Maginoo
Ang mga Tagalog na maginoo, ang mga Kapampangang ginu, at ang mga Bisayang tumao, ay ang mga dugong bughaw o naghaharing uri sa lipunan sa Pilipinas bago ang pananakop ng mga Espanyol.
Lipunang Tagalog
baguhinAng mga sinaunang pamayanang Tagalog ay may tatlong uri na istrukturang panlipunan na binubuo ng maginoo (dugong bughaw o naghaharing uri), ang maharlika (mga malalaya; mandirigma), at ang mga alipin (manggagawa o mga karaniwang tao). Ang mga maaari lamang mag-angkin ng namamanang aristokrasya ay ang mga kabilang sa antas ng maginoo. Ang kanilang katanyagan ay nakasalalay sa katanyagan ng kanilang mga ninuno (bansag) o sa kanilang kayamanan at katapangan sa labanan (lingas). Sa pangkalahatan, kapag mas malapit ang isang angkan ng maginoo sa puno (royal founder) ng isang lipi (lalad), mas mataas ang kanilang katayuan.[1]
Ang mga kabilang sa antas ng maginoo ay tinawag na Ginoo. Ang mga wastong pangalan sa mga marangal na maginoo ay pinasisimulan gamit ang Gat (pinaikli para sa "pamagat" o "pamegat", na orihinal na kahulugan ay "panginoon", bagaman nangangahulugang "titulo" sa modernong Tagalog) para sa mga lalaki at Dayang (babae) naman para sa mga babae, na nagsasaad ng Panginoon at Ginang. Ang titulong Panginoon ay nakalaan para sa partikular na makapangyarihang maginoo na namuno sa malaking bilang ng mga nasasakupang tao at alipin, nagmamay-ari ng malawak na ari-arian, at ang lahi o angkang pinagmulan ay may kantanyagan. Ang mga maginoo na may mababang katayuan na naging prominente sa pamamagitan ng bagong nakuhang kayamanan ay nanunuya na kilala bilang maygintawo (literal na "taong may maraming ginto"; nouveau riche). Sa Vocabulario de lengua Tagala (1613), inihambing ng misyonerong Pransiskanong Espanyol na si Pedro de San Buenaventura ang maygintawo sa mga "dark knights" na nakakuha ng kanilang katayuan sa pamamagitan ng ginto at hindi sa pamagigitan ng kamag-anakang o angkang pinamulan.
Ang mga datu ng Tagalog ay mga maginoo na namuno sa isang pamayanan (isang dulohan o barangay, literal na "sulok" at "bangka ng balangay") o may sapat na maraming tagasunod. Ang mga datu na ito ay maaaring namuno sa isang pamayanan (isang pook) o naging bahagi ng isang mas malaking pamayanan (isang bayan, "estado-lungsod"). Bumuo sila ng isang konseho (lipon, lupon, o pulong) at tumugon sa isang soberanong pinuno, na tinutukoy bilang lakan (o ang Sanskrit na titulong raha, "hari"). Pagkatapos ng pananakop ng mga Kastila, ang mga datu na ito ay binigyan ng titulong Don ng Espanyol at itinuring bilang mga pinuno ng lokalidad.
Lipunan sa Kabisayaan
baguhinSa Visayas, ginamit ng mga Bisaya ang tatlong uri na istrukturang panlipunan na binubuo ng oripun (mga karaniwang tao, serf, at alipin), ang timawa (mandirigma), at sa tuktok, ang tumao (dugong bughaw). Ang tumao ay binubuo ng mga kadugong kamag-anak ng datu (pinuno ng komunidad) na walang bahid ng pang-aalipin, pagkaalipin, o pangkukulam. Karaniwan silang mga inapo ng mga anak ng isang datu at ng pangalawang asawa na kilala bilang sandil. Ang iba't ibang tumao na tagasuporta ng datu ay pangkalahatang tinutukoy bilang sandig sa datu ("sa tabi ng datu"). Ang tumao ay karaniwang ginagamit din sa hukuman ng mga datu sa iba't ibang posisyon (bagaman ang mga ito ay minsan ay napupuno rin ng timawa). Ang punong ministro (privy counselor) ng datu ay kilala bilang atubang sa datu (literal na "nakaharap sa datu"). Ang tagapangasiwa na nangongolekta at nagtala ng mga tributo at buwis at nagbigay ng mga ito sa sambahayan at mga umaasa sa datu ay kilala bilang paragahin. Ang paragahin ay responsable din sa pag-aayos ng mga pampublikong kapistahan at gawaing pangkomunidad. Ang bilanggo ang responsable sa pagpapanatili ng batas at kaayusan at ang sariling bahay ay nagsilbing pangkomunidad na kulungan (bilanggowan). Ang tumao at timawa ay parehas na obligadong magsilbi bilang pwersang militar ng datu sa panahon ng digmaan, sa kanilang sariling gastos.
