Mitolohiyang Tsino
Ang Mitolohiyang Intsik (中國神話) ay isang kalipunan ng kasaysayan ng kalinangan, mga kuwentong-bayan, at mga relihiyon na naipasa sa kaugaliang sinasambit o isinusulat. Kasama sa mga ito ang mga mito ng paglikha at mga alamat at mga mitong nakatuon sa pagtatatag ng kalinangang Intsik at ng estadong Tsino. Katulad ng maraming mga mitolohiya, pinaniniwalaan ito noong mga nakaraang panahon bilang, sa maliit na kabahagian, bilang isang makatotohanang pagtatala ng kasaysayan.
Ipinapalagay ng mga historyador na nagsimula ang mitolohiyang Tsino noong ika-12 daantaon BKE. Naisalin ang mga mito at mga alamat sa anyong pasabi sa loob ng libong mga taon, bago naisulat sa mga aklat na katulad ng Shan Hai Jing. May iba pang mga sinasambit na mga mitong nagpatuloy na maipasa sa pamamagitan ng mga tradisyong pasambit katulad sa dulaan at awitin, bago naitala sa mga nobelang katulad ng Hei'an Zhuan - "Epiko ng Kadiliman" o "Epiko ng Karimlan". Ang koleksiyong ito ng mga epikong alamat (panulaang epiko) ay pinanatili ng isang pamayanan ng Intsik na may pagkamamamayang Han, mga nakatira sa mabundok na lugar sa Shennongjia sa Hubei, at naglalaman ng mga kuwento ng pagsilang ni Pangu magpahanggang sa kapanahunang historikal.
Ang mga dokumentong pangkasaysayan na pang-imperyo at mga kanong pampilosopiya na katulad ng Shangshu (Klasiko ng Kasaysayan), Shiji, Liji (Klasiko ng mga Rito), Lüshi Chunqiu, at iba pa, ay naglalaman ng mga mitong Intsik.