Josefino Comiso
Si Josefino Cacas Comiso (1940 – ) ay isang Pilipinong nagbigay ng kontribusyon sa paggawa ng atlas ng yelong takip ng dagat (sea ice cover). Siya ay nakapagsulat ng higit 70 na pag-aaral ukol sa siyensiya ng mundo (Earth Related Sciences) kasama ang pag-aaral tungkol sa polynas, isang lugar na hindi natatakpan ng yelo at ang tubig ng Southern Ocean (ang dagat sa paligid ng Antartica) ay direktong naka-expose sa atmospira.
Siya ay napagkalooban ng tatlong NASA at GSFC Special Awards (1987, 1991 at 1994), NASA Group Achievement Award. Ang kanyang pangalan ay kabilang sa "Who's Who in the World", "Who's Who in North America", "Who's Who in Frontiers of Science and Technology" at "Who's Who in Electromagnetics".
Ipinanganak siya noong 21 Setyembre 1940. Kilala siya sa tawag na "Joey" sa San Antonio, Narvacan, Ilocos Sur. Pampito si Joey sa sampung anak nina Severino at Silvestra Comiso.
Sa murang edad ay mahilig na si Joey sa Matematika at Siyensiya kung kaya't hindi kataka-takang makapagtapos siya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1952 ng kurso sa Physics. Nakapagtrabaho siya sa Philippine Atomic Research Center at nakapagturo sa UP Physics Department. Taong 1964, nagtungo siya sa Florida State University, Tallahassee, kung saan naisagawa niya bilang thesis ang "Deuterium Interactions Using Bubble Chamber Data" na isang phenomenon sa larangan ng particle physics. Natapos niya ang kanyang Master's Degree noong 1966.
Mapalad si Joey na makadaupang-palad ang ilan sa mga premyadong katauhan (Nobel prize winners) habang isinasagawa niya ang kanyang doctoral thesis sa Lawrence Berkeley Laboratory sa Unibersidad ng California, Los Angeles (UCLA). Dito niya natamo ang kanyang doctorate degree noong 1972.
Taong 1974, nalipat si Joey sa Unibersidad ng Virginia kasama ni Prof. K. Ziock at iba pa. Pinag-aralan niya ang proseso sa pagpapalit ng lakas ng nukleo (nucleon chargeexchangeprocesses) gamit ang high-tech equipment sa bagong tayong Los Alamos Meson Facility at National Space and Aeronautics Administration (NASA).
Taong 1977, nalipat si Joey sa Goddard Space Flight Center (GSFC) sa Greenbelt, Maryland, (Ang Sentrong Pandaigdigan para sa Earth Sciences noong mga panahong iyon) at malaki ang naging kontribusyon ni Joey sa kauna-unahang publikasyon ng Atlas on Sea Ice Cover observed by Satellite Microwave Radiometer noong 1983. Muli, kasali si Joey sa pangalawa at sumunod na Atlas na inilimbag noong 1987 at 1992.
Lubhang napakalamig sa Hilaga at Timog na rehiyon ng mundo (North and South polar regions) at kadalasang ang yelo ay Umaabot nang isa hanggang tatlong metro ang kapal. Inaakala noon na ang balot ng yelo sa mga lugar na ito ay buo at parang isang malaking kumot (continous blanket). Ngunit nadiskubre ni Joey na ito ay hindi tatoo sapagkat may mga lugar palang walang yelo at ito nga ay tinawag at kinilalang "polynyas".
Ang pagpapalitan ng enerhiya, tubig at gases sa pagitan ng dagat at atmospira sa palibot ng Antartica, ay siya ring nagdudulot ng malakihang paggalaw at pagbabago sa temperatura at kabuuan ng dagat at atmospira sa buong mundo. Napapabilis ng pagkakaroon ng mga polynyas ang mga prosesong ito dahil sa direktong pagkakaexpose ng Timog Dagat sa Atmospira. Ang mga pagbabago sa polynyas ay lubhang nakakaapekto sa pagdami ng tubig sa kabuuan ng dagat maging sa kailaliman nita.
Inobserbahan ni Joey ang pinakamalaking polynyas (350 X 1,000 km) ang Weddell Polynyas, (nabuo kalagitnaan ng mga taong 1970), sa tabi ng dagat Weddell. Mula Hunyo hanggang Setyembre ay kanyang napagmasdan ang pagkatunaw nito sa tag-init at muling pagkakabuo sa sumusunod na tag-lamig.
Ito ang nagsilbing basehan upang matukoy na ang mga polynyas ay maaaring magpabalik-balik o maaaring mabuo, matunaw at muling mabuo. Napakahalaga ng pagkakatuklas na ito ni Joey sa mga polynyas. Ang yelo ay mainam na panlaban sa init at nagsisilbing kumot pantakip upang hindi makakawala ang init patungo sa atmospira. Ang mga pag-aaral na ito ay malaki ang naging kontribusyon upang maiwasan ang paglubha ng init o pagkawala ng init mula sa ating daigdig na lubhang nakakaimpluwensiya sa kabuuang ekolohiya at klima ng mundo.