Ang naghaharing malapit na kaanak ng datu ng Bisaya ay naitatangi sa iba pang tumao bilang kadatoan, na kapuwa isang katungkulan pangpulitika at isang antas panglipunan. Ang kadalisayan ng angkan ng kadatoan ay lubhang mahalaga sa pag-angkin ng karapatang mamuno, kaya ang kadatoan ay kadalasang nag-aasawa lamang ng mga miyembro ng ibang naghaharing angkan. Ang mga anak na lalaki at babae ng datu ng kanyang unang asawa ay masigasig na binantayan mula sa iba pang komunidad. Ang mga prinsesa ay kilala bilang binokot o binukot (literal na "mga nakatalukbong" o "mga nakabalot"), dahil sa katotohanang sila ay kadalasang dinadala ng mga alipin gamit ang nababalot na palanquin. Ang mga kababaihang nasa kadatoang uri ay makapangyarihan at iginagalang. Ang unang asawa ng datu at binokot ay maaaring mag-utos sa parehong bilang ng mga alipin at nasasakupan.
Ang isang datu na nakakuha ng kanyang katayuan sa pamamagitan ng pagpapakasal sa isang prinsesa ay kilala bilang isang sabali. Ang isang datu na may purong dugong bughaw na angkan ay kilala bilang potli o lubus nga datu, habang ang isang datu na ang apat na lolo't lola ay pawang may purong lahing pagkahari ay kilala bilang kalibutan.
Ang mga datu ay nagsilbing pinuno at hukom. Ang kanilang mga proklamasyon (mantala) ay inihatid sa pangkalahatang mamamayan ng isang oripun na nagsisilbing tagapagbalita ng bayan (ang paratawag). Nakatanggap sila ng mga parangal, buwis, at mga regalo mula sa kanilang mga nasasakupan, kabilang sa mga ito ang himuka (mga regalo mula sa timawa para sa pahintulot na mag-asawa), bawbaw (mga regalo mula sa mga nanalong partido sa isang hindi pagkakaunawaan na inayos sa paghuhukom ng datu), at hikin (ang mas malaking bahagi ng ari-arian na muling ipinamamahagi). May kontrol sila sa kalakalan sa pamamagitan ng honos (bayad para sa pag-angkla ng barko sa daungan ng komunidad), bihit (taripa), at lopig (mga diskwento sa mga lokal na pagbili). Mayroon din silang kapangyarihan na higpitan ang paggamit sa pamayanang pag-aari sa pamamagitan ng mga batas (balwang) at ang kanilang mga ani at hayop ay ipinamahagi sa kanyang mga nasasakupan upang alagaan sa isang kasanayan na kilala bilang takay. Ang datu, gayunpaman, ay malayo sa pagiging isang mapaglilibang na aristokrasya. Kadalasan sila ay mga bihasang manggagawa, mangangaso, panday, mangingisda, at mandirigma sa kanilang sariling karapatan, at ang kanilang sambahayan ay gumawa ng pinakamahusay na mga kalakal para sa kalakalan.
Maluwag ang ugnayan sa isa't isa ng mga datung Bisaya sa isang pederasyon (isang chiefdom). Ang mga miyembro ng isang chiefdom ay may namumunong datu na may awtoridad sa ibang datu, kadalasang tinatawag lamang bilang pangulo , kaponoan ("pinaka-soberano", mula sa salitang Bisaya para sa "ugat" o "pinagmulan ", puno), or makaporos nga datu (unifying chief). Ang pangulo ng mga daungan na may madalas na dayuhang trapiko ay minsan ay maaaring kumuha ng mga titulong Malay o Sanskrit tulad ng Rajah ("pinuno"), Batara ("panginoon"), Sarripada (mula sa Sanskrit Sri Paduka, "Kanyang Kataastaasan"; kabilang sa mga baryante o ibang anyo ang Salip, Sipad, Paduka, at Salipada). Gayunpaman, hindi sila mga hari sa pananaw ng Europa. Ang kanilang awtoridad ay kadalasang nagmumula sa paborableng mga posisyon sa kalakalan, lakas ng militar, lahi, at kayamanan (bahandi) sa halip na makaharing pamamahala. Habang sila ay may limitadong kapangyarihan sa iba pang miyembrong datu ng chiefdom batay sa kanilang kabantugan, wala silang direktang kontrol sa mga sakop o lupain ng ibang datu.
