Kaaya-ayang pangangatawan

(Idinirekta mula sa Kaakit-akit na pangangatawan)

Ang kaaya-ayang pangangatawan ay isang pananaw sa mga katangiang pisikal ng isang tao bilang maganda o nakalulugod, at maaaring magsangkot ng samu't saring mga pakahulugan o pahiwatig na katulad ng kabighaniang seksuwal at pangangatawan. Kung ano ang itinuturing na pangangatawang kaaya-aya ay nakabatay sa tatlong mga bagay: sa pandaigdigang pananaw na karaniwan sa lahat ng mga kalinangan ng tao, sa pangkultura at panglipunang mga aspeto at pang-indibiduwal na pangsariling mga pagkagusto. May likas na taglay na disposisyon o pananaw ang mga tao na tumingin sa simetriya, pagkakatimbang, pagiging balansado, o pagiging magkakatapat ng mga bahagi ang mga bagay. May magandang ayos ang katawan, sa madaling sabi. Ginagamit din ang ganitong pagmamasid sa paghusga sa katawan ng lalaki at ng sa babae.[1] Kaakit-akit para sa lalaki at sa babae ang pantay na anyo ng katawan at mukha, dahil isa itong tanda ng kabataan at kalusugan.[2]

Ayon sa babasahing New Scientist noong Oktubre 2004, nagkaroon na ng pagbabago sa pananaw kung ano ang kaaya-ayang katawan. Hindi katulad ng nakalipas na limampung mga taon, mas kanais-nais sa ngayon ang balingkinitan o may pagkapayat na katawan para sa mga babae at mas malaman (mas makarne) o mas may masel na katawan naman para sa mga lalaki. Isa itong pag-aaral na ibinatay sa mga anyo ng mga katawan ng mga lalaki at mga babaeng nakalarawan sa mga bahagyang may pagkapornograpikong mga magasin, mga babasahing gumanap na barometro o sukatan kung ano ang itinuturing na katawang kaakit-akit o ideyal sa loob ng isang kapanahunan.[3]

Nakakahalina rin ang pagiging mataas dahil nagmumungkahi ito ng pagiging nakakapangibabaw, katayuan sa buhay o lipunan, lakas, at ng mapagkukunan ng kabuhayan.[2]

Mga dahilan ng pagbabagong pampananaw

baguhin

Ilan sa mga itinuturing na sanhi ng mga pagbabagong ito ang nagbabagong mga gampaning panlipunan ng mga kalalakihan, ang emansipasyong pang-ekonomiya at pangseksuwal ng mga kababaihan, at ang hindi na pagiging nag-iisang tagapag-hanapbuhay para sa mag-anak ng mga lalaki. Dahil dito, nagtuon ng pansin ang mga lalaki sa paghuhubog ng katawang may mga masel (isang gawaing yinakap din ng mga binabae, na maaaring may kaugnayan sa homopobya). Ang pagpapalaki ng mga masel ang isang gampanin na hindi agresibong magagawa ng mga kababaihan, sa kabila ng kanilang mga bagong papel sa pangkasalukuyang lipunan.[3]

Kaaya-ayang katawan ng lalaki

baguhin

May isang pag-aaral mula sa Pamantasan ng Harvard na nagsasabing ideyal, para sa mga lalaki, ang pagkakaroon ng isang katawang panlalaki na "makapal" at mayroong dalawampu hanggant tatlumpung librang dagdag na mga masel kaysa pangkaraniwan. Para sa mga babae, nais nila ang isang uri ng katawan na mas malapit kaysa pangkaraniwan.[4]

Katulad ng pag-aaral na nabanggit sa itaas at lumitaw sa New Scientist, naging balingkinitan din ang mga modelong lalaking lumitaw sa mga pahina ng magasing Playgirl mula 1973 hanggang 1997, ngunit naging mas maskulado o may masel.[3]

