Padron:Unang Pahina/Artikulo/One Direction
Ang One Direction (kadalasang dinadaglat bilang 1D) ay isang pop na bandang Ingles-Irlandes na puro lalaki na nakabase sa Londres, at binubuo nina Niall Horan, Liam Payne, Harry Styles at Louis Tomlinson. Kasapi si Zayn Malik sa banda mula nang ito'y mabuo noong 2010 hanggang sa kanyang pag-alis noong Marso 25, 2015. Nakapirma sila sa tatak panrekord ni Simon Cowell na Syco Records matapos na mabuo at makamit ang ikatlong puwesto sa ikapitong serye ng programang pantelebisyon sa Britanya, ang The X Factor. Bunsod ng social media kaya naging matagumpay sa iba't-ibang bansa, ang apat na album ng One Direction, ang Up All Night (2011), Take Me Home (2012), Midnight Memories (2013) at Four (2014) ay nakabura ng mga dating rekord, na nanguna sa mga talaan sa malalaking merkado, at nakagawa ng mga patok na awitin kabilang ang "What Makes You Beautiful", "Live While We’re Young", "Story of My Life", at "Steal My Girl". Ang kanilang ikalimang album, ang Made in the A.M., ay inilabas noong Nobyembre 2015. Kabilang sa kanilang mga nakamit ang apat na Gantimpalang Brit (Brit Awards), apat na MTV Gantimpala sa Musikang-Bidyo (MTV Video Music Awards), 11 MTV Gantimpala sa Musika sa Europa (MTV Europe Music Awards), 19 na Gantimpala sa Pinili ng Kabataan (Teen Choice Awards), at marami pang iba. Ayon kay Nick Gatfield, tagapangulo at punong ehekutibo ng Sony Music Entertainment UK, kinatawan ng One Direction ang $50 milyong imperyong pang-negosyo noong Hunyo 2012. Ipinroklama silang "Nangungunang Bagong Mang-Aawit" ng 2012 ng Billboard. Ayon sa Sunday Times Rich List, nitong Abril 2013, ang banda ay tinatayang may kabuuang pinagsama-samang personal na yaman na £25 milyon ($41.2 milyon), dahilan upang sila'y maging pangalawang pinakamayayamang musikero sa Nagkakaisang Kaharian na nasa edad na mas mababa sa 30. Noong 2014, itinala sila ng Forbes bilang ikalawang may pinakamalaking kinitang artista na nasa gulang na mababa sa 30, na nakapagtala ng kitang tinatayang nasa $75 milyon mula Hunyo 2013 hanggang Hunyo 2014. Noong Hunyo 2015, itinala ng Forbes ang kanilang kita na nasa $130 milyon sa loob ng nakalipas na 12 buwan, at inihanay sila bilang ikaapat na artistang may pinakamalaking kita sa buong mundo.