Labanan sa Ampipoli

Ang Labanan sa Ampipoli o Labanan sa Amfipoli ay naganap noong 422 B.K. sa panahon ng Digmaang Pelopónnisos sa pagitan ng Lakedaimon (Sparti) at Athina. Dito humantong ang mga pangyayari na nagsimula noong 424 B.K. nang masakop ng mga taga-Lakedaimon ang Amfipoli.

Pagsakop sa Amfipoli, 424 B.K./3 B.K.

baguhin

Noong tagniyebe ng 424/3, halos kasabay ng Labanan sa Dilion, kinubkob ng mga taga-Lakedaimon ang Amfipoli sa pamumuno ni heneral Vrasidas. Ang lungsod ng Amfipoli ay isang kolonya ng Athina sa ilog ng Strymon sa Thraki. 1 Ang lungsod ay ipinagtatanggol ng mga taga-Athina sa pamumuno ni heneral Efklis, na humingi na ng tulong kay Thoukydidis (noon ay isang heneral, tapos ay magiging tanyag na historyador), na nagkukuta naman sa Thasos kasama ng pitong barko ng Athina. 2

Upang masakop ang lungsod bago pa makarating si Thoukydidis, inalok ni Vrasidas ang lahat na gustong manatili sa Amfipoli na pahihintulutan silang panatilihing sa kanila ang mga ari-arian nila at sa mga gustong umalis ay ligtas silang pahihintulutan. 3 Sumuko ang mga taga-Amfipoli bagama't tumututol si Efklis. 4 Dumating si Thoukydidis sa katabing daungan ng Iion sa araw mismo ng pagsuko ng lungsod, at ipinagtanggol ito sa tulong ng mga umalis sa Amfipoli. 5 Samantala nakipag-alyansa si Vrasidas sa marami pang mga bayan ng Thraki, gayundin kay Perdikkas II ng Makedonia, at nilusob niya ang iba pang bayan sa lugar na iyon, tulad ng Toroni. Natakot ang mga taga-Athina na ang iba pa nilang alyado ay mabilis na susuko, tulad ng mga taga-Amfipoli, kapag inalok sila ni Vrasidas ng magagaang na kasunduan sa kapayapaan.

Si Thoukydidis, na ginunita ang pagbagsak ng Amfipoli sa kanyang Kasaysayan ng Digmaang Pelopónnisos, ay kadalasang sinisisi nang bahagya o buo sa pagbagsak ng lungsod. Sa palagay ng iba ang kanyang ginawa ay "malubhang pagpapabaya," bagama't sinasabi niya na nahuli siya sa pagdating kaya niya hindi nailigtas ang lungsod. Ipinatawag siya sa Athina kung saan siya nilitis at ipinatapon sa labas ng estado. 6

Armistisyo noong 423 B.K.

baguhin

Bilang tugon sa pagbagsak ng lungsod, lumagda ng pagtigil sa labanan (armistisyo) ang Athina at Lakedaimon. Inasahan ng mga taga-Athina na mapapatibay pa nila ang mga tanggulan ng mga bayan bilang paghahanda sa mga susunod na paglusob ni Vrasidas, at inasahan naman ng mga taga-Lakedaimon na isasauli na ng Athina ang mga nabihag nito sa Labanan ng Sfaktiría noong 424. Alinsunod sa itinatakda ng tigil-labanan, "Iminumungkahi na ang bawat panig ay mananatili sa kanya-kanyang teritoryo, sakop ang nasakop na nila...Ang armistisyo ay magtatagal ng isang taon." (Thuc. 4.118) Habang nagaganap ang negosasyon, nasakop ni Vrasidas ang Skioni at tumangging ibalik ito nang dumating ang balita hinggil sa tratado. Nagpadala ang pinuno ng Athina na si Kleon ng hukbo para mabawi ito kahit may tratado na.

Labanan ng Amfipoli, 422 B.K.

baguhin

Nang matapos ang armistisyo noong 422, dumating si Kleon sa Thraki na may puwersang 30 barko, 1,200 hoplites, at 300 kabalyero, kasama pa ang ilang hukbo mula sa mga kaalyado ng Athina. Nabawi niya ang Toroni at Skioni. Sa Skioni napatay ang kumandante ng Lakedaimon na si Pasitelidas. Pagkatapos ay pumusisyon si Kleon sa Iion, habang si Vrasidas ay pumusisyon naman naman sa Kerdyliou. Si Vrasidas ay may mga 2,000 oplitis at 300 kabalyero, dagdag pa ang ilang ibang hukbo sa Amfipoli pero sa palagay niya ay hindi niya magagapi si Kleon sa isang harapang labanan. Inilipat ni Vrasidas ang hukbo niya sa loob ng Amfipoli, at kumilos naman si Kleon palapit sa lungsod bilang paghahanda sa labanan. Nang hindi lumabas si Vrasidas, inakala ni Kleon na hindi siya aatake, at ibinalik niya ang hukbo niya sa Iion.

Sa puntong ito, lumabas si Vrasidas sa Amfipoli at sinugod ang di-organisadong hukbo ng Athina. Habang magulong tumatakas ang mga taga-Athina sa pamumuksa ng mga taga-Lakedaimon ay nasugatan ng malubha si Vrasidas, bagama't hindi ito alam ng mga taga-Athina. Napatay din si Kleon nang atakihin siya ng kumandante ng Lakedaimon na si Klearidas. Tumakas pabalik sa Iion ang buong hukbo ng Athina, nguni't mga 600 sa kanila ang napatay bago sila makarating sa daungan. Pitong taga-Lakedaimon lamang ang napatay.

Mga resulta

baguhin

Nalaman pa ni Vrasidas ang tagumpay nila bago siya namatay, at inilibing siya sa Amfipoli. Simula noon itinuring siya ng mga taga-Amfipoli na tagapagtatag ng lungsod. Pagkatapos ng labanan, hindi na gustong ipagpatuloy ng mga taga-Athina at taga-lakedaimon ang digmaan, at nilagdaan nila ang Kapayapaan ng Nikias noong 421 B.K. Pero nalabag din ang tratadong ito. Si Thoukydidis ay ipinatapon sa labas ng Athina dahil sa kanyang kabiguang ipagtanggol ang Amfipoli, kaya't natapos ang panahon ng digmaan na nasaksihan niya.

Sanggunian

baguhin
  • Thucydides, The Peloponnesian War. London, J. M. Dent; New York, E. P. Dutton. 1910. [1]

Mga Tala

baguhin
  • 1 Thucydides 4.102.1 [2]
  • 2 Thucydides 4.104.4-5 [3]
  • 3 Thucydides 4.105.1-2 [4]
  • 4 Thucydides 4.106.1-2 [5]
  • 5 Thucydides 4.106.3-4.107.1 [6], [7]
  • 6 Thucydides 5.26.5 [8]