Mapanggulong pagkilos sa mga bata

Ang mapanggulong pagkilos sa mga bata ay isang katawagan sa larangan ng panggagamot na tumutukoy sa suliranin ng mga bata kapag nahihirapan ang mga ito sa pagsunod sa mga alituntuning pangkaraniwang tinatanggap ng ibang mga tao.[1]

Ang pang-aapi ay isang halimbawa ng mapanggulong pagkilos sa isang bata. Nakakagambala ito sa kaginghawahan o kagalingan at pag-unlad ng batang may ganitong asal at maging sa batang naaapi.

Paglalarawan

baguhin

Kabilang sa mga halimbawa o katangian ng mapanggulong pagkilos ng mga bata ang mga sumusunod:[1]

  • Ang hindi pagsunod sa ipinaguutos ng mga magulang at mga nakatatanda (katulad ng mga guro). Bagaman karaniwan sa mga bata ang paminsan-minsang pagsuway sa mga utos, sa mapanggulong kilos ng mga bata tumutukoy ito sa hindi pagsunod sa halos lahat ng bagay, kahit na mayroong kapalit na mabigat na parusa.
  • Mayroon ang bata ng madalas at malubhang pag-aalboroto, na mahigit kaysa pangkaraniwang batang nasa katulad nilang edad.
  • Mayroon ang bata ng agresibong pagkilos katulad ng pananakit sa ibang tao, paninira ng ari-arian ng ibang tao, pagbabanta sa ibang tao, at may mapanganib na gawi, halimbawa na ang pagnanakaw at pagtatangkang sasaktan ang ibang tao.
  • Mayroon ang bata ng gawi sa pagsagot o pagtugon na palaging may kasamang pagsalungat, pakikipagtalo, at pagpapalaki ng mga maliliit na bagay. Nais ng bata na palaging sila ang may huling mga pananalita.
  • Mayroong ugali ang bata na ayaw gumawa ng pang-araw-araw na gawain, halimbawa na ang mga gawaing bahay o takdang-aralin, at paglilinis ng katawan. Naiiba ito sa karaniwang batang may karumihan sa kanilang pook na tulugan at may pagbabantulot na tumulong sa mga gawain sa bahay, sapagkat sa batang may mapanggulong pagkilos ay may palagiang pagtanggi sa pagtulong o magbigay ng tuon o pansin sa pagpapanatili ng kalinisan o pangangalagang pangkatawan.
  • Mayroong katangian ang batang palagiang nagsisinungaling kahit na hindi naman kailangan. Pangkaraniwan sa lahat ng mga kabataan ang magsinungaling, partikular kung umiiwas na malagay sa panganib o magulong sitwasyon, o kung may ninanais na makuha o matanggap.
  • Mayroon katangian ang bata ng "pagsalungat sa lipunan" at nakayayamot na pag-uugali, partikular na kung mayroong lubhang pagkagalit, na kinakakakitaan ng pagmumura, pagdura sa ibang tao, at pagbabalewala sa kalooban ng ibang tao.
  • Kabilang din rito ang mga ugaling dulot ng mga nagaganap sa bata o kanyang paligid, katulad ng mga suliranin sa tahanan. Kasama sa makikitang ugali ng bata ang pagiging mahirap pakisamahan o pakitunguhan, at madalas na hindi pagtugon o hindi pagpansin sa pagkalinga ng ibang taong nais tumulong sa kanya. Kalimitang nagtatagal at lumulubha ang ganitong mga suliraning pangkatangian ng bata.

Mga sanhi

baguhin

Mayroon mga sanhi o dahilan kung bakit nagkakaroon ang bata ng mapanggulong pagkilos. Kabilang sa mga nagdurulot nito ang damdamin ng bata ukol sa mga nagaganap sa kanyang sarili o kanyang kapaligiran. Halimbawa ng mga pangyayaring nakakaapekto sa bata ang pasya ng mga magulang na maghiwalay, paglipat ng paaralan, at pagkaligalig (istres o presyon).[1]

Mga bagay na nagpapalubha

baguhin

Mayroong mga bagay-bagay na nakapagpapalala sa mapanggulong pagkilos ng mga bata. Kabilang dito ang pagkakaroon ng suliranin ng mag-anak, paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, pag-inom ng alak, udyok ng mga kaibigan, at ang pansariling pagkabahala ng bata.[1]

