Padron:Unang Pahina/Artikulo/Jigme Khesar Namgyel Wangchuck
Si Jigme Khesar Namgyel Wangchuck (Dzongkha: འཇིགས་མེད་གེ་སར་རྣམ་རྒྱལ་དབང་ཕྱུག་, Wylie: jigs med ge sar rnam rgyal dbang phyug; ipinanganak noong Pebrero 21, 1980) ay ang ikalimang Druk Gyalpo (Dzongkha: Haring Dragon) ng Kaharian ng Bhutan at puno ng Angkan ng Wangchuck (dinastiyang Wangchuck). Siya ang kasalukuyang pinakabatang monarka at puno ng estado. Naluklok siya sa trono noong Disyembre 6, 2006 matapos magbitiw ang kanyang ama, ang ikaapat at dating Haring Dragon ng Bhutan na si Jigme Singye Wangchuck. Naganap ang pampublikong seremonya ng koronasyon noong Nobyembre 6, 2008, ang taon na minarkahan ang ika-100 ng monarkiya ng Bhutan. Kaugnay ng pamilya, panganay si Khesar ng kanyang ama at ng ikatlong asawa ng kanyang ama na si Reynang (Ashi) Tshering Yangdon. Mayroon siyang mga nakababatang kapatid na babae at lalaki, gayundin, may apat na kapatid na babae sa labas at tatlong kapatid na lalaki sa labas. Asawa niya si Jestun Pema, ang Druk Gyaltsuen (Dzongkha: Reynang Dragon) ng Bhutan. Mayroon silang dalawang anak, ang mga prinsipeng sina Jigme Namgyel Wangchuck at Jigme Ugyen Wangchuck. Pagkatapos tapusin ang kanyang pag-aaral sa mababa at mataas na paaralan sa Bhutan, nag-aral si Khesar sa ibang bansa sa Akademiyang Phillips (Andover), Akademiyang Cushing at Dalubhasaang Wheaton sa Massachusetts, Mga Nagkakaisang Estado, bago magtapos sa Dalubhasaang Magdalen, Pamantasan ng Oxford, Mga Nagkakaisang Kaharian, kung saan nakumpleto niya ang Programang Ugnayang Panlabas at MPhil sa Politika. Nakapaglakbay siya sa mga iba't ibang bansa, opisyal na kumakatawan ng Bhutan sa mga iba't ibang kaganapan at may aktibong gampanin sa mga pangkultura, pang-edukasyon at pang-ekonomiyang organisasyon.