Isang pamantayan sa ngayon ang pagkakaroon ng katawan ng lalaki ng hugis binaliktad na tatsulok na may malapad na balikat, buo o solidong dibdib, at mas maliit na pang-ibabang bahagi ng katawan.[5]

Kaaya-ayang mukha ng lalaki

baguhin

Sa anumang kalinangan, nagkaroon ng huwarang kagandahan o nakakabighaning mukha. Nakakahalinang mukha ng lalaki ang pagkakaroon ng malusog at matatag na baba, may kapansin-pansing kilay at noo, na nalagyan ng bahid ng mas pambabae o pemininong malalambot na mga katangiang-kasangkapan. Sinasagisag ng kapansin-pansing kilay at noo ang pagiging nakapapangibabaw at lakas ng isang lalaki. Samantala, naging tanda ng katatagan at kakayahang makaligtas o umiral ang 'matigas' na katangiang pangmukha.[2]

Subalit itinuturing na pinakamaganda sa lahat ang isang mukhang pangkaraniwang may mahigit na bilang ng mga katangiang pangmukha na karaniwan lamang para sa anumang partikular na lahi at kultura. Nakakaakit ang pangkaraniwan sapagkat nagpapahiwatig ito ng pagiging nasanay na ng isang nilalang sa kanyang kapaligran at ng pagiging malusog.[2]

Kaaya-ayang puson

baguhin
 
Isang lalaking may kaayang-ayang puson, ang binabansagang "anim na pakete" sa tiyan.

Magmula pa noong sinaunang mga panahon, katulad ng nakikitang nilalarawan sa mga inukit na istatuwa ng mga atletang lalaki mula sa sinaunang Gresya, isa sa mga katangian ng katawan ng lalaki ang pagkakaroon ng impis o patag at may "tabas" na puson o tiyan, partikular na ang tinatawag na pagkakaroon ng "anim na pakete" sa puson. Natatamo ang ganitong hitsura ng puson sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ehersisyong nakapagpapaimpis ng rehiyon ng tiyan habang nagbibigay-pansin sa pang-ibaba, panggitna, at pang-itaas na mga bahagi ng puson, pati na ang mga ehersisyong "nakakatabas" ng mga tagiliran ng balakang na nakapagdurulot ng tingin o dating na pagkakaroon ng makipot na balakang. Kasama sa gawaing ito ang paggamit tamang paraan, katulad ng labinlimang pag-uulit o repetisyon ng isang ehersisyong wasto ang pagsasagawa. Nakakamit din ang ganitong puson kapag nawala o mababa na ang antas ng taba sa katawan, sa pamamagitan ng tumpak na nutrisyon, epektibong pagsasanay na pampuso o pangkardyo, at natatanging mga paraang nakapagpapataas ng metabolismo (ang bilis ng "pagsusunog" ng taba sa katawan). Isa pang dahilan ng pagkakaroon ng ganitong wangis ng tiyan ang pagpapa-impis ng puson mula sa loob ng katawan, na naisasagawa sa pamamagitan ng paggamit ng diyeta, pag-inom ng mga suplemento, natatanging mga tekniko sa paghinga at paghilot ng mga bituka o lamang loob.[6]

Kaaya-ayang katawan ng babae

baguhin

Ayon kay David M. Buss, sa kanyang In The Evolution of Desire: Strategies for Human Mating, hindi maitatanging nais ng mga lalaki ang napakabalingkinitang katawan ng babae. Nais ng mga lalaki, pati na ng mga babae, ang katawang may bahagya lamang na pagkabalingkinitan kaysa sa pangkaraniwan. Ngunit may indibiduwal na lalaking nagsabing mas ibig nila ang mas malapit sa pangkaraniwan, na hindi gaanong balingkinitan kung ihahambing sa napiling pamantayan ng mga babae.[4]

 
Si Michele Berkin, isang "diyosa sa dalampasigan".