Suliraning pampamilya

baguhin

Ilang halimbawa ng suliranin sa pamilya ang hindi angkop o sapat na pagbibigay ng pansin ng mga magulang sa mga problemang kinakaharap ng anak (dahil na rin sa pagkakaroon ng problema sa mag-anak), hindi pagkakasundo ng mga magulang kung ang mabisang paraan ng pagtulong sa anak upang malunasan ang isang suliranin, ang malimit na pag-aaway ng mga magulang lalo na ang sa harapan ng bata, ang pagkadamay ng bata sa alitan ng ama at ina, at ang pagkakaroon ng bata ng pag-aalala ukol sa kaligtasan at kaligayahan ng sariling mga magulang.[1]

Pag-inom ng mga ipinagbabawal na gamot at alak

baguhin

Dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na mga gamot at pag-inom ng alak ng mga magulang o ng bata, sa halip na humingi ng wastong tulong sa tamang mga tao, maaaring lumitaw ang kanilang masasamang mga kaasalan o ugali.[1]

Udyok ng mga kaibigan

baguhin

Dahil sa udyok ng mga kaibigan ng bata, nakakagawa ang bata ng masasamang mga gawain, katulad ng paggamit ng mga bawal na gamot. Kabilang din rito ang inaasahang pagkilos o paggalaw ng bata na kakaiba mula sa mga kaibigan o kasing-edad nilang mga kabataan.[1]

Pagkaligalig mula sa paaralan

baguhin

Nakasasanhi ng mapanggulong pagkilos sa bata ang pagkakaroon ng pagkaligalig o pagkatigatig (istres) mula sa paaralan. Dulot ang pagkabahalang ito ng bata ng mga sumusunod: ng gurong may mataas na layunin o hangarin sa kanyang mga mag-aaral (na lingid sa hangarin ng iba pang mga guro), ng mataas na hangarin ng mga magulang para sa kanilang anak, ng mataas na hangarin ng magulang o mga magulang sa kanilang sarili (na nagiging halimbawa o huwaran ng bata), ng kahirapan ng bata sa pakikitungo sa ibang tao o bata, at ng madalas na pagbibiro sa bata.[1]

Pansariling pagkabahala ng bata

baguhin

Nagkakaroon ng sariling pagkabahala o pagkaligalig ang batang maramdamin kung hindi sila natuturuan ng tamang paraan na maipagtanggol ang sarili habang hindi naman nalalagay sa kagusutan. Dahil dito nagkakaroon ng pag-aasta o pagpapakita ang maramdaming bata ng pagiging matapang at mapang-api (bully sa Ingles). Kung naging malungkutin (depressed) ang bata, nagiging agresibo ito at may pagkamainitin ng ulo o madaling magalit, kaya't nagiging mahirap pakitunguhan o pakisamahan ng ibang tao.[1]

Mga malalang uri

baguhin

Kabilang sa malulubhang mga uri o kaanyuan ng mapanggulong kilos ng mga bata ang mga sumusunod:[1]

Kapansanang mapagtutol na pagsuway

baguhin

Sa diprensiyang pasalungat na hindi pagsunod o kapansanang mapagtutol na pagsuway (oppositional defiant disorder), madaling magalit na may madalas na pakikipag-away ang bata. Pangkaraniwang nakikita ito sa batang maliit o mababa ang taas, na kadalasang sumasalungat sa mga magulang at nakatatandang katulad ng mga guro. Ngunit hindi naman sila sadya o talagang may kalupitan, mapang-api, may pagkamadaya, o lumalabas sa batas. Nagiging ganito sila kung walang taong sumusupil sa ganitong mga gawain.[1]

Kapansanan sa kaasalan

baguhin

Sa diprensiya sa asal o kapansanan sa kaasalan (conduct disorder), nakikita na ang bata ay lumalbas sa lahat ng mga patakaran.[1]

Kapansanan sa patutuon ng pansing may sobrang pagkaaktibo

baguhin

Sa diprensiya sa pagtutuon ng pansing may labis na pagkaaktibo o kapansanan sa pagtutuon ng pansing may lubhang kalikutan (attention deficit hyperactivity disorder o ADHD), kakikitaan ng pabigla-bigla sa pagkilos o impulsibo ang bata. Mayroon din silang suliranin sa pananatili ng kapanatagan. Gayundin, mayroon din silang problema sa konsentrasyon o pagtuon ng pansin, halimbawa na ang hindi makapokus ang bata sa kanyang pag-aaral.[1]

