Ang puno ng estado (Ingles: head of state) ay ang pinakamataas na ranggong katungkulan sa saligang-batas[tala 1] sa isang nakapangyayaring estado. Ginagawaran ng kapangyarihan ang isang puno ng estado na maglingkod bilang pangunahing pampublikong kinatawan ng naturang estado. Sa karamihan ng mga bansa ang puno ng estado ay likas na taong nanunungkulan. Sa isang monarkiya ang nananaig na monarko ay ang puno ng estado, bagamat ang kaniyang tituloy ay maaring hindi hari o reyna. Sa isang republika ang puno ng estado ay malimit na may titulong pangulo, ngunit maaari ding magtaglay ng ibang titulo gaya ng tagapangulo. Samantala, sa apat na kasaping estado ng Mga Nagkakaisang Bansa ang puno ng estado ay hawak ng isang lupon ng mga tao: ang Federal Council ng Switzerland, ang Presidency ng Bosnia at Herzegovina, ang Co-princes ng Andorra at ang Captains Regent ng San Marino.[1][tala 2] Ang ginagampanan at katungkuluan ng tanggapan ng puno ng estado ay maaaring iba-iba mula sa isang pawang seremonyal o simboliko hanggang sa pagtataglay ng kapangyarihang tagapagpaganap sa isang estado.

Isang photomontage na ginawa noong 1889 na nagtatampok sa mga puno ng estado ng maraming bansa noong mga panahong iyon.
Mula kaliwa pa-kanan: Yohannes IV (Emperador ng Ethiopia), Tewfik Pasha (Khedive ng Ehipto), Abdul Hamid II (Sultan ng Imperyong Ottoman), Naser al-Din Shah Qajar (Shah ng Persia), Christian IX (Hari ng Denmark), Dom Luís I (Hari ng Portugal), William III (Hari ng Netherlands), Dom Pedro II (Emperador ng Brazil), Milan I (Hari ng Serbia), Leopold II (Hari ng mga Belgian), Alexander III (Emperador ng Rusya), William I (Emperador ng Alemanya & Hari ng Prussia), Franz Joseph I (Emperador ng Austria & Hari ng Hungary), Victoria (Reyna ng United Kingdom of Great Britain and Ireland at Emperatris ng India), Jules Grévy (Pangulo ng Republikang Pranses), Leo XIII (Santo Papa), Meiji (Emperador ng Hapon), Guangxu (Emperador ng Tsina), Umberto I (Hari ng Italya), Don Alfonso XII (Hari ng Espanya), Oscar II (Hari ng Sweden at Norway) at Chester A. Arthur (Pangulo ng Estados Unidos).

Madalas itinatangi ang tanggapan ng puno ng estado sa puno ng pamahalaan. Halimbawa, itinatangi sa artikulo 7 ng Vienna Convention on the Law of Treaties, artikulo 1 ng Convention on the Prevention and Punishment of Crimes against Internationally Protected Persons, including Diplomatic Agents at talaan ng protokol ng Mga Nagkakaisang Bansa.[1][2][3] Pati rin sa mga sistemang parlamentaryo gaya ng United Kingdom at Alemanya; ang Monarko at Pangulo ay kinikilalang kani-kanilang puno ng estado, habang ang Punong Ministro at Chancellor ay ang kani-kanilang puno ng pamahalaan.[1][4][5] Subalit sa mga republikang may sistemang presidensiyal, gaya ng sa Estados Unidos, at Brazil, ang kanilang mga pangulo ay siya ring puno ng estado at puno ng pamahalaan.[1][6][7]

Karaniwang kasama sa mga ginagampanang katungkuluan ng puno ng estado ay ang pagsalehitimo ng estado at iba pang katungkulang iginagawad ng konstitusyon, batas, kaugulian at tradisyong di-nasusulat ng isang bansa. Ipinagpapalagay ng Vienna Convention on Diplomatic Relations na ang lahat ng puno ng misyong diplomatiko (i.e. embahador o nunsiyo) ng nagpasugong estado ay may akreditasyon ng puno ng estado ng pinagsuguang estado.[8] Sa mga mga estadong bansa ang puno ng estado ay pinag-aaralan, batay sa kapangyarihan ng naturang posisyon, kung ito'y opisyal na "lider" o "simbolo" ng bansa.

Talaan

baguhin
  1. Sa istriktong protokol lamang (i.e. order of precedence, ayos sa pagkakaupo, etc.); at hindi nangangahulugan pati ang kaakibat nitong aktuwal na kapangyarihan o impluwensiya.
  2. Kahit sa ganitong sistema, isa o dalawa sa mga kasapi ng lupon ang gumaganap ng katungkulan gaya ng sa isang-taong puno ng estado, na mapapansin sa talaan ng protokol ng Mga Nagakakaisang Bansa

Mga sanggunian

baguhin