Kahinugang pangkasarian

(Idinirekta mula sa Maturasyong seksuwal)

Ang kagulangang pangkasarian, kagulangang pangpagtatalik, kahinugang pangkasarian, kahinugang pangpagtatalik, kagulangang seksuwal, kahinugang seksuwal, o seksuwal na maturidad ay ang edad o gulang o kaya kalagayan o katayuan kung kailan ang isang organismo ay maaari nang magparami (reproduksiyon). Kung minsan, itinuturing itong kasingkahulugan ng kagulangan (adulthood), bagaman magkaiba ang dalawang ito. Sa mga tao, ang proseso ng paggulang na pangpagtatalik ay tinatawag na kabagongtauhan o pubertad.

Karamihan sa mga organismong multiselular (may maraming mga selula) ay hindi nagkakaroon ng kakayahang makapagparami sa panahon ng pagsilang (ang tinatawag na herminasyon), at nakabatay sa mga uri o espesye, maaaring umabot ng maraming mga araw, mga linggo, o mga taon hanggang sa ang kanilang mga katawan ay magkaroon ng ganoong kakayahan. Gayundin, may ilang mga pahiwatig na maaaring magsanhi sa isang organismo upang magkaroon ng kahinugang seksuwal. Maaaring panlabas, katulad ng tagtuyot, o panloob, katulad ng bahagdan ng taba sa katawan (ang ganyang mga pahiwatig na panloob ay hindi dapat ikalito mula sa mga hormonang tuwirang gumagawa ng kahinugang seksuwal).

Ang kagulang seksuwal ay dulot ng isang paghinog o paggulang ng mga organong pangreproduksiyon at ng produksiyon ng mga gameto. Ito rin ay maaaring kasamahan ng isang biglaang paglaki o iba pang mga pagbabagong kakakakitaan ng pagkakaiba mula sa isang organismong hindi pa hinog o hindi pa magulang (bata pa o mura pa) mula sa anyong adulto na. Tinatawag itong pangalawang mga katangiang pangkasarian, at kadalawang kumakatawan sa pagtaas ng dipormismong seksuwal. Halimbawa, bago sumapit ang kabagungtauhan o pubertad, ang mga batang tao ay may patag na mga dibdib, subalit ang mga adultong babae ay mayroon mga suso habang ang mga lalaking adulto ay pangkalahatang wala. Subalit, mayroong mga taliwas o maibubukod mula rito, katulad ng obesidad (masyadong mataba) at mga hindi pagpapantay ng antas ng hormona (katulad ng hinekomastiya [gynecomastia]).

Pagkaraang makamit ang kagulangang seksuwal, ang ibang mga organismo ay maaaring maging baog, o kaya ay makapagbago ng kanilang kasarian. May ilang mga organismo na hermaprodita at maaari o maaaring hindi magkaroon ng kakayahang makagawa ng mabubuhay na supling. Gayundin, habang ang kagulangang seksuwal sa maraming mga organismo ay matibay na may kaugnayan sa edad, maraming iba pang mga bagay-bagay ang nasasangkot, at posible para sa ilan ang magpakita ng halos lahat o talagang lahat ng mga katangian ng anyong adulto na hindi naman nararating pa ang kahinugang seksuwal. Sa kabaligtaran, maaari rin maging posible para sa organismong hindi pa magulang o hindi pa hinog na makapagparami (tingnan ang prohenesis).

Tingnan din

baguhin

Mga kawing na panlabas

baguhin