Ang mananalaysay na si William Henry Scott ay nagteorya na maaaring ito ang nakamamatay na pagkakamali ni Ferdinand Magellan. Ipinagpalagay ni Magellan na si Rajah Humabon ang hari ng lupain at gayundin ng Mactan. Ngunit ang isla ng Mactan na nasasakupan ni Lapu-Lapu at ng isa pang datu na nagngangalang Zula, ay nasa isang lokasyon na nagbigay-daan sa kanila upang harangin ang mga barkong pangkalakal na papasok sa daungan ng Cebu, na nasasakupan ni Humabon. Kaya mas malamang na mas makapangyarihan si Lapu-Lapu kaysa kay Humabon. Si Humabon mismo ay ikinasal sa pamangkin ni Lapu-Lapu. Nang hilingin ni Magellan na magpasakop si Lapu-Lapu kagaya ng ginawa ng kanyang "hari" na si Humabon, sumagot umano si Lapu-Lapu ng "hindi niya gustong lumapit at magbigay-galang sa isa na matagal na niyang inuutusan"
Sultanatong Moro
baguhinSa Sultanato ng Sulu at Sultanato ng Maguindanao, ang pinakamataas na pinuno ay ang sultan. Ang kapangyarihan ng sultan ay tinitimbang ng isang konseho ng datu. Ang mga babaeng dugong bughaw sa mga hanay na ito ay tinawag na dayang ("prinsesa"), kung saan ang mga anak na babae ng sultan ay kilala bilang dayang-dayang ("prinsesa ng unang antas"). Ang lahat ng mga titulong ito ay mahigpit na namamana.
Sa ibaba ng mga may pagkaharing uri ay ang mga gobernador ng probinsiya (panglima) gayundin ang mayayamang tao (orang kaya). Kung minsan ang mga karaniwang tao ay maaaring itaas ang katayuan sa pagkaharing uri, na kilala bilang datu sadja. Karaniwan para sa mga natatanging tagumpay o serbisyo sa linya ng tungkulin sa pamamagitan ng pagpapakita ng katapangan, kabayanihan, at iba pa. Hindi tulad ng tunay na datu, ang ranggo ng tatanggap ay sa panghabang-buhay lamang at hindi namamana.
Sultanatong Maranao
baguhinAng mga Maranao sa rehiyon ng Lanao ay naiiba sa ibang mga Sultanatong Moro dahil hindi ito sentralisado. Sa halip ito ay isang kompederasyon ng ilang independiyenteng estado ng Maranao na binubuo ng maraming angkan. Ang namamanang pagkaharing uri ng lipunang Maranao ay pangkalahatang kilala bilang pidtaylan, at natutunton ang kanilang pinagmulan mula sa unang Sultan. Ang mga sultan na ito ay namamahala sa mga independiyenteng estado (pengampong), na higit na nahahati sa mas maliliit na pamayanan (pulok) na pinamumunuan ng mga namamanang datu ng uring kadatuan. Ang mga yunit ng lokal na pamahalaan ay pinangangasiwaan ng mga panglima (gobernador) at maharajah.
Ang pinakamataas na posisyon sa babaeng aristokrasya ay ang bai-a-labi (pinakamataas na reyna). Sinundan ito ng potri maamor (prinsesa), solotan a bai (kind queen), at bai a dalomangcob (reyna). Ang mga dugong bughaw na babae ay tinutukoy bilang bayi ("babae"), habang ang mga babaeng hindi dugong bughaw ay kilala bilang bayi a gaos (mayamang babae).
Kalituhan sa maharlika
baguhinNoong panahon ng dating pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos, ang terminong "Maharlika" ay maling iniugnay sa "royalty" o dugong bughaw ng sinaunang lipunan ng Pilipino. Ito'y bahagi ng kanyang layon sa pagtataguyod ng Bagong Lipunan (New Society) upang makapagtatag ng pananaw ng Nasyonalismong Pilipino sa ilalim ng Martial Law. Bukod sa pagrekomenda ng pagpapalit ng pangalan ng Pilipinas sa "Maharlika", naimpluwensyahan ni Marcos ang paggamit ng Maharlika bilang usong pangalan para sa mga lansangan, gusali, banquet hall, nayon at mga organisasyong pangkultura. Ginamit din mismo ni Marcos ang salita upang ipangalan sa isang highway, isang broadcasting corporation, at isang reception area sa Palasyo ng Malakanyang.
Ang propagandistic na paggamit ni Marcos ng salita ay nagsimula noong World War 2. Sinabi rin ni Marcos na pinamunuan niya ang isang grupo ng mga gerilya na kilala bilang Maharlika Unit, bago mapatunayang hindi totoo ito. Ginamit din ni Marcos si Maharlika bilang kanyang personal na nom de guerre, na naglalarawan sa kanyang sarili bilang Filipinong gerilyang sundalo na may pinakamadaming medalyang parangal sa paglaban sa Hapon noong World War II. Noong panahon ng batas militar sa Pilipinas, sinubukan ni Marcos na gumawa ng pelikulang pinamagatang Maharlika upang ipakita ang kanyang "mga pagsasamantala sa digmaan".
Isa sa mga resulta ng kalakaran na ito ay ang pagbaluktot ng orihinal na kahulugan ng maharlika. Hindi aktuwal na tinutukoy ng salitang Maharlika ang klase ng "royalty" gaya ng sinasabi niya, ngunit tumutukoy ito sa klase ng vassal warrior. Ang maharlika ay higit pa o hindi gaanong natatangi sa sistema ng kasta ng Tagalog at ng mga kalapit na tribo nito.
Sanggunian
baguhin- ↑ "Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society". Ateneo de Manila University Press (sa wikang Ingles). 2015-09-09. Nakuha noong 2023-04-30.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)