Ang Koliseo o Koloseo, na kilala rin bilang ang ampiteatrong Flavio (Latin: Amphitheatrum Flavium; Italyano: Anfiteatro Flavio [anfiteˈatro ˈflavjo]), ay isang elliptical na ampiteatro sa gitna ng lungsod ng Roma, Italya. Gawa sa sementado at bato, ito ang pinakamalaking ampiteatrong naitayo kailanman at isa sa mga itinuturing na pinakakahanga-hangang yari ng arkitektura at inhinyero.

Ang Koliseo ng Roma

Ang Koliseo ay nakatayo sa silangan lamang ng Roman Forum. Ang konstruksyon ay sinimulan sa ilalim ni emperador Vespasiano noong 72 AD, at natapos noong 80 AD sa ilalim ng kanyang kapalit at tagapagmanang si Tito. Ang mga karagdagang pagbabago ay ginawa sa panahon ng kaharian ni Domiciano (81-96). Ang tatlong emperador ay kilala bilang ang dinastiyang Flavia, at ang ampiteatro ay ipinangalan sa Latin dahil sa kaugnayan nito sa kanilang apelyido (Flavius).

Ang Koliseo ay kayang punuin ng tinatayang sa pagitan ng 50,000 at 80,000 na manonood, at ginamit sa mga paligsahan ng mga manlalaban o gladyador at mga pampublikong palabas, tulad ng mga hindi totohanang labanan sa dagat, pangangaso ng mga hayop, mga pagpugot ng ulo, mga muling pagsasadula ng mga kilalang labanan, at mga dramang batay sa mitolohiyang Klasiko. Itinigil ang paggamit sa Koliseo para sa aliwan noong unang bahagi ng Gitnang Kapanahunan. Ito ay kinalaunang muling ginamit sa mga layuning tulad ng pabahay, mga pagawaan, mga kuwarto para sa panrelihiyong kaugalian, muog, silyaran, at Kristyanong dambana.  

Mga sanggunian

baguhin