Naging hindi na gaanong makurbada ang mga katawan ng mga modelong babae na ipinapakita sa Playboy, mula 1950 hanggang 1980; naging mas mababa ang sukat ng dibdib at baywang ng mga modelong babae magmula 1953 hanggang 2001. Nagkaroon ng malaking puwang sa pagitan ng katawan ng babae sa tunay na buhay at ng ideyal na babae.[3]

Pamantayan ng hugis ng katawan ng pangkasalukuyang babae ang pagkakaroon ng balingkinitang baywang, at bahagyang mas malawak at magkapantay na balakang.[5] Ayon sa mga dalubhasa sa moda at pagpapaganda, pati na sa mga talangguhit o tsart ng katawan, at mga websayt at babasahing pangkalusugan at pangkaapuan ng katawan, isang ideyal na pamantayan ng mga sukat ng katawang pambabae ang pagkakaroon ng mga sukat na 36" - 26" - 36". Nangangahulugan itong isang perpektong katawan ng babae ang pagkakaroon ng paris ng suso o maluwang na dibdib na 36 ang pulgada, ng malawak na baywang na 26 ang pulgada, at malapad na balakang na 36 ang pulgada. Ang ganitong mga sukat ang siyang magandang tingnan para sa halos lahat ng mga kasuotan.[1]

Kaaya-ayang mukha ng babae

baguhin

Sa anumang kultura, ninanais ang katangian ng mukhang pambabae na may maliliit na pang-ibabang bahagi ng mukha. Kasama rito ang pagkakaroon ng tila maliit na baba, maselang mga panga, mataas na mga buto ng pisngi, lipos na mga labi, maluwang na ngiti, at malalaking mga mata (malaki na may pagkakatimbang sa haba ng mukha).[2]

Mga kataga ng paghanga

baguhin
 
Si Albert Cordina, isang "diyos sa dalampasigan".

Nagkaroon ng mga kataga na pangtawag sa mga tao, lalaki man o babae, na mayroong kaaya-ayang pangangatawan. Sa wikang Ingles, ang isang lalaking may kaaya-ayang katawan ay maaaring tawagin bilang sexy guy ("kabigha-bighaning lalaki"), hot guy ("mainit" o "maalab" na lalaki) beach god ("diyos ng dalampasigan", "diyos ng pampang", o "diyos ng baybayin", partikular na kung mapagmamasdan sa baybayin o pampang sapagkat naroon ang lalaki upang maligo o lumangoy sa tubig ng dagat), beach body (bilang pantukoy sa katawang maipamamalas o maipapahayag, katawang maaaring i-display habang nasa beach o dalampasigan, na para bang walang kapinsalaan o kapansanan ang katawan, na maaaring katumbas ng diwa ng pariralang "katawang pangromansa"). Kapag babae ang kataga ay nagiging beach goddess ("diyosa ng dalampasigan", na may diwa ng "diyosa ng kagandahan") o hot chick, sexy chick, at hot babe ("mainit" o "maalab" na babae).[7]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 Perfect Female Body - Ideal Body Measurements For Women, buzzle.com
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Sones, Michael. Human Beauty Naka-arkibo 2009-05-26 sa Wayback Machine., beautyworlds.com
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Vital statistics[patay na link], nzbodybuilding.co.nz
  4. 4.0 4.1 Cole, Brian. "Women's Ideal Body Type" at "Men's Ideal Body Type", Body Image and the 'Lost Cause' Misconception Naka-arkibo 2009-11-29 sa Wayback Machine., docshop.com, Hulyo 15, 2008.
  5. 5.0 5.1 Perfect Body Shape for Men and Women, health.learninginfo.org
  6. Hallale, Nick. A Grecian Ideal Physique Needs Ideal Abs!, ezinearticles.com
  7. "1. Beach God", (...) a sexy guy you see on the beach, or has a beach body. If it's a female you can make it "beach goddess". (hot guy walks past) "oh god, look at that beach god!" (...), urbandictionary.com

Mga kawing panlabas

baguhin