Iskandalong NBN-ZTE

(Idinirekta mula sa Kasunduang NBN-ZTE)

Ang iskandalong NBN-ZTE ay isang maanomalyang kontrata sa ZTE Corp. sa Tsina para sa proyektong National Broadband Network (NBN) ng pamahalaan na inaprobahan ng administrasyon ni Gloria Arroyo.

Si Arroyo ay inakusahan ng pag-abuso sa kapangyarihan sa pagtulak ng pagpapatibay ng iminungkahi ng Tsinong ZTE Corp upang itayo ang proyektong National Broadband Network sa Pilipinas sa sobrang taas na presyong $329 milyong dolyar o 13 bilyong piso. Sinasabing sa simula ay nag-alok ng 130 milyong dolyar ang ZTE Corp. para sa proyekto ngunit tumaas ang presyo dahil sa mga hinihinging kickback ng mga kasabwat sa proyekto. Ang kontrata ay nilagdaan ni Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza at ZTE vice president Yu Yong noong Abril 21, 2007, sa Boao, Tsina na nasaksikhan mismo ni Gloria Arroyo. Ang proyektong ito isang pambansang network ng komunikasyon para sa mga pasilidad na landline, cellular at broadband internet para sa paggamit ng mga ahensiya ng pamahalaan. Ang deal sa ZTE Corp ay sinasabing nangyari nang walang public bidding. Si COMELEC Chairman Benjamin Abalos, Sr. ay inakusahan ni Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla ng pagtanggap ng salapi at mga regalo kabilang ang mga babae kapalit ng pakikipag-ayos ng kasunduan sa ZTE Corp.[1] Isinaad rin ni Padilla na nakita si Abalos na naglalaro ng golf kasama ng mga opisyal ng ZTE Corp. sa Maynila at Shenzen.

Sinasabing ang perang gagamitin sa pagpapatayo ng network ay mula sa perang uutangin ng pamahalaan ng Pilipinas mula sa pamahalaan ng Tsina.

Testimonya ni Joey de Venecia III

baguhin

Si Jose “Joey” de Venecia III na namumuno sa Amsterdam Holdings, Inc. na isa sa natalong bidder sa kasunduang NBN at anak ni dating Ispiker na si Jose de Venecia, Jr. ay nagpatotoo na kasama niya si Abalos sa Tsina at narinig niyang si Abalos ay "humingi ng pera" mula sa mga opisyal ng ZTE. Si Joey de Venecia III ay nagpatotoo rin na ang asawa ni Gloria na si Mike Arroyo ang misteryong tao na nagtulak para pagtibayin ang labis na mataas na presyong kontrata sa ZTE. Isinaad ni De Venecia na ang kontrata na $329 milyong dolar sa ZTE ay sobrang mataas na presyo ng mga $130 milyong dolar pagkatapos na humingi si Abalos ng mga iba't ibang kickback at mga paunang bayad o advance para sa proyekto. Isinaad ni de Venecia na inalukan siya ni Abalos noong Disyembre 2006 ng lagay na 10 milyong dolyar upang umatras sa proyekto. Isinaad rin ni De Venecia na binalaan siya ni Abalos na ipapapatay siya kung hindi siya umatras sa proyekto. Isinaad rin ni Joey de Venecia III na nangako si Abalos kay Mike Arroyo ng 70 milyong dolyar na kickback mula sa proyektong NBN.

Testimonya ni Romulo Neri

baguhin

Ang dating direktong henral ng NEDA na si Romulo Neri ay nagpatotoo sa Senate hearing na inalukan siya ni Abalos ng lagay na 200 milyong piso upang aprubahan ang proyekto. Sinabi rin ni De Venecia na tinanong ni Gloria si Neri kung bakit hindi niya tinanggap ang suhol na 200 milyong piso ni Abalos upang iendorso ang proyektong NBN sa ZTE Corp.

Testimonya ng mga eksperto

baguhin

Ayon sa pagsisiyasat ng mga opsiyal na dokumentong isinumite sa Senate blue ribbon committee, ang proyektong NBN-ZTE ay sobrang taas ang presyo ng halos 8 bilyong piso (US $197 milyon). Isinaad ng mga eksperto na ang presyo ng ZTE na $329 milyong dolyar o 13 bilyong piso ay magkakahalaga lamang ng 132 milyong dolyar kung ihahambing sa mga kompanyang gaya ng PLDT, Smart Communications, Globe Telecoms o Digitel.

Noong Pebrero 4,2008, bumoto ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas na patalsikin bilang Isipiker si Jose de Venecia Jr. na sinasabing kabayaran para sa pagdawit ng kanyang anak kay Mike Arroyo sa iskandalong NBN-ZTE.