Pangangasiwa

baguhin

Mayroon mga wastong pamamaraan kung paano mapangangasiwaan ang isang batang may mapanggulong pagkilos. Kabilang sa mga maaaring gawin, habang naghihintay ng pagtulong ng mga dalubhasa, ang mga sumusunod: pagkilala at pagtanggap sa katangian ng bata, ang hindi pagbibigay ng pansin sa kahinaan ng bata, pagpuri sa bata kapag nakagawa ng tama sa halip na parusahan kung nagkamali, hayaang gumawa ang bata ng bagay na ikinasisiya nito sa halip na ipagawa ang kagustuhan lang ng mga magulang, pakikinig sa bata upang makinig din ang bata sa mga magulang, pagiging matapat at makatuwiran ng mga magulang, pagpapakita at pagbibigay ng pagtangkilik o suporta, pag-iisip ng kabutihan ng bata, pagpansin sa maling mga pagkilos ng bata sa paaralan, pagpansin sa gawaing paglabag sa batas ng bata, pagpapakita ng mga magulang ng hindi pagsisi sa iba kung nakagawa ang mga magulang nga pagkakamali o nakaranas ng pangyayaring sanhi ng kamalasan o hindi mabuting kapalaran, pagturo sa anak ng paghanap ng kalutasan sa problema sa halip na pagsisi sa ibang mga tao, pagiging mabuting huwaran partikular na sa pagkilos sa halip na pananakot o pagpaparusa, pagtitiyak na hindi galit o malamig ang ulo bago makipag-usap sa anak kapag nakagawa ito ng kamalian, pag-iwas ng pag-aaway ng mga magulang na makapagdurulot ng pagkagambala ng mag-anak at pagkabahala ng bata, pagbibigay ng pagkakataon sa bata na makapagsalita kapag nayayamot ito o nagagalit na hindi nagagalit din ang mga magulang (nakakatulong ito sa pagbibigay-alam sa bata na mapag-uusapan ang damdamin ng bata at mailalahad ang katuwiran ng bata sa makatutulong na kaparaanan), at pag-iwas ng mga magulang sa pabagu-bagong mga alituntunin na nakalilito sa isipan ng bata.[1]

Paghingi ng propesyunal na tulong

baguhin

Mayroong mga imimungkahing mga dahilan kung bakit kailangan nang humingi ng tulong mga magulang mula sa mga dalubhasa o propesyunal kaugnay ng mapanggulong pagkilos ng bata. Kabilang sa mga ito ang kung hindi sigurado sa dapat na gawin, kapag nahihirapan na ang mag-anak dahil sa sitwasyon, kung nawawalan na ang mga magulang na pananalig sa kanilang sariling kakayahan sa paglutas ng suliranin ukol sa anak, kapag nakakagambala na sa pang-araw-araw na gawain ng bata ang kanyang ugali (katulad ng ukol sa kanyang pag-aaral), kung nananakit na ng iba ang bata, kung nasasaktan na ng bata ang kanyang sarili, at kung lumalabag na sa batas ang bata. Makahihingi ng tulong mula sa sariling duktor, sa mga manggagamot ng mga klinika, ospital, iba pang mga pagamutan, sa sentro o lunduyang pampayanan (community center), o sa mga espesyalistang nag-uukol ng pansin sa mapanggulong pagkilos ng mga bata (tulad ng pedyatrisyan o duktor ng mga bata, at isang sikologo). Kasama rin sa mahihingan ng tulong ang mga tagapayong nasa paaralan (school counselor).[1]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 1.11 1.12 1.13 1.14 Mapanggulong Pagkilos sa mga Bata Naka-arkibo 2008-07-30 sa Wayback Machine. (Disruptive Disorders in Children), Paunawa para sa mga Magulang, Ano ang Dapat nating Malaman Bilang Magulang?, Topic No. 2 Disruptive Disorders in Children (nasa Tagalog/Filipino), Transcultural Mental Health Centre, DOH-6435, DHI.gov.au at Health.nsw.gov.au, Agosto 2002.