The X Factor
Ang The X Factor ay isang patimpalak-musikang pantelebisyon sa Britanya kung saan layunin nitong humanap ng bagong talentong mang-aawit, na pipiliin mula sa mga nangangarap na mang-aawit na pinili mula sa pampublikong awdisyon. Sa likha ni Simon Cowell, nagsimula ang palabas noong 2004 at mula noo'y sumasahimpapawid taun-taon mula Agosto/Setyembre hanggang Disyembre. Ang palabas ay ipinrodyus ng Thames (dating Talkback Thames) ng FremantleMedia at ng kumpanyang produksiyon ni Cowell na SycoTV. Isinasahimpapawid ito sa ITV network sa Nagkakaisang Kaharian at sabayang napapanood sa TV3 sa Republika ng Irlanda, na may spin-off na palabas na sa-likod-ng-kamera na The Xtra Factor na ipinalalabas sa ITV2. Ang "X Factor" ay tumutukoy sa hindi maipaliwanag na "kung ano" na nagbibigay ng datíng. Ang palabas ay binuo bilang pamalit sa matagumpay na Pop Idol, na hindi na muling ipinagpatuloy matapos ang ikalawang serye nito, sa kadahilanang si Cowell, na isang hurado sa Pop Idol, ay nagnais na maglunsad ng isang palabas na pagmamay-ari niya ang karapatan sa telebisyon. Ang napunang pagkakatulad ng dalawang palabas kinalauna'y naging paksa ng isang alitang ligal.