Testimonya ni Jun Lozada

baguhin

Ang Philippine Forest Corp. president na si Jun Lozada (na technical consultant ni Romulo Neri sa proyektong NBN) na may alam sa sobrang taas na presyong kontratang ZTE ay lumipad sa Hong Kong mga dalawang oras bago magsimula ang pagsisiyasat ng Senado. Inutos ng senado na hulihin sina Romulo Neri at Jun Lozada sa hindi pagpapaunlak sa isang subpoena na humarap sa senado tungkol sa kontratang NBN-ZTE. Dumating si Lozada sa NAIA mula Hongkong noong Pebrero 5,2008 ng 4:40 ng hapon ngunit kumalat ang mga ulat na siya ay dinukot. Kalaunang nalamang si Lozada ay dinakip ng mga pulis sa airport ng Manila International Airport Authority (MIAA) deputy para security na si Angel Atutubo at mga kasapi ng Police Security and Protection Office (PSPO). Noong Pebrero 7,2008 noong 2 am, si Lozada ay humarap sa isang press conference sa LaSalle Greenhills. Kanyang isinaad na si Abalos ay humingi ng mga kickback na 130 milyong dolyar na ang 70 milyong dolyar ay para kay Mike Arroyo. Sinabi ni Lozada na nagbanta si Abalos na ipapapatay siya kung nabigo siyang ihatid ang 130 milyong kickback sa kontratang NBN. Nang lumisan si Lozada sa proyektong NBN noong 2007, ang presyo nito ay 262 milyong dolyar ngunit nang aprobahan noong Marso 2007 ay naging 329 milyong dolyar. Siya ay pwersahang pinalagda ng mga pahayag upang magmukhang humiling siya ng seguridad ng pulis sa kanyang pagdating sa paliparan. Pagkatapos ng press conference noong 3 am, si Lozada ay dinala sa kustodiya ng Senado. Humarap si Lozada sa Senate Blue-Ribbon Committee noong Pebrero 8,2008. Kanyang isinaad na sina Mike Arroyo at Benjamin Abalos ay sangkot sa eskandalong NBN-ZTE. Isinaad niya na ipinadala siya ng mga autoridad ng pamahalaan sa Hong Kong dahil wala silang mahanap na lunas na legal upang pigilan ang Senado na mag-atas sa kanyang humarap sa pagsisiyasat tungkol sa kasunduang NBN. Isinauli rin ni Lozada ang P50,000 sa dating chief of staff ng pangulong si Michael Defensor na nagbigay sa kanya sa La Salle Green Hills upang sabihin ni Lozada na hindi siya dinukot. Inamin ni Defensor na sinabi niya kay Lozada na magdaos ng press conference at sabihing hindi siya dinukot. Sa senate hearing noong Pebrero 18,2008, sinabi ni Lozada na tinawag ni Neri si Arroyo na "masama" at nagpakita sa kanyang ang sentro ng ekosistema ng korupsiyon. Sinabi ni Lozada na isinaalang alang ni Neri ang pagbibitiw sa kanyang tungkulin pagkatapos na utusan siya ni Gloria na i-endorso ang 329 milyong dolyar na proyektong NBN. Isinuko rin ni Lozada sa Senate Blue Ribbon Committee ang isang envelope na naglalaman ng 500,000 piso mula sa Malacañang upang tumahimik. Inamin ni Deputy Executive Secretary Manuel Gaite na ibinigay niya ang pera kay Lozada. Nagsampa si Lozada ng kasong pagdukot at tangkang pagpatay laban sa kapulisan at mga opisyal ng administrasyo ni Arroyo na responsable sa kanyang pagdukot. Kabilang sa mga sinampahan ng kasong pagdukot sina PNP Chief Avelino Razon, Environment Secretary Lito Atienza, Angel Atutubo, Police Security and Protection Office (PSPO) Chief Romeo Hilomen, PSPO assistant director Col. Paul Mascariñas, retiradong Senior Police Officer 4 Rodolfo Valeroso at iba. Ang tangkang pagpatay ay batay sa CCTV camera ng NAIA kung saan kumumpas si Atutubu ng paggilit ng leeg habang hinahatid si Lozada.

Testimonya ni Dante Madriaga

baguhin

Pinatotohanan rin ni Dante Madriaga na isang dating consultant ng ZTE sa senate hearing na si Pangulong Arroyo at asawa nitong si Mike Arroyo ay bahagi ng "Pangkat na Ganid plus plus" na humingi ng mga kickback na nagpataas ng presyo ng proyektong NBB mula 130 milyong dolyar hanggang 329 milyong dolyar. Tinukoy ni Madriaga ang ibang mga kasapi ng Pangkat na Ganid plus plus kabilang si Benjamin Abalos, Ruben Reyes, Leo San Miguel, retiradong heneral Quirino Dela Torre at sina Gloria Arroyo at asawa nitong si Mike Arroyo. Sinabi ni Madriaga na nagbigay na ng advance ang ZTE Corp. ng 41 milyong dolyar sa "Pangkat na Ganid" upang masigurong maibigay ang kontrata ng proyektong NBN sa ZTE Corp.

Hatol ng Ombudsman

baguhin

Noong 2009, ibinasura ng Opisina ng Ombudsman ang mga kaso ng graft kay Pangulong Arroyo sa dahilang siya ay sinasabing immune mula sa kaso at hindi daw masasampahan ng kaso. Ibinasura rin ng Opisina ng Ombudsman ang mga inihaing kasong korupsiyon laban kay Mike Arroyo dahil wala daw ebidensiya laban sa kanya.

Pagbasura sa proyektong NBN

baguhin

Noong Setyembre 11,2007, ang Korte Suprema sa isang botong 8-7 ay nag-aproba sa petisyon para sa temporaryong kautusang nagpipigil sa proyektong NBN. Ang karamihan ng mga tumutol sa desisyon ay mga hinirang sa puwesto ni Arroyo.

Pagkatapos ng ilang araw, ibinasura ni Arroyo ang proyektong NBN dahil sa galit ng publiko.

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-06-04. Nakuha noong 2013-10-14.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)