng likas na kasaysayan. Ang mga ambag ni Lamarck sa teoriyang ebolusyonaryo (biyolohiyang pang-ebolusyon) ay binubuo ng maaaring matawag na unang tunay na may pagkakaisang teoriya ng ebolusyon kung saan ang isang pang-alkemiyang nakapagpapasalimuot na puwersa ang nagpakilos sa mga organismo papaakyat sa isang hagdan ng kasalimuotan, at isang pangalawang puwersang pangkapaligiran ang nagpaagpang sa kanila sa lokal na mga kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit at hindi paggamit ng mga katangian, na nagpapakaiba sa kanila mula sa ibang mga organismo.[6]
Talababa
baguhin- ↑ Ang katagang "biyolohiya" ay nakahiwalay na ipinakilala ni Thomas Beddoes (noong 1799), ni Karl Friedrich Burdach (noong 1800) at Gottfried Reinhold Treviranus (Biologie oder Philosophie der lebenden Natur, noong 1802).
Mga sanggunian
baguhin- ↑ 1.0 1.1 http://data.bnf.fr/ark:/12148/cb120006510; hinango: 10 Oktubre 2015.
- ↑ Damkaer (2002), p. 117.
- ↑ 3.0 3.1 Packard (1901), p. 15.
- ↑ Coleman (1977), pp. 1–2.
- ↑ Jurmain et al. (2011), pp. 27–39.
- ↑ Gould (2002), p. 187.