Ungguwento

(Idinirekta mula sa Ointment)

Ang ungguwento (Kastila: ungüento, Ingles: ointment, unguent) ay isang uri ng gamot o medikamenteng pamahid sa at panghimas ng balat.[1][2] Hindi katulad ng krema, naglalaman lamang ang ungguwento ng mga taba o mga langis, at wala itong tubig. Hindi rin ito sumasanib sa balat ng tao, sa halip lumilikha ito ng nakahiwalay na sapin sa ibabaw ng balat.[3]

Ungguwento na nagmumula sa isang napipisil na lalagyang yari sa plastik.

Kahalagahan

baguhin

Nagagamit na pamahid ang ungguwento para sa mga mahihina na o malalambot na bahagi ng balat. Ginagamit din itong pananggalang mula sa dagdag na pamamasa (katulad ng pagkairita ng balat ng sanggol sa lamping nabasa ng ihi).[3]

Paggawa ng ungguwento

baguhin

Mga sangkap

baguhin

Dating gawa mula sa mga taba ng hayop ang krema. Sa kasalukuyan, sapat na ang 500 mga gramo ng halayang petrolyo o kaya ng pagkit ng parapina, at 60 mga gramo ng tuyong yerba.[3]

Mga kagamitan

baguhin

Sa pagluluto ng ungguwento, gumagamit ng mga kasangkapang babasaging mangkok, maliit na kawali o kaserola, kahoy na kutsara, bag o supot na panghalaya o katsa, pitsel, mga boteng garapon na may kasamang mga takip, at mga de-gomang guwantes.[3]

Pagluluto

baguhin

Sa paghahanda ng ungguwento, nagtutunaw ng pagkit o halaya sa loob ng isang mangkok na nasa ibabaw ng isang kawaling may kumukulong tubig (maaaring gumamit ng dalawang kawali). Isinasamang hinahalo ang mga yerba. Pinaiinitan ito sa loob ng mga may dalawang oras. Maaari ring gawing palatandaan ang pagiging malutong na ng mga yerba. Pagkaraan, nagkakabit ng isang pansalang bag na panghalaya o katsa (telang pangkeso), na ikinabit o ipinirmi sa isang pitsel sa pamamagitan ng goma o tali. Inililipat ang pinaghalu-halong mga sangkap patungo sa pitsel, na sinasala ng bag na panghalaya o ng katsa. Pagkatapos nito, nagsusuot ang nagluluto ng ungguwento ng mga guwantes na goma dahil mainit ang mga nalutong sangkap. Sa pamamagitan ng nakaguwantes na mga kamay, pinipiga ang nilutong mga sangkap upang dumaan ang produktong krema sa katsa o bag na panghalaya. Pagkaraan nito, mabilisang ibinubuhos ang nasala nang krema patungo sa loob ng mga imbakang bote o garapong gawa sa salamin.[3]

Ungguwentong basilikon

baguhin

Isang uri ng ungguwento ang ungguwentong basilikon o ungguwentong resin. Binubuo ito ng walong bahagi ng resin bawat isa, dilaw na pagkit mula sa bahay ng pukyutan (beeswax), langis ng olibo, at anim na bahagi ng mantika o taba. Nagmula ang salitang basilikon (basilicon ang baybay sa Ingles) mula sa Griyegong basilikos na nangangahulugang royal. May tinatawag na isang "opisyal na ungguwentong basilikon", ang ceratum resinae (kilala sa Ingles bilang resin serate) na binubuo ng 350 mga gramo ng rosin o rosina (dagta mula sa mga puno ng aguho at pino), 150 mga gramo ng dilaw na pagkit, at 500 mga gramo ng mantika, upang makabuo ng 1,000 mga gramo. Isang bahagyang pampasigla o istimulanteng antiseptiko ang ungguwentong ito. Mabisa ito para sa mga ulser na mabagal gumaling. Kapag dinagdagan ng 20 mga grano ng asidong salisiliko ang isang onsa ng ungguwentong basilikon, nagiging mabisang gamot ito para sa maraming kaso ng pruritus ani o pangangati sa palibot ng mababang hulihan ng bituka.[4]

Tingnan din

baguhin

Sanggunian

baguhin
  1. Gaboy, Luciano L. Ointment - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. English, Leo James (1977). "Ungguwento, ointment". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 1541.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Ody, Penelope (1993). "Ointment". The Complete Medicinal Herbal. DK Publishing, Inc.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 123.
  4. Robinson, Victor, pat. (1939). "Basilicon ointment". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 82.